-AYESHA-
PAGKATAPOS ng lahat ng klase ko at bago pumasok sa part-time job ko dumaan muna ako sa computer shop para mag-research. Kipkip ko ang notebook kung saan isinulat ko ang mga nalaman ko tungkol sa mga Alpuerto mula sa mga halo-halong impormasyong nakuha ko mula kay Cain, Chance, sa birthday party ni Martha Alpuerto, sa mga ipinagtapat sa akin ni mama at sa mga sinabi ni sir Angus.
Sa totoo lang medyo na-guilty ako na hindi ako halos nakapag-concentrate sa mga klase ko sa kakasulat sa notebook na 'yon. Sa Ecology class nahuli pa ako ni sir Angus na hindi nakikinig sa sinasabi niya dahil malalim ang iniisip ko. Ni hindi ko namalayan na naglalakad siya palapit sa kinauupuan ko habang nagdi-discuss ng lesson. Napunta lang sa klase ang atensiyon ko nang magaan niyang ipatong ang kamay sa ulo ko. Napatingala ako sa kaniya at nakita kong nakayuko siya sa akin na nakataas ang mga kilay. Guilty na lang akong ngumiti dahil nakita ko sa mga mata niya na sinasabihan niya akong mag-focus sa klase. Saka siya naglakad ulit pabalik sa harapan ng classroom.
Hindi ako tinigilan ni Raye at ng iba kong kaklaseng babae sa kakatanong kung paano kami naging ganoon 'ka-close' ni sir Angus na hinahaplos na daw niya ang ulo ko. Sa tingin ko naman hindi haplos ang ginawa niya. Ipinatong lang naman niya ang kamay sa ulo ko para ibalik sa klase ang atensiyon ko. Nang hindi nila matanggap ang sinabi ko nilayasan ko sila.
Mas importante ang mag-research tungkol sa pamilya Alpuerto.
Pero kung gaano karaming kilalang tao ang dumalo sa birthday party ni Martha Alpuerto ganoon naman kakaunti ang mga artikulo tungkol sa kanila. Mga maiiksing balita pa 'yon na related sa Chief of Staff na si Demetrio at ilang business related ventures na pahaging lang nababanggit na pagmamay-ari nila. Hindi ko alam kung talagang hangal lang ang mga reporter na hindi napapansing malaking balita ang pamilya o naharang ang mga artikulo para sadyang tanggalin sa sirkulasyon. Para bang kahit na halos ang pamilya na ang nagpapatakbo ng bansa, sa politika man at ekonomiya, mas gusto pa rin nila na hindi maging aware ang marami na nag-e-exist sila.
Isang oras na akong nakatutok sa computer, tinitingnan ang lahat ng link na lumabas, nang sa pang twenty page ng browser may nakita akong hindi related sa kung anong negosyo o national news pero naka-highlight ang apelyido na Alpuerto kaya binuksan ko na rin.
Isa 'yong personal blog ng isang high school student. Ang una kong nakita ay isang group picture ng tatlong babae at tatlong lalaki na nakasuot ng uniporme at mukhang nasa loob ng library. Mukhang gumagawa ng group project. Lahat nakangiti sa camera maliban sa isang lalaki at babae na magkatabing nakaupo. Nakayuko ang babae sa notebook na parang nahihiya habang ang lalaking katabi niya titig na titig sa kaniya, may munting ngiti sa mga labi at malambot ang ekspresyon.
Matagal pa akong napatitig sa larawan bago namilog ang mga mata ko nang makilala kung sino ang lalaking 'yon. Kinailangan ko pa basahin ang artikulo para lang makasiguro. At tama ako ng hinala. Nabanggit ng babaeng may-ari ng blog na 'yon ang pangalan ni Chance Alpuerto!
Hindi pa rin ako makapaniwala sa nadiskubre ko. Si Chance noong high school siya –
Napanganga ako nang mapansin sa unang pagkakataon ang petsa kung kailan pinost ng blogger ang entry na 'yon. March 2008. Walong taon ang nakakaraan! Mukhang labing limang taong gulang lang ang mga nasa larawan. Kahit si Chance. Pero paano 'yon nangyari kung ang Chance na kilala ko college student na tulad ko at mukhang kaedad ko rin?
He's not what you think he is. He is not an ordinary person. Iyon ang sabi sa akin ni Cain. Bigla kong naalala ang nakita ko sa mga mata ni Chance noong unang nagtama ang mga tingin namin. Iyong pakiramdam ko na parang ang tanda na ng mga mata niya. Akala ko noong una baka marami lang talaga siyang napagdaanan pero ngayon... Hindi kaya may kinalaman ang nadiskubre ko sa kapangyarihang taglay niya?
![](https://img.wattpad.com/cover/44774353-288-k465458.jpg)
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasyA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...