-AYESHA-
MALAKING bahagi na ng buwan ang nakalitaw sa kalangitan. Kahit kanina pa kami nagkaharap ni Zion, mabilis pa rin ang tibok ng puso ko hanggang ngayon. Lalo na kapag naaalala ko ang mga sinabi at ginawa ko.
Hinalikan ko siya.
Hindi ako makapaniwala na may lakas ako ng loob na gawin iyon. Pero hindi ko napigilan ang sarili ko. Kahit anong sabihin ko, kahit gaano ko pa ipakita sa mukha ko ang nararamdaman ko, ayaw pa rin niyang maniwala. Ayaw niyang buksan ang isip niya. Ayaw niya akong papasukin sa harang na pinalibot niya sa sarili sa mahabang panahon bilang proteksiyon.
Umakto ako base sa instinct ko. At kahit nahihiya ako, hindi ako nagsisisi.
"Para mong hinahamon ang tadhana."
Iyon ang sabi sa akin ni Luna nang dumaan ako sa Malyari compound pagkatapos ko makipagkita kay Zion. Kasama ko sina Chance at sir Angus pero mas gusto nilang maghintay sa sasakyan sa labas ng compound.
Dumeretso ako sa ancestral house at lampas isang oras nakipag-usap kay mama at lola para sabihin sa kanila ang mga naging desisyon ko. Nang sa wakas pakawalan na nila ako at hayaang makalabas sinalubong naman ako ni Luna at iyon ang una niyang sinabi sa akin. Hindi na ako nagkunwari na hindi ko alam ang sinasabi niya.
"Pinili ko lang ang hinaharap na gusto ko."
"Kahit na alam mong hindi magiging tahimik at madali ang hinaharap na iyon?" tanong ni Luna.
Ngumiti ako. "Iyon pa rin ang pipiliin ko. Si Zion pa rin. Dahil kung pipiliin ko ang kasalungat na hinaharap, pakiramdam ko tumakas lang ako. Isa pa, hindi ko pwedeng piliin si Cain. May ibang babaeng nakatakda para sa kaniya. At mas magiging masaya siya sa piling ng babaeng iyon."
Gumanti ng munting ngiti si Luna. Pero nawala rin agad ang ngiti niya. Medyo umangat ang mukha na para bang may narinig siya o naramdaman. "Hindi ka magtatagal dito, hindi ba?"
"Oo. Nagsabi na ako kay mama at lola. Pupunta ako sa Alpuerto mansion. Maghihintay na darating si Zion. Mas magiging maganda kung magkakasundo silang pamilya. At mangyayari lang iyon kung makakapag-usap sila ng maayos."
"Mag-iingat ka."
Kinabahan ako sa tono ni Luna. "May mangyayari bang hindi maganda?"
"Nakalimutan mo na ba ang naging laman ng iyong mga panaginip? Nalimutan mo na ba na katulad mo may dalawang posibleng hinaharap din si Zion? Babalutin ang gabing ito ng init at liwanag. Mag-iingat ka."
Nanlaki ang mga mata ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ang mga panaginip ko. Hinahabol ko si Zion. May galit sa mukha niya na nasisinagan ng malakas na apoy.
Apoy na siya ang may gawa.
Mabilis akong nagpaalam kay Luna at patakbong lumabas ng Malyari compound papunta sa nakaparadang kotse na ginamit namin nina sir Angus at Chance. Nagulat sila nang makitang nagmamadali ako pero hindi na ako nagpaliwanag. Pinagmadali ko na lang sila pabalik sa Alpuerto mansion.
Nasa daan pa lang kami papunta sa Forbes park naalarma na ako ng malakas na tunog ng mga truck ng bomber sa malayo. Palapit ng palapit sa daan na tinatahak namin. Lalo akong kinabahan nang pagpasok namin may mga tao sa labas. Kakaiba iyon dahil bihira may makitang pakalat-kalat na residente sa labas ng mga mansiyon nila.
"Anong nangyayari?" takang tanong ni Chance na sumisilip sa labas ng sasakyan.
Sumilip din si sir Angus na siyang nagmamaneho. Natigilan siya. "May itim na usok doon sa malayo. Parang may nasusunog."
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasyA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...