-Ayesha-
Madilim ang paligid. Nasa kung saan ako na para bang maliit at dim na ilaw lang ang nagbibigay liwanag. Kahit saan ako lumingon sementong pader ang nakikita ko. Luma na 'yon at may lumot pa nga. Para bang nawala na ang kulay 'non dahil sa paglipas ng napakahabang panahon. Makitid ang daan. Isang pasilyo. Malamig. Hindi 'yong lamig ng aircon o simoy ng hangin kung hindi lamig na para bang nasa ilalim ako ng lupa. Parang tunnel. O isang basement.
Hindi ko alam ang ginagawa ko 'ron.
Naglalakad ako. Pero hindi ko alam kung bakit at kung saan ako patungo. Pakiramdam ko wala akong kontrol sa katawan ko, kumikilos mag-isa. Nakailang hakbang pa ako at nang kusang lumiko ang katawan ko may nakita akong nakatalikod na lalaki na nakatayo ilang dipa ang layo mula sa akin. Mas madilim sa bahaging 'yon pero pamilyar sa akin ang bulto ng katawan niya. Nakita ko na siya noon, 'yon ang dinidikta ng damdamin ko. Hindi ko alam kung bakit pero bumilis ang tibok ng puso ko at parang may humalukay sa sikmura ko habang nakatitig sa likod niya. Na para bang... na para bang may nararamdaman akong pangungulila para sa lalaking 'yon.
Humakbang ang mga paa ko at umangat ang isa kong braso, gustong abutin ang lalaki na hindi pa rin tumitinag sa pagkakatayo. Naramdaman ko na ibinuka ko ang bibig ko para tawagin ang lalaki...
Napapitlag ako at napadilat. Kisame ng kuwarto ang nabungaran ko. Pagkatapos hindi ko alam kung bakit pero uminit ang mga mata ko. Hanggang napahikbi ako na nauwi sa pag-iyak. Ni hindi ko alam kung ano ang nakakaiyak sa panaginip ko. Ang alam ko lang parang may pumipiga sa puso ko. Naalala ko ang likuran ng lalaki sa panaginip ko, ang pagtawag ko sa pangalan niya na hindi ko na narinig dahil nagising ako, at parang may matinding pangungulila akong naramdaman. Lalo lang ako napaiyak.
Pero bakit? Bakit ako umiiyak? Bakit ganoon ang nararamdaman ko kapag naaalala ko ang lalaki sa panaginip ko? Ang kaparehong lalaki na ilang beses na akong dinadalaw sa pagtulog? Sino ba talaga ang lalaking 'yon?
May kumatok sa pinto ng kuwarto ko. "Ayesha? Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni mama. Bago pa ako makasagot bumukas na ang pinto at pumasok siya. Binuksan niya ang ilaw bago ko pa mapunasan ang mga luha ko. Nakita na tuloy niya. "Bakit ka umiiyak anak?" Lumapit agad sa akin si mama, umupo sa gilid ng kama.
Umiling ako at bumangon. Pinahid ko ang mga luha ko at pilit kinalma ang sarili. "Wala po. Nanaginip lang ako. At ni hindi naman masama o nakakaiyak iyon. Pero nang magising ako... naiyak lang ako," garalgal na paliwanag ko.
Hinaplos ni mama ang buhok ko at niyakap ako, katulad noong bata pa ako. Noon nga lang dalawa sila ni papa na umaalo sa akin. "Shh, panaginip lang iyon," bulong ni mama sa akin.
Pumikit ako at huminga ng malalim. Sa tingin ko hindi lang iyon basta panaginip. "Isang linggo ko na siyang napapanaginipan mama," mahinang sabi ko.
Natigilan siya. "Sino?"
Medyo lumayo ako sa kaniya para magkaharap kami ng maayos. "Isang lalaki. Nakatalikod lang siya palagi. Pero kanina... sa panaginip ko nasa loob ako ng parang tunnel. O basta parang nasa ilalim ako ng lupa. Madilim. At naglalakad ako. Nakita ko siya sa dulo na nakatalikod. Hindi ko alam kung bakit pero parang may lumamutak sa sikmura ko nang makita ko siya. Na para bang sa panaginip ko kilala ko siya. Tatawagin ko pa lang ang pangalan niya pero nagising na ako. Pagkatapos bigla akong naiyak. Hindi ko alam kung bakit."
Hindi nakaimik si mama. Napatitig lang sa akin. May dumaang emosyon sa mga mata niya. Rekognisyon. Pagkatapos napalitan ng matinding pag-aalala. Pero napansin ko na kinalma ni mama ang sarili at nawala ang mga emosyong 'yon sa mga mata niya. "Panaginip lang iyon, anak. Don't worry and stop crying na ha?" usal ni mama at pinahid ang luhang bumasa sa magkabilang pisngi ko.
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasiaA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...