Chapter Twenty Four: Ang Nagbabalik Mula Sa Nakaraan

6.5K 224 9
                                    

-Cain-

MGA MAGULANG ko. Iyon ang unang beses mula ng tumuntong ako sa hustong edad na may nagbanggit sa kanila. Hindi ko na rin sila binabanggit mula pa nang minsan akong magtanong sa mga Elder noong labing anim na taong gulang ako at wala silang naging sagot. Hindi dahil wala silang alam kung hindi dahil ayaw nilang sabihin sa akin. Noong bata pa ako hindi ko maintindihan kung bakit nila nililihim ang tungkol sa nakaraan ko. Pero sa mga sandaling iyon, noong labing anim na taon na ako, narealize ko na may malalim silang rason.

Mas lalong tumindi ang pagnanais kong malaman ang tungkol sa sarili ko. Kaya maraming beses kong sinubukan gamitin ang kapangyarihan ko sa kanila pero hindi ako nagtagumpay. Pero heto ngayon sa harap ko ang isang tao na nakakaalam sa nakaraan ko. Narito ang nakakakilala sa mga magulang ko. Ang taong posibleng nakakaalam din kung ano ang nangyari sa kanila at bakit hindi ko na sila natatandaan o kung bakit wala na sila ngayon sa tabi ko.

"Ikaw na may kapangyarihang makita ang nakaraan pero hindi makita ang matagal mo nang inaasam, matutupad na ang iyong kahilingan."

Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Ito na ba ang katuparan ng propesiya sa akin ng Forseer?

Nanuyo ang lalamunan ko at bago ko pa makontrol ang sarili ko naiangat ko na ang isang kamay ko palapit kay Rebecca. Naramdaman ko ang pag-init ng buo kong katawan, dumadaloy ang kapangyarihan papunta sa aking kamay. Isang hawak lang malalaman ko na ang nakaraan na nasa alaala ng ina ni Ayesha.

"Cain? Anong ginagawa mo?" Narinig ko ang manghang tanong ng dalaga pero masyado na akong balot ng kapangyarihan at kagustuhang gamitin 'yon para pansinin pa siya.

Hinawakan ko ang braso ni Rebecca. Umigtad ang nakatatandang babae pero hindi katulad noong ginamit ko kay Ayesha ang kakayahan ko, hindi kami napaso.

Sa isang iglap para akong pumasok sa isang space warp kung saan nagkalabo-labo ang kasalukuyan at nakaraan. Nahigit ko ang aking hininga nang ang mga magugulong imahe sa utak ko ay nilamon ng nakakasilaw na liwanag. Pumikit ako. Sa muli kong pagdilat, naging sunod-sunod na sa isip ko ang mga imahe ng alaala ni Rebecca.

Silang dalawa ni Ayesha, masayang nag-uusap sa maliit na bahay. Pabalik sa unang araw ni Ayesha sa kolehiyo kung kailan niya hinatid sa campus ang anak. Papunta sa high school graduation ng dalaga kung saan sinasabitan siya ni Rebecca ng medalya. Pabalik pa sa mga simple pero masasayang alaala nilang mag-ina. Hanggang ang masasayang sandali ay naging madilim, mabigat at malungkot. Umuulan. Pareho silang nakasuot ng itim. Bata pa si Ayesha. Sampung taong gulang lang yata. Umiiyak ang mag-ina habang nakatingin sa kabaong. Narealize ko na iyon ang panahong namatay ang asawa ni Rebecca. May lumamutak sa dibdib ko habang pinagmamasdan ang imahe na 'yon ng nakaraan.

Na agad din nawala at napalitan ng mga masasaya ulit na alaala. Sa unang pagkakataon nakita ko ang mukha ng ama ni Ayesha. Buhay at nakangiti. May mga mata na katulad ng sa dalaga. Lalo pang lumalim ang paglalakbay ko sa alaala ni Rebecca hanggang sa maging sanggol si Ayesha, pabalik pa sa panahong bagong lipat ang mag-asawa sa bayan ng Tala, pabalik pa sa mga pangyayaring nabanggit na nang magkita sila ni tiyo Victor sa penthouse ko, pabalik sa mga alaala pa ni Rebecca sa kaniyang kabataan.

Hanggang sa isang pahaging na sandali may nakita akong lalaki at babae na nakaupo sa hardin ng Old Alpuerto mansion. May kandong na batang lalaki ang magandang babae na may itim na itim at mahabang buhok. Habang ang lalaking kahawig ni papa Gregorio pero sigurado akong hindi siya ay masuyong hinahaplos ang buhok ng batang lalaki. Mukhang masayang pamilya ang tatlo.

Para akong sinuntok sa sikmura nang marealize ko na ako ang batang lalaki.

"Cain!"

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon