Chapter Thirty Four: Ang Katuparan Ng Nais Ni Diyosa Mayari (part 2)

7.1K 218 3
                                    

-AYESHA-

HUMINGA ako ng malalim habang nakatitig sa pinto ng hospital room kung nasaan si Zion. Tahimik sa loob. Baka natutulog siya at ayokong makaistorbo kaya hindi na ako kumatok. Maingat kong binuksan ang pinto.

Suminghap ako nang makitang hindi naman tulog si Zion. Katunayan wala siya sa kama. Nakatayo siya at nasa aktong nagsusuot ng itim na t-shirt. Nakasuot na rin siya ng maong na pantalon at sapatos. Nakita ko pa ang benda sa bandang tiyan niya. Mukhang kailangan na palitan ang gasa sa tagiliran niya dahil may nakikita akong bakas ng dugo doon. Nakita ko na nakalaylay sa kama ang dulo ng dextrose na dapat nasa likod ng kamay ni Zion. May bakas din iyon ng dugo. Halatang pinuwersang hatakin paalis sa balat.

Hindi pa siya dapat kumikilos pero bakit nagbibihis siya?

Mukhang nagulat siyang makita ako dahil napahinto siya sa pagbibihis at napatitig lang sa akin.

"Anong ginagawa mo? Dapat nagpapahinga ka pa!" Mabilis akong pumasok at lumapit sa kaniya.

Kumunot ang noo ni Zion, mariing pinaglapat ang mga labi at tinapos ang pagsusuot ng t-shirt. "Ikaw ang dapat nagpapahinga pa. Nawalan ka ng malay kaya bakit nandito ka?"

"Gusto kitang makausap at makita. Sinabi sa akin ni mama ang mga naging pag-uusap ng mga pamilya natin. Zion... bakit ka pumayag na kami ni Cain ang gagawa ng ritwal?

Natigilan siya pero sandali lang. Inalis niya ang tingin sa akin. "Dahil iyon naman talaga ang dapat na mangyayari bago kami sumulpot para guluhin ang lahat, hindi ba? Hinahayaan ko lang maibalik sa dati ang lahat. Patay na ang tatay ko at ako kailangan ko na rin lumugar."

Kinabahan ako sa sinabi niya. Hinablot ni Zion mula sa ibabaw ng lamesa ang itim na baseball cap at dark sunglasses. Nanlamig ako. "Aalis ka?" halos ayaw lumabas ng tanong na iyon sa lalamunan ko.

Hindi sumagot si Zion. Naging seryoso ang mukha niya at humarap sa akin. "Napatawad na nila ako sa pakikipagsabwatan ko para pabagsakin sila at oo, pinagsisikapan kong patawarin din sila sa ginawa nila sa akin noong bata pa ako. Pero kahit ganoon hindi na mabubura ang naging buhay ko sa nakaraang mga taon, Ayesha. Kahit anong gawin ko, babalikan ako ng mga nagawa kong kasalanan. Hindi mabait sa mga taong gusto magbago ang mundong ito. Kesa madamay pa ang pamilya ko at madamay ka rin... mas makakabuti kung lalayo na lang ako. Ikaw... mas magiging maganda at tahimik ang buhay mo kung mananatili ka sa liwanag. Mas magiging maayos ang kalagayan mo sa piling ni Cain."

Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang panginginig ng boses niya sa huli niyang sinabi. Lalong hindi nakalusot sa paningin ko ang kislap ng pangungulila at paghihirap sa mga mata niya.

Namasa ang mga mata ko. Humakbang ako palapit sa kaniya. "Zion, iyon ba talaga ang gusto mo? You want me to be with Cain? Sigurado ka talaga?" Hindi siya sumagot. Kumuyom ang mga kamao. Humakbang ulit ako. Hindi siya tumitinag sa pagkakatayo. Tipid akong ngumiti kahit naluluha na ako. "Pero paano iyan? Ikaw ang gusto ko. Ikaw ang pinili ng tadhana para sa akin at ikaw rin ang pinili ng puso ko. Ano ngayon ang gagawin ko?"

Umiling si Zion. "Ayesha –"

"Alam mo ba kung ano ang gagawin sa gabi ng ritwal?"

Tumiim ang bagang ni Zion. "Alam ko."

Humakbang ako palapit pa hanggang ilang pulgada na lang ang layo ko sa kaniya. "Alam mo... pero gusto mong gawin ko iyon kasama si Cain? Payag ka na ikasal kami? Paano ko iyon magagawa kung ikaw ang mahal ko?" Hindi ko na naitago ang hinanakit sa boses ko. "Zion, can you stop running away from me?" Ikinulong ko ng mga palad ko ang magkabilang pisngi niya. "Alam ko ang lahat ng tungkol sa iyo. Alam ko lahat ng nangyari sa iyo sa nakaraang mga taon. Wala ka na maitatago sa akin. Alam ko ang lahat at ikaw ang mahal ko."

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon