Chapter Twenty Nine: Ang Hiwaga Ng Sikretong Silid

6.2K 208 8
                                    

-Ayesha-

PAGTAPAK ko sa mga simbulong nakapalibot sa bilog na buwan sa gitna ng silid, naramdaman ko agad ang presensiya ng kakaibang kapangyarihan. Pero hindi sa labas kung hindi sa loob ng katawan ko. Parang init na humahagod mula sa mga talampakan ko, kumalat paakyat sa mga binti ko, paakyat pa hanggang manatili sa gitna ng dibdib ko. Sa puso ko. Napahugot ako ng hangin nang maglaro ang iba't ibang emosyon na hindi ko mapangalanan sa loob ko. Napapikit ako.

Naunawaan ko na ang mga simbulo ay representasyon ng mga diyos at diyosa na minsang tumapak at namuhay sa lupa. Hindi ko alam kung paano ko nalaman. Para bang nakatago at nakasusi sa pinakailalim ng subconscious ko ang impormasyon na iyon. Ginising ng liwanag at init na kumakalat sa katawan ko.

"Gusto kong makita mo ang lahat," narinig kong sabi ni Luna. "Ako na ang huling Forseer at sa lahat ng mga tao sa mundong ito, ako lang ang nakakaalam ng lahat. Ikaw ang moon bride na ipinanganak sa gabing lumuluha ng dugo ang bilog na buwan. Ikaw ang katuparan ng lahat. Ikaw rin ang katapusan at posibleng simula. Gusto kong makita mo ang lahat. Saka ka magdesisyon kung ano ang magiging hakbang mo."

Tumango ako, patuloy na humihinga ng malalim, nananatiling nakapikit. Ninanamnam ang mga emosyong naglalaro sa loob ko.

"Imulat mo ang mga mata mo, Ayesha," sabi ng isang tinig na magkahalong kay Luna at diyosa Mayari.

Dumilat ako. Umawang ang mga labi ko. Hindi na madilim sa loob ng bilog na silid. Pakiramdam ko rin may kasama na kami ni Luna roon. May mga puting liwanag na parang mga alitaptap ang naglalaro sa mga pader. Para silang sumasayaw. Parang umaawit. Unti-unti naglalapit ang mga liwanag, nagsasanib, lumalaki at may binubuong mga hugis. Parang bulto ng mga tao. Nagpaikot-ikot, palapit ng palapit, ikinukulong ako sa init at liwanag. Hanggang sa isang iglap, wala na akong makita kung hindi liwanag. Nawala ang silid. Nawala si Luna. Nawala ang pang-gabing kalangitan na puno ng mga bituin. Nawala ang buwan.

Sa isang iglap para akong naglakbay sa isang time machine. Naramdaman ko na nasa isang kapatagan ako at pumapaikot na parang buhawi ang mga eksena. Mula sa simula ng panahon, noong wala pang nilalang na naglalakad sa lupa at paminsan-minsan ay bumababa pa ang mga nilalang na mula sa kalangitan. Hanggang dumating ang mga anito na pinadala ni Bathala para mangalaga sa mga likas na yaman at nagkatawang tao. Hanggang sa siglo ng kaguluhan nang sumulpot sa kalupaan ang mga kampon ng kasamaan at nagkaroon ng digmaan. Hanggang sa muling pagbabalik ng kapayapaan.

Nakita ko ang paglipas ng daang libong taon. Hanggang sa parang lumutang ang katawan ko at nawala ang kapatagan na inaapakan ko. Sa isang iglap, nakatayo ako sa gitna ng kagubatan, sa harap ng isang talon. Sumikdo ang puso ko. Pamilyar sa akin ang lugar na iyon.

Nasa loob ako ng kagubatan kung saan ako nanatili ng ilang araw kasama si Zion. Pero ang nakikita ko ngayon ay libo-libong taon bago ako ipanganak. Nahigit ko ang aking paghinga nang may sumulpot na isang magandang babae mula sa isang bahaging mapuno. Naunawaan ko agad na isa siyang diyosa. Nakangiti siya. Halatang masaya. Lumingon siya sa likuran niya na para bang may kasama siya. At sandali pa nga, sumulpot na rin ang isang lalaking nakasuot ng makalumang kasuotan. Matangkad, maganda ang pangangatawan at kayumanggi ang balat na nababalutan ng iba't ibang simbulo na kahawig ng mga nakalagay sa sahig ng sikretong silid.

Namilog ang mga mata ko nang masaksihan ko ang pag-iibigan sa pagitan ng diyosa at ng mortal na lalaki. Maging ang naging paghihiwalay nila. At ang mga kasunod pang pangyayari na narealize ko kalaunan ay ang simula ng pamilya Alpuerto at pamilya Malyari.

Dumaan sa paningin ko ang lumipas pang mga dekada. Ilang ulit akong nagpalit ng lugar na kinatatayuan. Sinusundan ang naging kasaysayan ng dalawang pamilya na pinaglingkis ang tadhana. Sa simula ay mga eksenang sa mga history books and movies ko lang nakikita. Panahon ng mga espanyol, panahon ng mga amerikano, panahon ng mga hapon hanggang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Nasaksihan ko ang ebolusyon ng mga Alpuerto. Nakita ko kung paano umangat ang estado nila sa lipunan. Kung ano ang mga ginawa nila kapalit ng yaman at impluwensiya. Kung paano nila ginamit ang mga taglay nilang kapangyarihan para sa pansariling kapakanan. Kung paano unti-unting nawala sa isip at puso ng mga dumaang henerasyon ang orihinal na intensiyon ng kanilang mga ninuno na gamitin ang kapangyarihan nila para protektahan ang kanilang bayan. Naging makasarili ang mga Alpuerto.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon