Chapter Twenty: Nakakulong Sa Kadiliman

6.7K 225 9
                                    

-Zion-

HINDI PA AKO puwedeng mamatay. Kumbaga sa pusa na may siyam na buhay, kung bibilangin ko ang ilang beses na akala ko malalagutan na ako ng hininga pero nakaligtas ako, mayroon pa akong tatlong buhay.

Dalawa kung isasama ko ang muntik ko nang pagkatigok sa kamay ng mga letseng bandido na wala sa plano ko. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang ganoon sila karami? Kung hindi ba naman ako tinamaan ng katangahan at naisip pang sugurin sila lahat kahit alam kong limitado sa dilim ang kapangyarihan ko dahil hindi naman nila makikita ng husto ang mga mata ko kapag madilim. Bakit hindi na lang ako tumakbo? Nabawasan tuloy ang reserba kong buhay.

Na isa na lang kapag nakaligtas ako ngayong gabi.

'Tangina talaga. May nakabaong bala sa braso ko. Mayroon din yata sa binti ko. Parang gripo ang sirit ng dugo ko sa bawat hakbang ko pero alam kong hindi ako pwedeng tumigil. Kapag naabutan nila ako, ayos lang sana kung papatayin na nila ako agad. Ang masama ay kung bubuhayin nila ako at pipiliting alamin ang planong wala akong balak sabihin sa kanila.

Nanginginig ang mga kamay ko at nabagsak ko sa kung saan ang bag ko sa pagmamadaling makalayo para hindi maabutan ng mga taong nagpunta roon para iligtas si Ayesha.

Ayesha.

Napahinto ako at sumandig sa katawan ng isang puno. Habol ko ang paghinga ko. Nanlalabo ang paningin ko dahil nahihilo na ako. Sa pagpikit ko, mukha niya agad ang nakita ko.

Madalas ko na nakikita ang mukha niya kahit wala siya sa harap ko. Mula pa nang magising ako kaninang umaga na ang natutulog niyang mukha ang nakita ko, ilang dipa lang ang layo mula sa akin. Mula pa nang para akong engot na tinitigan lang ang natutulog niyang mukha at hindi naiwasang mamangha sa kapal at haba ng mga pilik mata niya. O kung paanong matagal natutok ang tingin ko sa mapupula at nakaawang niyang mga labi.

Shit. Hindi ko siya dapat iniisip sa ganitong paraan. Isa lang siyang kasangkapan para sa plano namin. Iyon lang ang papel ni Ayesha. Kahit sa mga Alpuerto, iyon lang din naman ang silbi niya. 'Eh ano kung mabait pala siya at hindi maldita at matapobre na katulad ng inaasahan ko para sa isang babaeng nakatakdang maging asawa ng pinuno ng isang mayamang angkan? 'Eh ano kung himbis na tumakbo ay mas pinili niyang langgasin ang sugat ko at bantayan ako nang gabing pwede naman niya akong abandonahin na lang?

Ibang imahe naman niya ang nakinita ko. Noong halatang nasaktan siya sa sarkastikong komento ko tungkol sa kapanganakan niya.

"Ah, putsa, ang gago ko lang talaga," hirap at paos na anas ko. Kung bakit ba naman kasi ganoon ang naging sagot ko kahit halata naman na sinsero ang pagtatanong niya tungkol sa mga naging sugat ko. Pero nagsabi naman ako ng totoo nang sabihin ko na hindi niya gugustuhing malaman. Ako nga ayoko na inaalala ang nakaraan. Ang sabihin pa ba ang tungkol doon sa iba?

Dumilat na ako at pinakiramdaman ang paligid. Mukhang walang nakasunod sa akin kahit kung tutuusin ay hindi pa naman ako nakakalayo. Tunog ng papalayong helicopter ang naririnig ko. Hanggang mawala na ang tunog at mga huni na lang ng mga hayop ang maingay sa gubat.

Pinigilan nga yata ni Ayesha na habulin ako nang mga naghanap sa kaniya. Ah, mali na isipin ko na naman siya. Naaalala ko na naman ang mukha niya, ang pakiusap sa tono niya habang pinipilit niya akong tumakas na. Parang naiiyak pa nga siya kanina. Naaalala ko ang emosyon sa mga mata niya. Kahit kailan wala pang tumingin sa akin ng ganoon. Siya lang.

Humugot ako ng malalim na paghinga at dumeretso ng tayo. Lalong sumakit ang mga sugat ko at lalong lumabo ang pag-iisip ko. Gumewang ang katawan ko kaya inangat ko ang kamay ko para humawak sa puno. Pero tuluyang nagdilim ang paningin ko at hindi na lumapat ang palad ko sa katawan ng puno.

MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon