-AYESHA-
BINUHAT ulit ako ng lalaking naka-itim at nagpatuloy sa paglalakad. Malayo ang nilakad niya, pasikot-sikot sa kagubatan na kahit pinilit kong kabisaduhin ang daan nalito rin ako kalaunan. Hindi ko alam kung sinasadya niya akong iligaw o talagang 'yon ang daan patungo sa kung saan niya ako balak dalhin.
Makalipas ang sa tingin ko isang oras din na lakaran huminto sa paglalakad ang estranghero at ibinaba ako hanggang lumapat na ulit sa lupa ang mga paa ko. Nahilo ako at nahirapan mag balanse dahil matagal akong nakabitin sa balikat niya. Napakapit tuloy ako sa mga braso niya para hindi matumba. Umangat ang mga kamay niya at akala ko itutulak niya ako palayo at magagalit na naman sa akin. Kaya nagulat ako nang hawakan niya ako sa magkabilang balikat para tulungan akong makuha ang balanse ko.
Napatingala ako sa kaniya. Natigilan ang lalaki at kahit suot na naman niya ang dark shades niya alam kong nakatitig siya sa mukha ko. Naramdaman ko rin na na-tense ang muscles niya.
"Bakit?" kabadong tanong ko. Paos ang naging labas ng boses ko. Siguro dahil sa kakasigaw ko kanina.
Himbis na magsalita humigpit lang ang hawak niya sa mga balikat ko, pinihit ako patalikod sa kaniya at paharap sa isang maliit at halatang abandonadong bahay na gawa sa katawan ng mga puno. "Pasok," magaspang na sabi niya. Marahan niya akong itinulak kaya nawalan ako ng pagpipilian kung hindi ang humakbang palapit sa nakabukas na pinto.
Nanginig ako sa lamig at pangingilabot nang nasa loob na kami. Madilim at amoy basang lupa at nabubulok na dahon. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa nakabukas na pinto nakita kong may isang papag doon na hindi ko alam kung pwede pa bang gamitin o baka kinain na ng anay. Mayroong parang kitchen sink na gawa sa kawayan at isang lutuan na mukhang kahoy o uling ang ginagamit para makapagluto. Sa kahoy na pundasyon ng mababang bubong may nakasabit na malaking gasera. Lumapit doon ang estranghero, dumukot ng kung ano sa bulsa na nang buksan niya nalaman kong lighter pala. Sinindihan niya ang gasera at lumiwanag sa loob ng maliit na bahay.
Sa muling paggala ko ng tingin sa paligid napansin ko ang isang malaking backpack sa isang sulok. Sa papag may dalawang unan at kumot na maayos na nakatupi sa ulunan.
Narealize ko na kuta ng lalaking naka-itim ang bahay na 'yon. Hindi ang bahay kung saan nila ako ikinulong. Bakit may hiwalay siyang taguan? Dahil ba naisip na niya ang posibilidad na tatraydurin siya ng mga kasama niya? O may iba pang dahilan?
Biglang humarap sa akin ang lalaki. "Hindi ka lalabas ng bahay na 'to. Kapag sinubukan mo ulit tumakas ay hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa 'yo," galit na sabi niya. Mariin kong itinikom ang mga labi ko at niyakap ang sarili ko. Itinuro niya ang papag at pautos na sinabing, "Umupo ka."
Gusto ko sanang magmatigas. Kaso ayaw sumunod sa utak ko ng katawan ko. Nanlalambot pa rin ako. Lalo na ngayong unti-unting bumabaha sa akin ang sakit at takot na naranasan ko sa kamay ng mga kasamahan ng lalaking naka-itim. Natatakot pa rin ako sa kaniya pero wala akong pagpipilian kung hindi ang umasa na hindi niya ako sasaktan na katulad ng iba. At least, hangga't hindi ko pa alam kung paano makakatakas.
Dahan-dahan akong naglakad hanggang makaupo ako sa gilid ng papag paharap sa lalaki na tumalikod naman sa akin at lumabas ng bahay. Nang mapag-isa ako nataranta naman ako at natakot. Kahit pa alam kong hindi rin naman ako ligtas kapag kasama siya. Mas gugustuhin ko na ang may kasama sa loob ng bahay na katulad 'non sa gitna ng kagubatan kaysa ang mapag-isa. Iniwan na ba niya ako roon? Kailan naman siya babalik?
Nanlalamig na ako sa takot at panic nang marinig ko ang lagaslas ng tubig mula sa likurang bahagi ng bahay. Kung pagbabasehan ko ang naririnig kong tunog mukhang may poso sa likod ng bahay at mukhang doon nagpunta ang lalaking naka-itim. Nang tumigil ang ingay nahigit ko ang hininga, naghintay, at saka lang pasimpleng napabuga ng hangin nang bumukas ang pinto at pumasok ulit ng bahay ang lalaki. May bitbit siyang maliit na timba ng tubig. Dumeretso ako ng tayo nang marealize ko na palapit siya sa akin. Muntik akong mapaatras nang lumuhod siyang bigla sa harapan ko hanggang magkapantay na ang mga mukha namin.
![](https://img.wattpad.com/cover/44774353-288-k465458.jpg)
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasíaA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...