-Zion-
GUSTO kong magwala. Gusto kong manira ng kahit anong bagay na maabot ng mga kamay ko. Gusto kong lumabas sa kalaliman ng gabi, magpakalat-kalat sa pinakadelikadong kalsada sa kamaynilaan at maghanap ng gulo. Para lang may mapaglabasan ako ng kumukulong emosyon sa dibdib ko. 'Tangina, sigurado ako may makabangga lang sa akin sasabog ako.
Isang linggo nang ganito ang pakiramdam ko. Mula nang magpunta kami sa mansiyon ng mga Alpuerto.
Ayokong maalala ang nakaraan. Gusto kong ituon lang ang atensiyon ko sa mga bagay na nagpapakulo sa galit na nararamdaman ko para sa pamilyang matagal ko na itinakwil. Buong buhay ko, pinanghawakan ko ang galit na iyon. Kaya hanggang ngayon buhay pa ako.
Pero nang hawakan ako ni Cain tatlong araw ang nakararaan naramdaman ko ang puwersa ng kapangyarihan niya. Naramdaman ko nang sapilitan niyang pinasok ang mga alaala ko. At sa bawat alaala na nakikita niya, bumabalik din sa akin.
Lintik na nakaraan. Kahit tapos na at wala na silbi sa buhay ko naapektuhan pa rin ako. Lintik na Cain dahil akala ko wala na ako mararamdaman ni katiting na emosyon kapag nakita ko siya ngayong matatanda na kami pero mali pala ako. Akala ko pwede ko isisi sa kaniya ang lahat ng kamalasan ko sa buhay. Na magagalit ako sa kaniya dahil nakuha niya ang lahat ng mga bagay na gusto ko para sa sarili ko.
Pero 'tangina, paano ako magagalit sa kaniya ng totoo kung hindi pa kami ipinapanganak magkasama na kami? Kung bumalik sa isip ko ang mga pinagsamahan namin noong mga bata pa kami bago ako makulong sa dungeon? Kung kahit ako aminado naman na siya ang mas mabuting kambal. Na kung nagkataon na nagkabaligtad kami ng sitwasyon hindi ako papayag. Mas kaya ko mabuhay sa kadiliman kaysa kay Cain. Lalong ayoko na maranasan niya ang lahat ng napagdaanan ko. Ayos na din na lumaki siya na maganda ang buhay.
Buhay na sinisira namin.
Putsa, hindi ko na alam kung tama ba na pumayag ako makipagsabwatan para magawa ang paghihiganti na gusto ng tatay namin. Bakit ba ako sumama sa kaniya noong bigla siyang sumulpot sa tinitirhan ko? Bakit hindi ako natutuwa kahit nagagawa na namin ang mga plano? Bakit pakiramdam ko walang silbi ang galit ko? Ano ba ang mababago 'non?
"'Tangina talaga." Gigi na bumuntong hininga ako.
May kumatok sa pinto ng hotel room kung saan ako tumutuloy. Gusto ng tatay ko dahil hindi na raw ako nabubuhay sa black market ngayon. Big time na daw ako. Nagmamay-ari na ng bilyon bilyong negosyo at ari-arian. Mga bagay na pwersahan naming inagaw sa mga Alpuerto.
Wala akong maramdamang saya na mayaman ako ngayon sa totoo lang. Naiilang pa rin ako hanggang ngayon sa pormal na suot ko. Hindi pa rin ako komportable sa magarang mga kagamitan at disenyo ng tinutuluyan ko. Kapag lumalabas ako mula nang mapilit ako ng tatay ko na magpakita sa media, nabu-buwisit ako kapag may nakakakilala sa akin.
Ayoko ng ganitong buhay. Ayoko na nasa sentro ng atensiyon.
Hindi ganito ang akala ko magiging papel ko sa mga plano ng erpat ko. Akala ko ang trabaho ko sa dilim lang. Galit pa rin ako sa kaniya na ganito pala ang totoong plano niya at hindi niya sinabi sa akin.
Kaya hindi ko pinansin ang katok sa pinto.
Maya-maya narinig ko ang pagbukas 'non. Inis na lumingon ako sa pinto. Isa sa mga kanang kamay ng tatay ko.
"Ano?" singhal ko. Hindi ko gusto ang pagmumukha ng mga tauhan niya. Alam ko kasi na mga puppet lang naman sila ng kapangyarihan niya.
"Bukas ng umaga dadalhin na ang mga gamit ninyo sa mansiyon. Sa ayaw daw nila at sa gusto, aalis sila at titira kayo doon." Pati pagsasalita, parang robot. Lalo lang ako nabuwisit. Para akong sinasakal.
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasiaA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...