Chapter Eleven: Mga Rebelasyon Ni Rebecca

8.1K 240 4
                                    

-AYESHA-

TENSIYONADONG katahimikan ang bumalot sa bahay namin simula pa ng umalis si sir Angus kagabi. Hindi mawala sa isip ko ang ekspresyon ng professor ko nang hindi tulad niya ay halatang hindi natuwa si mama na makita siya. Para siyang sinuntok sa sikmura at tinakasan ng kulay ang mukha.

Katunayan, himbis na ngitian ay mahigpit akong niyakap ni mama palayo kay sir, tumiim ang ekspresyon at sa nanginginig pero determinadong tinig ay sinabi niyang, "Umalis ka na. Huwag niyong guluhin ang anak ko." At bago pa makasagot si sir Angus ay hinigit na ako ni mama papasok sa bahay at mabilis na isinara ang pinto. Ilang minuto ang lumipas bago ko narinig ang tunog ng papalayong sasakyan ni sir.

Tinangka kong tanungin si mama pero matiim ang ekspresyon niya, halos galit habang nakatitig sa nakapinid na pinto. Maya-maya ay inutusan niya akong pumasok na sa kuwarto ko. "Bukas na tayo mag-usap. Please Ayesha." May desperasyon sa tinig niya nang sabihin iyon. Hinawakan pa nito ang magkabilang sentido na parang sumakit ang ulo. Napansin ko rin na nanginginig ang buo niyang katawan. Nilapitan ko siya at tinangkang aluin pero marahas siyang umiling at inulit ang pakiusap niya. Kaya wala akong nagawa kung hindi ang sumunod.

Pero halos hindi ako nakatulog sa kuwarto ko. Nakatitig lang ako sa kisame, binabalikan ang mga nangyari sa birthday party ni Martha Alpuerto. Pinapakiramdaman si mama sa kabilang kuwarto. Pinagtatagpi-tagpi ang mga impormasyong nalaman ko sa nakaraang mga araw. Inaalala ang mga babala at pangarap sa akin ni mama noong bata pa ako. Tungkol sa huwag balewalain ang mga kakaibang bagay. Tungkol sa mga kuwentong akala ay kathang-isip pero may katotohanan.

Ngayon ko lang napagtanto na may pinaghuhugutang katotohanan ang mga pangaral ni mama sa akin noon. Kung hindi niya ako na-orient tungkol doon, baka nag-panic ako at hindi agad natanggap ang mga kakaibang nangyayari. Baka tinawanan at sinabihan kong nababaliw ang mga lalaking nagpakilala sa akin na fiancée ko. Para bang hinahanda ako ni mama mula pa pagkabata. Hinahanda at pinoprotektahan.

Tumilaok ang manok sa labas at napatingin ako sa alarm clock na nakapatong sa bed side table ko. Alas singko na pala ng umaga. Maya-maya ay may narinig akong kaluskos sa kabilang kuwarto, kasunod ng langitngit ng dahan-dahang pagbubukas ng pinto, at ang mahinang yabag ng mga paa ni mama. Bumangon ako sa kama pero naghintay pa ng dalawampung minuto bago lumabas ng kuwarto ko.

Naabutan ko siya sa kusina, nakaupo sa isang silya sa dining table at may tasa ng umuusok na kape sa harapan. Nakatitig siya sa kawalan at tila ba tumanda ng ilang taon sa buong magdamag.

Humugot ako ng malalim na paghinga bago lumapit sa kaniya. "Mama."

Nilingon niya ako. Sandaling nagtama lang ang mga tingin namin bago siya humugot ng malalim na paghinga at hinatak ang katabi niyang silya. "Umupo ka, Ayesha."

Tumalima ako. Ilang segundo ang lumipas bago siya huminga ulit ng malalim. "Kailan ka pa may koneksiyon sa kaniya?" tanong niya.

"Professor ko sa Ecology si sir Angus, mama. Ngayong semester lang siya naging prof sa Abba College." Sandali akong nag-alangan bago sinabi na rin ang totoo. "At hindi lang siya ang nakilala ko, mama. Nakilala ko si Cain, si Chance at ang iba pang miyembro ng pamilya Alpuerto. Kaarawan ng tita nila sir Angus ang pinuntahan ko kagabi."

Nanlaki ang mga mata ni mama, umawang ang mga labi at namutla. "Bakit mo ginawa iyon, Ayesha?!"

Nagulat ako sa pagtataas ng tinig ni mama. Lalo na sa pagkataranta at takot na narinig ko sa tinig niya. Nitong nakaraan ay palagi na lang siyang takot at hindi mapakali.

"Mama, ano ba talaga ang nangyayari? Kailangan mong sabihin sa akin. Bakit tinatawag nila akong Moon Bride? Bakit gusto nila akong maging bahagi ng pamilya nila kahit napakayaman at napaka-powerful ng impluwensiya nila? Bakit... bakit nararamdaman ko na hindi sila normal na mga tao? Ayoko ng manghula pa. Mama, sino ba talaga sila? Sino ba talaga tayo?"

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon