Prologue: Ang Kapanganakan Ng Babaeng Itinadhana

31.7K 800 38
                                    

LUMULUHA ng dugo ang bilog na buwan nang isilang ang isang sanggol. Umalingawngaw ang iyak niyon sa katahimikan ng gabi.

"Babae ang anak mo, Rebecca," nakangiting sabi ng komadrona habang maingat na hawak nito sa mga kamay ang sanggol.

Hinang hina si Rebecca at sa namimigat na mga mata ay sinilip ang kanyang anak na ibinalot ng komadrona sa malinis na lampin. Pagkatapos sumulyap siya sa direksiyon ng bintana ng maliit na silid sa lying-in center na iyon. Nakasara iyon at nakatabing ang mga kurtina. Pero alam niya kung ano ang makikita niya sa madilim na kalangitan kung sakali mang nakabukas ang bintana at kaya niyang tumingala.

Blood Moon. Laman iyon ng mga balita sa nakaraang mga linggo. Ang dahilan kung bakit gusto sana niya na huwag sa araw na iyon manganak. Pero hindi rin talaga nadaan ni Rebecca sa pakiusap at dasal ang lahat. Mismong sandali pa na sigurado na pulang pula ang bilog na buwan sa kalangitan napiling lumabas ng kanyang anak.

Lumapit sa kama ang komadrona kaya nawala ang tingin niya sa bintana. Malinis na ang sanggol at huminto na sa pag-iyak. Maingat iyong ibinaba ng komadrona sa tabi niya. Tumulo ang luha ni Rebecca habang pinagmamasdan ang payapa at inosenteng mukha ng kanyang anak. Hindi iyon luha ng kaligayahan kung hindi luha ng hinagpis at takot.

Bakit kailangan ngayon ka pa ipanganak anak ko? Kung ilang linggo ang nakararaan ka lumabas o kaya ay sa susunod pang linggo, kapag hindi na bilog ang buwan at hindi iyon pula na tulad ngayon, mapapanatag na sana ako na magiging normal at tahimik ang magiging buhay mo sa hinaharap.

"Rebecca? Tatawagin ko na ang asawa mo. Sigurado akong gusto na niya kayong makita na mag-ina niya," sabi ng komadrona bago naglakad palayo sa kama at patungo sa pinto ng silid.

Hindi siya nag-angat ng tingin at patuloy lang tinitigan ang sanggol. Kahit hindi pa rin bumabalik ang kanyang lakas kumilos si Rebecca hanggang sa mailapit niya ang mukha sa kanyang anak at hinalikan ito. "Po-protektahan kita kahit anong mangyari. Hindi ko hahayaang matagpuan ka nila," determinadong bulong niya.

Noon pumasok sa silid ang asawa niya at humahangos na lumapit sa kama. Naluluha at halatang manghang mangha ang lalaki habang pinagmamasdan ang sanggol. Tiningnan nito si Rebecca at masuyong hinaplos ang kanyang mukha. Nakangiting hinalikan siya ng lalaki at ganoon din ang ginawa nito sa kanilang anak.

"Napakagandang bata," usal ng asawa ni Rebecca.

"Ano ang pangalang ibibigay niyo sa kaniya?" nakangiting tanong ng komadrona.

Tumingin sa kaniya ang lalaki at hinintay siyang magsalita. Pinagmasdan ni Rebecca ang kanyang anak at masuyong ngumiti sa kabila ng pag-aalala na namamayani sa puso niya. "Ayesha. Siya si Ayesha."

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon