Chapter Fourteen: Ang Mukha Ng Anino Sa Dilim(part 2)

6.7K 243 17
                                    

- AYESHA -


Mataas ang nabagsakan ko at sa totoo lang nagkamali pa ng bagsak ang mga paa ko pero binalewala ko 'yon. Pinilit kong tumayo at saka tumakbo. Hindi ko alam kung ano ang direksiyong tinatahak ko. Basta ang gusto ko lang makalayo. Nakakabingi ang tibok ng puso ko, lalo na nang paglingon ko makita kong tumatakbo na pahabol sa akin ang tatlong lalaki. Ibinalik ko ang tingin sa harapan ko at lalong binilisan ang takbo. May bikig sa lalamunan ko at naiiyak na ako sa takot pero hindi ako tumigil. Kailangan kong makalayo. Kailangan kong makabalik sa amin.

Pero kahit gaano kalayo ang natatakbo ko naririnig ko pa rin ang pagsunod nila sa akin. Naririnig ko ang sigaw at pagtawag nila. Ang pagmumura. Ang mga banta na hindi maganda kapag nahuli daw nila ako. Pinag-igi ko ang pagtakbo pero hindi kaya ng mga binti ko ang inuutos ng utak ko. Nananakit ang mga 'yon at kusang bumabagal.

Napasinghap ako at napasigaw nang biglang may humablot sa braso ko. "Huli ka!" hinihingal na sabi ng lalaki.

"Bitiwan mo ako!" Nagpumiglas ako pero nakalapit na rin sa amin ang dalawa pa niyang kasama. Hinawakan ng isa ang kabilang braso ko. Halata ang galit sa mukha nila.

"Tatakasan mo pa kaming babae ka ha," gigil na sabi ng lalaking hindi nakahawak sa akin. Napasinghap ako nang umigkas ang kamay niya at tumama sa pisngi ko. "Milyon ang kapalit mo, gaga ka. Hindi ka namin patatakasin."

"Huy! Sabi ni boss huwag siyang saktan! Malilintikan na naman tayo. Nabugbog na niya tayo nang malaman niyang hindi natin siya pinapakain," reklamo ng isang lalaking may hawak sa akin.

"Wala na akong pakielam sa kaniya! Ayoko na magpa-alila sa taong mas bata sa akin. Pera ang kapalit ng babaeng 'yan. Mas malaki ang kikitain natin kung tayong tatlo na lang ang maghahati-hati. Hindi natin siya kailangan. Tayo lang naman ang naghihirap dito. Siya puro utos lang ang ginagawa!"

Nagtinginan ang dalawang may hawak sa akin. Mukhang nakukumbinsi ng lalaking nanakit sa akin. Hindi pa rin ako nakakarecover sa sakit na dulot ng kamay niya sa pisngi ko. Mahapdi 'yon at umiikot pa rin ang paningin ko.

"Sige. Payag kami. Tayo na lang," sang-ayon ng isang may hawak sa akin.

"Ngayon pwede na nating gawin ang gusto natin sa babaeng 'to," sabi ng isa pa na may malisya ang tono.

Nanlamig ako sa takot at tinangkang kumawala ulit sa hawak nila pero lalong humigpit ang mga kamay nila sa magkabilang braso ko. Hinatak nila ako pabalik sa direksiyong tinahak namin kahit nagpupumiglas ako. Tuluyan nang tumulo ang luha ko dahil alam ko na kapag naibalik nila ako may gagawin silang masama sa akin. Ayokong mangyari 'yon.

"Please, tulungan niyo ako. Kahit sino, tulungan niyo ako!"

Nagtawanan ang tatlo sa pagsigaw ko. "Walang tutulong sa 'yo. Tayo lang ang tao sa gubat na 'to!" sabi ng lalaking nanakit sa akin.

Nagtatawanan pa rin sila at tuluyan na akong tinakasan ng tapang at pag-asa nang biglang sumulpot sa daraanan namin ang lalaking naka-itim. Huminto sa pagtawa ang tatlo, nagkaroon ng tensiyon. Hindi nagsasalita ang bagong dating pero ramdam ko at siguradong ramdam din ng tatlong lalaki ang panganib at galit sa aura niya.

"Balak niyo pala akong traydurin. Akala niyo ba kaya niyo ako?" malamig na sabi ng lalaking naka-itim. Tumingala ako at nakita kong nakasuot pa rin siya ng dark shades. Pero nakikinita ko ang hitsura ng mga mata niya base sa boses niya. Galit at marahas ang siguradong emosyon sa mga mata niya kung mayroon man.

Hindi ko akalain na makakaramdam ako ng labis na relief na makita siya.

"Hindi mo na kami matatakot ngayon!" mayabang na sabi ng lalaking nanakit sa akin. Pagkatapos sumugod ito at inundayan ng suntok ang bagong dating. Na balewalang naiwasan ng naka-itim sabay tadyak sa tiyan ng sumugod. Umigik ito at napaluhod habang hawak ang tiyan. Bumitaw sa akin ang dalawang lalaki at nanlamig ako sa takot nang himbis na sumugod ay nagsipagbunot sila ng mga baril mula sa likuran sabay tutok ng mga 'yon sa lalaking naka-itim. Pero ni hindi siya natinag. Wala ni katiting na bakas ng takot. Bumuntong hininga pa siya na parang na-bore at humakbang palapit, sinipa ang lalaking nakaluhod nang madaanan.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon