-Ayesha-
AKALA ko kapag nakabalik na ako sa bahay namin makakalma na ako at makakatulog ng maayos. Mali ako. Sinubukan ko matulog pero hindi ko nagawa. Kaya umupo na lang ako sa harap ng study table ko at hinayaan kong nakabukas ang kurtina ng bintana para makatingin ako sa labas. Ngayon maliwanag na ang langit. Sumisikat na ang araw.
Dapat may peace of mind na ako ngayon. Kasi ligtas na ako at wala na ako sa kabundukan kung saan ako nanatili ng ilang araw. Pero ngayong mag-isa lang ako sa kuwarto ko bumabalik sa isip ko lahat ng mga nangyari. Pabaligtad.
Simula sa naging pagbabalik ko sa bahay namin kung saan naghihintay si mama at si Chance. Ang pag-iyak ni mama nang yakapin niya ako ng mahigpit. Ang pag-iyak ko rin kasi umiiyak siya. Si Chance na sinungitan ako noong huli kaming nagkita, niyakap din ako at sinserong sinabi na masaya siyang ligtas ako. Sina Cain at sir Angus, maasikaso at mabait sa akin. Pero nararamdaman ko na hindi sila komportable na pinatakas nila ang taong kumuha sa akin.
Kaya sunod na napupunta ang isip ko kay Zion. Okay lang kaya siya? Sugatan siya nang tumakbo siya palayo kagabi. Mag-isa lang siya sa gubat, paano niya gagamutin ang sarili niya? Paano kung biglang bumalik ang mga bandido na nakalaban niya at samantalahin na mahina siya? Paano kung mamatay si Zion doon na nag-iisa? Napahawak ako sa dibdib ko dahil kumirot 'yon sa mga na-i-imagine kong senaryo.
Dahil doon kaya naalala ko na naman ang dalawang araw na pinagsamahan naming dalawa. Kahit ang mga araw bago 'yon. Kahit noong bago pa nila ako dukutin at nagmamatyag pa lang siya. Dati natatakot ako at kinikilabutan kapag nakikita ko siya. Pero ngayon wala akong nararamdaman na ganoon. Kahit kung tutuusin dapat magalit ako sa kaniya dahil dinukot niya ako.
Lumambot yata ang puso ko para kay Zion dahil sa dalawang araw na pinagsamahan namin.
May kumatok sa pinto ng kuwarto ko kaya naalis ang tingin ko sa labas ng bintana. Bumukas ang pinto at nang lumingon ako si mama ang nakita ko.
"O, gising ka na?" gulat na tanong niya at mabilis na nakalapit sa akin.
Pilit akong ngumiti nang haplusin niya ang ulo ko. Hindi ko na lang sinabi na hindi naman ako nakatulog para hindi na madagdagan ang pag-aalala niya.
"Kamusta na ang pakiramdam mo? Nagugutom ka ba? Ipagtitimpla kita ng gatas o kape. Ano ang gusto mo?"
Marahan akong umiling at yumakap kay mama. "Okay lang po ako." Isinubsob ko ang mukha sa tiyan niya at kuntentong bumuntong hininga.
Gumanti siya ng yakap at naramdaman ko nang halikan niya ang tuktok ng ulo ko. "Takot na takot ako. Akala ko pati ikaw, mawawala sa akin," bulong ni mama.
Uminit ang mga mata ko at hinigpitan ang yakap ko. Siguro habang nawawala ako naalala rin ni mama si papa. Masakit mawalan ng kapamilya na mahal na mahal mo. Alam ko 'yon kaya naiintindihan ko ang nararamdaman ni mama.
Matagal kaming nagyakap na mag-ina. Ako na ang unang kumalas maya-maya. Nakangiti akong tumingala sa kaniya. "Kumain na tayo ng almusal mama. Na-miss kong kumain na kasabay ka."
Naluluha pa rin si mama pero gumanti ng ngiti. "Halika na. Kailangan ko na rin naman magluto ng almusal."
Tumayo ako at sabay kaming lumabas ng kuwarto ko. Pero napahinto ako sa pagkagulat nang makitang nasa sala namin sina sir Angus, Cain at Chance. Natutulog na nakaupo.
"Dito sila nagpalipas ng gabi kasi ayaw nilang umalis na hindi nasisigurong maayos ang lagay mo," bulong ni mama sa akin.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman habang pinagmamasdan ko ang tatlo. Masaya ako na nag-aalala sila sa akin pero hindi ko rin maiwasan makonsiyensiya na naabala pa sila dahil sa nangyari. Napabuntong hininga na lang ako at bumaling kay mama. "Tutulungan na po kita maghanda ng almusal. Pang limang tao pala ang dapat natin lutuin."
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasyA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...