Chapter Six - Ang Anino Sa Dilim

10.1K 318 7
                                    

-Ayesha-

KINABUKASAN ng hapon naabutan ko na naman si Cain sa fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho. May nakabukas na laptop sa harap niya. Sa kabutihang palad hindi ko siya naabutan sa labas ng school gate kaninang pumasok ako. Binalaan ko kasi siyang huwag na 'yong gagawin kagabi. Sinabi ko rin sa kaniya na ayokong makatawag ng unwanted attention.

Pagpasok ko sa fastfood chain nag-angat siya agad ng tingin. Malawak siyang ngumiti nang makita ako. Mainit ang ngiti niya, nakakahawa. Kaya ngumiti din ako at tipid siyang kinawayan. Pagkatapos sumenyas ako sa kaniya na kailangan ko na magtrabaho. Nakakaunawang tumango si Cain, ngumiti sa huling pagkakataon at ibinalik ang atensiyon sa laptop nya.

Nakabihis na ako ng uniform ko nang biglang pumasok sa staff room ang katrabaho ko na si Lina. Lumapit siya agad sa akin. "Ayesha! Totoo ba na boyfriend mo iyong guwapong customer natin? Ikaw ha, tatahi-tahimik ka pero may nasilo ka palang guwapo at mukhang mayaman. Paano kayo nagkakilala? Saan? At ilang taon na siya?"

Napaatras ako sa sunod-sunod na tanong ni Lina. "Hindi ko siya boyfriend." Mabilis kong isinara ang locker ko, inayos ang hairnet sa ulo para wala ni isang hibla ng buhok ko ang nakakawala sa pagkakatali at saka mabilis na lumabas ng staff room. Para takasan ang mga tanong ng katrabaho ko. Sa tingin ko kasi walang makakaintindi sa 'relasyon' namin ni Cain. Kahit sa akin kasi hindi pa malinaw ang lahat.

Ang malinaw lang sa akin sa ngayon ay hindi ako lulubayan ni Cain dahil gusto niyang magustuhan ko siya. Dahil buo ang paniniwala niya na fiancée niya ako. Kasunduan daw ng mga pamilya namin.

Bumuntong hininga ako. Speaking of family. Hindi ako nagkaroon ng lakas loob na tanungin si mama kaninang umaga tungkol sa pamilya niya. Bukas wala akong pasok sa school. Wala ring pasok sa munisipyo si mama. Sisiguruhin ko na makakapag-usap kami ng masinsinan.

Maya-maya pa natuon na ang atensiyon ko sa trabaho. Paminsan-minsan ko lang tinitingnan si Cain na sa loob ng ilang oras ilang babae na ang nagtangkang lumapit para kausapin siya pero agad niyang tinatanggihan. Kapag ganoon mukha siyang masungit. Pero kapag naman napapasulyap siya sa akin at nahuhuli akong nakatingin ngumingiti siya.

Siyempre napapansin ng mga katrabaho ko ang ngiti ni Cain para sa akin. Walang habas tuloy ang tudyo nila sa akin. Nang matapos tuloy ang shift ko, ang init na ng mukha ko sa sobrang pagkapahiya sa pangangantiyaw nila sa akin. Nahuli kami ng manager. Hindi natuwang naghaharutan ang mga cashier niya. Napagalitan kami.

Napangiwi ako nang sa akin matutok ang naniningkit na mga mata ng manager namin. "Ikaw ang dahilan kung bakit hindi makapag-concentrate sa trabaho ang mga kasamahan mo, Ayesha. Huwag ka nga muna sa cashier. Sumunod ka sa akin. May iba akong ipapagawa sa iyo." Saka siya tumalikod at mabilis na naglakad. Pabuntong hininga akong sumunod sa kaniya.

"Sorry, Ayesha," nagsisising bulong sa akin ng mga katrabaho kong nadaanan ko. Tipid akong ngumiti para ipaalam na tinatanggap ko ang sorry nila.

"Ikaw na ang maglinis ng mga glass wall, loob at labas. Para mamaya makapagsara na tayo agad," utos ng manager namin nang makalapit ako sa kaniya.

"Opo, ma'am," sagot ko na lang. Alam ng lahat ng staff na mas magandang huwag makipagtalo sa manager namin. Masungit kasi at madalas ay namemersonal kapag hindi ka niya gusto. Kaya kinuha ko ang balde at ang panlinis ng glass wall, saka ako naglakad patungo sa entrada ng fast food chain. Iyong sa labas muna ang balak kong linisin kasi may mga customer pa kami sa loob. Nakita ko agad na nasa akin ang atensiyon ni Cain at parang akmang tatayo pa nga para salubungin ako, nakakunot ang noo nang mapasulyap sa bitbit kong panlinis.

Lumingon ako sa pinanggalingan ko. Wala na ang manager namin. Baka pumasok sa opisina. Lumapit ako kay Cain kesa siya ang lumapit sa akin. "Cain, okay ka lang diyan? Nasaan ang kasama mo?"

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon