Chapter Eight: Si Chance Alpuerto

8.9K 250 8
                                    


-Ayesha-

MATAGAL na nagtama ang mga mata namin ni Chance Alpuerto. Sa huli ako ang unang nag-iwas ng tingin. May kung ano kasi sa mga mata niya na nakabahala sa akin. Bata pa si Chance katulad naming lahat na naroon sa classroom na 'yon. Pero ang mga mata niya kakaiba. His eyes look... old. Na para bang sa edad niyang 'yon ang dami na niyang nakita at napagdaanan. Mga bagay na hindi nakikita ng normal na teenager.

Mas lalong hindi ako komportable sa nakita kong disgusto sa mga mata niya. Emosyong alam ko na para sa akin. Pero bakit? Wala naman akong ginagawang masama sa kaniya ah.

"Ayesha? Bakit nakakunot ang noo mo? Ganiyan ba dapat ang reaksiyon kapag nakakita ng guwapo? Ang weird mo," bulong sa akin ni Raye.

Kumurap ako at nilingon ang kaibigan ko. "Nakakunot noo ba ako? Hindi ko namalayan. Halika na nga at umupo na tayo." Hinatak ko na ang braso niya saka tuluyang pumasok sa loob ng classroom.

Kung ako lang ang masusunod gusto kong dumistansya sa exchange student. Kaya lang, wala nang bakanteng desk chair maliban sa nasa tabi niya at sa silya pang katabi 'non. Uupo sana ako sa silyang pinakamalayo kay Chance pero nagulat ako nang iupo ako ni Raye sa mismong tabi ng exchange student. Nanlalaki ang mga matang napatingala ako sa kaibigan ko. Ngumisi lang siya at kumindat, saka umupo sa silya na balak ko sanang upuan. Ang nangyari tuloy napagitnaan nila ako ni Chance. Nang mapatingin ako sa mga kaklase namin nakita kong nakaangat ang mga kilay ng mga babae. Ang mga lalaki napapailing at may nanunudyong kislap sa mga mata.

Uminit ng husto ang mukha ko. Narealize ko kung ano ang ginagawa ni Raye na napansin din ng mga kaklase namin. Ipinapareha ako ng bestfriend ko kay Chance!

Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong pagalitan si Raye sa ginawa niya kasi dumating na ang professor namin para sa klaseng 'yon. Pilit kong itinuon sa propesor ang atensiyon ko. Ramdam ko na ganoon din ang ginagawa ng mga kaklase ko. Pero halata namang distracted ang lahat sa pagdating ng bago naming kaklase.

Mukhang napansin agad ng professor namin si Chance. Bumakas ang amusement sa mukha ni ma'am. "May bago pala tayong kasama sa klaseng ito. Bakit hindi ka tumayo at ipakilala ang sarili mo? Siguradong gustong gustong marinig ng mga kaklase mo ang sasabihin mo. Dito ka sa harapan."

Lumingon ang lahat sa exchange student. Kahit ako hindi ko napigilang sulyapan siya. Halatang natigilan siya at parang ayaw gawin ang sinabi ng professor namin. Hanggang sa bigla siyang sumulyap sa akin. Nagtama na naman ang mga paningin namin at may kumislap na kung ano sa mga mata niya bago binawi ang tingin. Saka siya tumayo at naglakad papunta sa harapan. Nagkaroon ng sabik na bulungan sa paligid habang nakasunod ang tingin ng lahat sa kaniya.

"Ako si Chance Alpuerto," sabi niya nang nakatayo na siya sa tabi ng professor paharap sa klase. "Exchange student ng College of Chemical Engineering. Isa lang akong simpleng estudyante katulad ninyong lahat." Huminto siya sa pagsasalita. Na para bang 'yon lang ang plano talaga niyang ibigay na impormasyon sa mga nakikinig.

Sandaling naging nakakailang ang katahimikan bago tumikhim ang professor namin. "So, bakit sa dami ng kolehiyo sa Pilipinas dito sa Abba College mo napiling maging exchange student, Mister Alpuerto?"

Tumingin na naman sa akin si Chance. Kumabog ang dibdib ko sa kaba. Lalo at nakita ko na naman ang disgusto sa mga mata niya bago nag-iwas ng tingin. "Gusto kong matuto. Gusto kong malaman kung ano pang kaalaman ang makukuha ko sa mga propesor sa kolehiyo na ito."

Mukhang nabilib sa sagot niya si ma'am. Ang mga babae nakangiting napabuntong hininga. "Okay, go back to your seat now. At kung kailangan mo ng mag-to-tour sa iyo sa campus, feel free to choose someone in our class. Mababait ang mga estudyante namin dito sa Abba College."

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon