Chapter One: Mga Pahiwatig Ng Hinaharap (part 2)

15.3K 476 23
                                    

-Ayesha-

KUMPARA sa mga State University at Colleges sa siyudad hindi hamak na mas maliit ang kolehiyo sa aming bayan – ang Abba College. Ayon sa kasaysayan ng kolehiyo na iyon na kahit maliit ay halos pitongpung taon na mula ng itatag, ang pangalan daw na Abba ay sinaunang tawag kay Bathala.

Dati daw isang maliit na komunidad lang ang nakatira sa Tala at ang mga taong iyon ay naniniwala pa sa mga diyos at kung anu-ano pang sinaunang kuwento na pinagpasa-pasahan ng bawat henerasyon. Pero sa pagdating ng mga dayo na nanirahan na rin sa bayang iyon unti-unting ginawang katatawanan at kathang isip lang ang mga kuwentong dati pinaniniwalaan talaga ng mga unang tao doon. Hanggang sa maging ang mga anak ng mga tubong taga roon hindi na rin pinansin ang mga kuwentong pamana ng kanilang mga magulang.

Sa pangamba daw ng isang mayamang tubong taga-Tala na tuluyang malilimutan ang kanilang mga pinaniniwalaan, itinatag niya ang Abba College. Hanggang ngayon mga kaapo-apohan ng mayamang tao na iyon ang namamahala sa kolehiyo. Hanggang ngayon din may mga gusali at silid doon na may mga nakasabit sa pader na paintings ng mga diyos at kung anu-ano pang mga nilalang mula sa mga sinaunang alamat. Sa mga pasilyo may malalaking estatwa na gawa sa katawan ng matatandang puno na representasyon daw ng mga anito. Siguro para sa karamihan simpleng mga disenyo na lang ang mga iyon, kakaibang koleksiyon ng may-ari ng Abba College.

Pero kahit makaluma, maliit at weird lalo na para sa tulad namin ni mama na dayo lang sa bayan ng Tala (si papa ang ipinanganak at lumaki dito), hindi ibig sabihin 'non basta-basta lang ang Abba College. Sa buong lalawigan namin iyon ang pinakamataas ang standard at kalidad ng edukasyon kaya kahit ang mga nakatira sa kalapit naming bayan doon nag-aaral. Kahit ang mga propesor namin magagaling sa kani-kanilang espesiyalisasyon. Medyo mahal lang ang tuition kaya para makatulong ako kay mama na sa munisipyo nagtatrabaho may mga part-time job din ako.

Pero sa totoo lang, kahit binibida ko ang school namin, kung ako ang papipiliin gusto ko sana talaga na sa Maynila mag-aral ng kolehiyo. Ang espesyalidad kasi ng Abba College ay Agriculture, Forestry at mga kalinyang kurso. Napapalibutan kasi ang bayan ng Tala ng mga kagubatan, kabundukan, taniman at karagatan. Samantalang ang gusto kong kunin Mass Communication dahil ang pangarap ko maging isang television reporter. Kaya lang hindi ako pinayagan ni mama. Hindi lang sa plano kong mag-aral sa maynila kung hindi sa mismong kurso ko rin.

Ayaw niya akong maging reporter. Hindi ko alam kung bakit. Nang tanungin ko siya minsan ang sabi lang niya sa akin ayaw niyang lumabas ako sa telebisyon. Pero dama ko na may mas malalim na rason. Sa huli nakumbinsi ko si mama sa kurso kong Journalism. Iyon lang hindi ko talaga siya nakumbinsi na sa Maynila ako mag-aral. Kaya nakuntento na lang ako sa school namin dito.

"Ayesha!"

Nagulat ako nang marinig ang tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako. Nakita ko si Raye, kaklase ko mula elementarya at nag-aaral din sa Abba College. Biology ang kurso niya. Bukod sa mga major subject namin magkaklase na kami sa ibang subjects.

"Nakapag-review ka na para sa Ecology?" tanong ni Raye paglapit niya sa akin. May sabik na ngiti sa mga labi niya. Alam ko na hindi iyon dahil sa exam. Napangiti na lang ako at naglakad patungo sa building kung nasaan ang classroom namin sa Ecology. Umagapay sa akin si Raye.

"Nag-review na ako. Hindi katulad mo at malamang ng lahat ng kaklase natin, hindi ko naman target magkaroon ng perfect score."

"Mabuti. Nabawasan ang ka-kompetensiya ko," hagikhik ni Raye.

Hindi ko naiwasang matawa sa reaksiyon ng kaibigan ko. Binilisan ko na lang ang paglalakad. Pero maya-maya lang naramdaman ko na naman na may kakaiba sa paligid. Napahinto ako at iginala ang tingin. Para na naman kasing may nagmamasid sa akin. Katulad noong naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep. Pero hindi tulad kanina masyadong maraming tao sa campus kaya mas mahirap para sa akin ang hanapin kung saan nanggagaling ang tingin na pakiramdam ko nakatutok sa akin.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon