Chapter Twenty Five:Pansamantalang Pagbalik Sa Normal Na Buhay

6.6K 201 2
                                    

-Ayesha-

MALI ba na nainis at sumama ang loob ko kay Cain? Sa loob ng tatlong araw mula nang makabalik kami ulit ni mama sa Tala palagi nang laman ng isip ko ang nangyari. Alam ko na nag-aalala lang siya para sa akin. Kahit naman ako, ayoko na ulit maranasan ang nangyari sa akin. Lalo na sa kamay ng mga lalaking pisikal akong sinaktan at pinagtangkaan pa akong halayin bago pagkaperahan. Kahit nagsisikap akong maging matapang, may mga sandali pa rin na bumabalik sa akin ang mga nangyari. Kagabi lang, napanaginipan ko 'yon.

Kaya hindi naman sa hindi ko naiintindihan kung bakit napagtaasan ako ng boses ni Cain. Ayoko lang talaga na wala akong maitulong sa kanila. Ayoko lang ng feeling na napaka-worthless at powerless ko. Why do they treat me like I'm special when I can't do anything?

Malalim akong bumuntong hininga.

"Ang lalim naman 'non," puna ni Raye.

Kumurap ako at sumulyap sa matalik kong kaibigan na katabi kong nakaupo sa bench sa ilalim ng isa sa mga puno sa loob ng campus. Dapat ecology class namin sa mga oras na 'yon pero wala si sir Angus at nagbigay lang ng assignment sabi ng isang professor na nagtungo sa classroom namin kanina. Dismayadong dismayado ang lahat ng mga babaeng estudyante at nagtanong kung bakit absent si sir. Hindi daw alam ng professor pero ako alam ko.

Napabuntong hininga ako ulit.

"Hay naku, kumain na lang kaya tayo sa cafeteria? Mahahawa ako sa gloomy mood mo eh. Ayaw mo naman sabihin sa akin kung ano ang pinoproblema mo. Bestfriend mo lang naman po ako, baka lang nakakalimutan mo Ayesha."

Nakonsiyensiya naman ako sa parinig ni Raye. Kaso hindi ko naman alam kung paano ipapaliwanag sa kaniya ang lahat. Alam ko na kahit mahirap paniwalaan ang tungkol sa pamilya ko at sa pamilya Alpuerto, kung sa akin manggagaling sigurado na maniniwala siya.

Pero hindi ko pa rin masabi sa kaniya. Siguro dahil ayokong magulo ang normal na pagtingin niya sa mundo. Siguro dahil sa kasalukuyang sitwasyon ko, si Raye lang ang pinanghahawakan ko sa normal na buhay.

Huminga ako ng malalim, kinalma ang sarili at nakangiting ginagap ang mga kamay niya. "Salamat sa pag-aalala mo. Alam ko na bestfriend kita. Huwag kang mag-alala, okay ako. Kapag talagang hindi ko na kaya, pangako ikaw ang una kong sasabihan."

Pinakatitigan ako ni Raye. Maya-maya bumuga siya ng hangin at pinisil ang mga kamay ko. "Tara na nga. Kumain na lang tayo."

Napangiti na ako at nagpahatak sa kaniya patayo.

SA CAFETERIA, napansin agad namin ang isang kakaiba at nakakagulat na eksena. Hindi nagsisigawan sa palakasan ng boses ang mga estudyanteng nakatambay doon. Katunayan ang mga babaeng estudyante ay parang nagkukunwari lang na nag-uusap kasi mahihina ang mga boses at sa iba nakatingin.

Siniko ako ni Raye. "Tingnan mo, Ayesha," bulong niya sa akin at itinuro ang tinitingnan ng mga estudyante.

Nakita ko si Chance na nakaupo sa isang lamesa kasama ang librarian namin na si miss Roxette. Tahimik at mukhang masungit as usual si Chance. Pero mukhang balewala sa librarian namin ang facial expression niya. Nakangiti pa nga si miss Roxette habang inilalagay sa harap niya ang mga pagkain.

"Bakit kaya sila magkasama? Weird," puna ni Raye.

Hindi ako sumagot at napatingin lang sa dalawa. Daldal ng daldal ang librarian samantalang si Chance kahit hindi nagsasalita titig naman na titig sa mukha ng kaharap. Katulad ng pagtitig niya noong nahuli ko siya sa library.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon