Chapter Twenty Eight: Sa Ilalim Ng Buwan At Mga Bituin (part 2)

5.6K 189 0
                                    

-Ayesha-

Paglingon ko sa pinanggalingan ko naroon na rin ang mga lalaking humahabol sa akin.

"Huli ka," ngisi ng isa. Malaswa pang dinilaan ang mga labi. Nanlamig ako at mabilis na umatras para makalayo sa kanila. Nagsimulang lumapit ang mga lalaki sa akin. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumingala ako sa langit. Maliwanag ang buwan kahit papalapit na ang new moon.

Malyari. Help me. Gods. Help me.

Ilang pulgada na lang ang layo nila sa akin. Pumikit ako at mariing itinikom ang mga labi.

Ilang segundo ang lumipas nag-echo sa katahimikan ng gabi ang malakas na hiyaw. Na sinundan pa ng isa pa. At isa pa. Hiyaw na dulot ng labis na sakit.

Napadilat ako. Napasinghap. Nakahandusay na ang mga lalaking humahabol sa akin. Pagkatapos ay halos gumapang na para lang makalayo at makatakas. Pero wala na sa kanila ang atensiyon ko. Nasa lalaking naiwang nakatayo ilang metro sa harapan ko. Nakatagilid siya sa akin, halos nakatalikod na nga. Parang gustong habulin ang mga lalaking nagsipagtakas pero napipigilan ang sarili.

Sa mabining liwanag ng buwan, nakilala ko agad siya.

"Zion," anas ko.

Natigilan siya at parang ayaw pa nga ako lingunin. Hanggang tumayo siya ng maayos at pumihit paharap sa akin. Tuluyan kong nakita ang mukha niya na katulad ng kay Cain. Pero alam ko na ibang iba ang lalaking ito na nasa harap ko ngayon. Iba ang sikdo ng puso ko kapag tungkol sa lalaking ito ang sumasagi sa isip ko. Iba ang emosyong naglalaro sa dibdib ko kapag siya ang kaharap ko.

Gusto kong umiyak. Pero gusto ko ring ngumiti. Nanlalamig ako. Pero may init din akong nararamdaman sa puso ko. Naguguluhan ako. Pero sa likod ng isip ko, alam ko kung bakit ako nagkakaganoon.

"Anong ginagawa mo rito?" basag ni Zion sa katahimikan. May iritasyon at panginginig sa boses.

Kumurap ako. Huminga ng malalim. Nakatitig pa rin sa mukha niya nang bumalik sa isip ko ang dahilan kung bakit ako lumabas ng Malyari compound. Uminit ang mga mata ko. "Zion..."

"Ano?" inis pa rin na sikmat niya sa akin. Hindi pa rin ako makapagsalita. Saan ako magsisimula?

Mahina pero marahas na nagmura si Zion at luminga sa direksyong tinahak kanina ng mga lalaking humabol sa akin. "Lapitin ka ng gulo, alam mo ba iyon?"

Lumunok ako. Niyakap ko ang sarili. "Sorry," garalgal na bulong ko.

Lukot ang mukha na tinitigan niya ako. Muli siyang nagmura at hinawakan ang braso ko. "Umalis tayo rito. Siguradong babalik sila na may dalang resbak." Hinila niya ako. Nagpadala ako sa kaniya.

Sandali pa dumaan na naman kami sa mga pasikot-sikot na eskinita. Pero hindi tulad ko halatang alam ni Zion ang daan. Sa huling liko namin nakarating kami sa isang lumang gusali na dalawang palapag ang taas. May basag ang mga salaming bintana sa itaas habang sa baba naman ay kinakalawang at nababakbak na ang pintura ng gate. Hingit niya ako papasok doon. Isang parang garahe lang ang nasa loob. Maliit na bombilya lang ang umiilaw doon. Nakita ko agad ang pamilyar na itim na motorsiklo sa isang panig. Iyon ang gamit ni Zion noong minamatyagan niya ako sa Tala.

Tiningala ko ang makipot na hagdan paakyat sa ikalawang palapag. "Dito ka nakatira?"

"Bakit naglalakad ka na mag-isa sa lugar na ito? Mas delikado dito kaysa sa bayan kung saan ka nakatira. Hindi ka pa ba nadala?" sita pa rin niya sa akin himbis na sagutin ang tanong ko.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon