(Ayesha)
UNDERGROUND. Iyon ang kinaroroonan ko. Kaya pala malamig, madilim at nag-e-echo kahit kaluskos lamang at yabag ng aking mga paa. Makitid ang tila pasilyong dinadaanan ko, ni hindi ko alam kung ano ang mabubungaran ko sa susunod kong pagliko.
Isang nakatalikod na lalaki ang nakita ko ilang metro ang layo sa akin nang lumiko ako. Sumikdo ang puso ko sa magkahalong saya at pangungulila. Uminit ang aking mga mata at binilisan ko ang paglalakad para makalapit sa kaniya. Itinaas ko ang aking kamay upang abutin siya. Sumisigaw ako... tinatawag ko ang pangalan niya, pero walang tinig na lumalabas sa aking mga labi. O kung mayroon man ay hindi ko marinig.
Habang palapit ako ng palapit sa kaniya ay lalong nagiging pamilyar sa akin ang likuran ng lalaki. Hanggang sa maabot ko ang likod niya. Pero kakalapat pa lamang ng palad ko sa kaniya ay bigla siyang nawala at para akong nahulog sa kawalan, nawalan ang inaapakan ko. Suminghap ako at mariing napapikit.
Nang muli kong maramdaman ang mga paa ko sa sahig ay saka lamang ako dahan-dahang nagmulat. Wala na ang lalaking hinahabol ko kanina. Pero nasa loob pa rin ako ng underground. May humihikbi. Parang batang lalaki. Dumeretso ako ng tayo at nagpalinga-linga, hinahanap ang pinanggagalingan ng tunog. At doon, sa kabilang dulo ng makitid na pasilyo kung nasaan ako, sa bahaging madilim na madilim, doon nagmumula ang hikbi.
Lumunok ako at bumilis ang tibok ng puso ko. Pero natagpuan ko ang sarili kong naglalakad palapit sa dilim. Sa kung anong dahilan, sa bawat hakbang ko ay tila may mabining liwanag ang gumagabay sa akin kaya nakikita ko ang nasa harapan ko. Na para bang may bitbit akong kandila kahit wala naman.
Palakas ng palakas sa pandinig ko ang hikbi. Hanggang sa marating ko ang dulo ng pasilyo na iyon. Nag-angat ako ng tingin. A small prison. Na may malalaking rehas na bakal. Iyon ang nasa harapan ko. At sa loob niyon, may isang batang lalaking payat na payat ang nakayukyok sa sulok, umiiyak.
"Ilabas niyo ako rito. Ayoko dito," usal ng bata sa pagitan ng pag-iyak.
Mukha lamang siyang limang taong gulang.
Naluha ako at patakbong lumapit sa rehas na bakal. "Tutulungan kita." Sa wakas ay nagkatunog ang boses ko kahit pa garalgal iyon, kahit pa umiiyak na rin ako. "Ilalabas kita mula sa pagkakakulong mo. Pangako, tutulungan kita. Palalayain kita."
Huminto sa pag-iyak ang batang lalaki. Nag-angat siya ng mukha. Pero bago ko pa mabistayan kung ano ang hitsura niya ay bigla na namang dumilim at para na naman akong nahulog sa kawalan....
NAGISING akong humihikbi. Ang sakit ng puso ko na parang pinipiga. Sa lahat ng mga napanaginipan ko na, pumapangalawa ang panaginip na iyon sa panaginip ko na mamamatay si papa sa nagpaiyak sa akin ng husto. Sino ang lalaking nakatalikod sa panaginip ko? Higit sa lahat, sino ang batang lalaki na nakakulong sa madilim at malamig na lugar na iyon? Who can do something so cruel to a child?
Matagal bago ko nahamig ang sarili ko. Mabuti na lang din pala, kahapon pa umalis si mama para sa seminar niya. At least, hindi niya narinig ang pag-iyak ko. Namamaga ang mga mata ko kaya himbis na maghanda ng almusal ay sa banyo ako dumeretso para maligo. Habang naliligo ay pinaplano ko na sa isip ko ang gagawin ko sa araw na iyon. Maluwag ang schedule ko sa school kaya magkakaroon ako ng oras para mag-research. May ilang computer shop sa paligid ng campus. Sa internet ko tiyak na makikita ang impormasyong kailangan ko.
Kabibihis ko pa lang at maghahanda pa lang sana ako ng almusal nang tumunog ang cellphone ko. Baka si mama ang tumatawag kaya sinagot ko agad na hindi tinitingnan ang screen. "Hello?"
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasiA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...