-AYESHA-
MALAMIG ang tingin ni Zion. Kalmado pero mararamdaman ng kahit na sinong nakatingin sa kaniya na may kumukulong galit sa loob niya. Tumitig ako sa mga mata niya at nakikita ko na para bang nagbabadyang magbago ang kulay ng mga iyon. Na para bang sobrang willpower ang ginagamit niya para kontrolin ang kapangyarihan niya.
"Bakit nandito ka? Sinabi ko nang hintayin mo ako sa sasakyan," sabi ni Ambrosio, mukha pa ring galit at parang dadakmain pa rin ako ano mang sandali.
Humakbang palapit sa akin si Zion. Nakatiim ang mga labi. "Tumigil ka na," sabi niya ulit. Sandaling umitim ng husto ang mga mata pero agad ding nawala. Para bang babala iyon na mukhang tumalab kay Ambrosio. Mukhang galit pa rin ang may-edad na lalaki pero bumagsak na ang mga kamay nito at humakbang palayo sa akin. Si Zion naman ilang hakbang pa nasa tabi ko na. Niyuko niya ako at tiningala ko siya. Nagtagpo ang mga paningin namin. Uminit ang mga mata ko. May bumikig sa lalamunan ko at alam ko nakikita niya sa mga mata ko ang mga emosyong hindi ko mapigilan maramdaman ngayong nakita ko siya ulit. Ngayong alam ko na ang lahat ng tungkol sa kaniya. Mula sa nakaraan hanggang sa magiging hinaharap.
Pinutol ni Zion ang eye contact namin pero yumuko at akmang hahawakan ako para alalayan siguro na makatayo. Pero bago lumapat ang mga kamay niya sa balat ko biglang humarang si Chance at mabilis na pinaikot ang braso sa mga balikat ko. Hinila niya ako palayo at tinulungan makatayo. Nakita kong kumuyom ang mga kamao ni Zion nang dumeretso ng tayo. At nang sinubukan kong huliin ulit ng tingin ang mga mata niya hindi na niya sinalubong ang tingin ko.
"Zion... buhay ka nga," manghang sabi ni senator Gregorio.
Napunta sa senator ang tingin ni Zion. Kumislap ang pait at galit sa mga mata niya. "Bakit? Sa tingin niyo nagpapanggap lang ako nang humarap ako sa madla? Sa tingin niyo patay na ako dahil iyon ang gusto ninyong mangyari noon, hindi ba? Gusto niyo akong mamatay."
Hindi nakasagot ang mga matatandang Alpuerto. Nang tingnan ko sila, nakita kong takot sila kay Zion. Parang may pumiga sa puso ko. Bakit ganoon nila siya tingnan? Mula noon hanggang ngayon, bakit hindi mawala ang takot nila sa kaniya? Why can't they accept him and love him?
"Sa kasamaang palad para sa inyo, buhay pa ako," sabi pa ni Zion. Napansin ko na hindi niya tinitingnan si Cain na titig na titig pa rin sa kakambal. Katunayan tinalikuran na niya ang mga tao roon at naglakad patungo sa pinto.
Sandali siyang huminto nang matapat kay Ambrosio. May sinabi siya pero masyadong mahina kaya hindi ko narinig. Tumiim ang bagang ng may-edad na lalaki at matalim na tumingin sa Elders. "Babalik ako at dapat wala na kayo rito. Kung hindi walang makikinabang ni isa sa atin sa mansiyon na ito." Saka tumalikod si Ambrosio at nauna pang lumabas ng mansiyon kaysa kay Zion. Iyon ay pagkatapos akong tapunan ng matalim at mapanganib na tingin.
Si Zion ilang segundo pang tumayo roon bago naglakad pasunod sa ama. Nang dumaan siya sa tabi namin ni Chance hindi ko na napigilan ang sarili ko. Hinawakan ko ang braso niya. Napahinto siya at halatang nagulat na nilingon ako. Pinagtagpo ko ang mga paningin namin.
"Hindi talaga ito ang gusto mong mangyari. Huwag ka kumampi sa kaniya kahit tatay mo siya, Zion. Ginagamit ka lang niya para sa sarili niyang pagganti at alam kong alam mo iyan. Don't do this," pakiusap ko.
"Kilala mo siya, Ayesha?" manghang tanong ni Chance na hindi pa rin inaalis ang braso sa balikat ko.
Ilang segundong napunta doon ang tingin ni Zion bago ibinalik ang tingin sa mukha ko. Napasinghap ako nang makita na itim na itim na ang mga mata niya, puno ng galit at kapangyarihan. Alam ko na hindi ako tatablan 'non pero naramdaman ko ang pwersa ng enerhiyang nagmumula sa kaniya kaya kahit ayoko nabitawan ko ang braso niya.

BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasyA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...