The 18th

14 9 0
                                    

Hay, Ford!

Nakakatakot! Ishe-share ko lang, ah. Wala naman akong masabihan, eh. Busy si Britney ngayon sa university publication. Sina Clide naman maglalaro daw. Ayaw ko namang sila lang ang kasama ko tapos wala si Britney. Naiilang lang ako.

Anyway, Kabibigay ko lang ng unang letter ko, right? Umiiyak kasi ako sa CR, eh. Lalabas na sana ako noong may pumasok bigla. Ewan ko ba pero nahiya naman ako kaya hindi ako lumabas agad. Tapos kaya hindi rin ako natuloy kasi may narinig akong weird. Pamilyar 'yong boses ng babae pero hindi ko alam kung sino. Sigurado lang ako na nakausap o narinig ko na siya once sa university.

Akala ko kasi mabilis lang siya, eh. Kaso hindi man lang siya pumasok ng cubicle o naghugas ng kamay. Narinig ko lang na may kinalkal siya sa bag niya tapos may tinawagan siya. Sabi niya sa kausap niya na ready na raw 'yong mga produkto nila. Ipapadala na lang daw sa lugar na napag-usapan nila ng kliyente.

Hindi na sana ako mag-iisip ng kung ano-ano kaya lang narinig ko pa na sinabi niya na binayaran na rin daw nila 'yong mga police. One hundred percent na raw na hindi sila mahuhuli. Wala raw magsasalita sa mga parak na 'yon. Sinigurado rin daw nila na walang witness, at 'yong huli raw na nakaalam ng operasyon nila na hindi nanahimik at balak pang magsumbong ay napatumba na raw nila.

Kinilabutan talaga ako pagkarinig ko niyon, Ford. Hindi ko alam ang gagawin ko kasi sigurado akong may narinig akong hindi ko dapat marinig. Hindi ko dapat iyon nalaman. Ayaw ko pang mamatay. Marami pa akong plano para sa pamilya ko.

Sabihin mo mang wala akong kuwentang tao o mamamayan ng Pilipinas, pero wala akong balak magsubong kahit na kilala ko pa ang babaeng 'yon. Mahal ko pa ang buhay ko at ang buong pamilya ko. Nagkakaroon na rin ako ng mga kaibigan. Unti-unti nang nagkakaroon ng direksyon ang buhay ko tapos magpapakabayani pa ako, eh 'yong mga police nga walang ginagawa. Pati sila nadaan sa bayad.

Kung nagawa nilang pumatay at patahimikin ang mga alagad ng batas, ano pa kaya ang gagawin nila sa nobody at small time na gaya ko? Sino ba ako? Hindi naman ako anak ng milyonaryo at politiko, eh. Kayang-kaya nilang malaman kung sino ang nakarinig doon sa babae.

Kaya kahit na nanginginig ang buong pagkatao ko, naluluha, at sobrang bilis ng pagtibok ng puso ay pinilit ko pa ring huwag gumalaw sa puwesto ko at manahimik. Nang nasigurado ko nang tuluyan nang lumabas iyong babae, wala ng tao sa CR, ako na lang mag-isa, at ilang minuto na ang nakakalipas ay doon lang ako kumilos. Nasulyapan ko pa ang sarili kong repleksyon sa salaming namumutla at pinagpapawisan. Inayos ko muna ang sarili ko bago lumabas. Kahit na wala sa sarili ay alam kong wala dapat makahalata sa akin. Ayaw kong makatunog pa sila. Hindi ko alam kung sindikato sila o maliit na grupo lang, pero hindi ko na iri-risk ang possibility na 'yon, 'no.

Judge me all you want, Ford. You can hate me as well tutal nanakawan naman kita, eh. Siguro napakasama ko na sa paningin mo kung nababasa mo ito. Ayaw ko pa lang mamatay. Puwede na siguro kapag maayos na ang lagay ng pamilya ko.

Your thief na natatakot, naiiyak pa rin, at medyo natutulala na

Lara Alexa

Hay, Ford (The One Hundred Trilogy 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon