-Ayesha-
ISANG MALAWAK na compound ang tinitirhan ng mga Malyari. Nababalutan ng mga halamang baging at malulusog na moss ang matataas at makakapal na pader na nakapalibot doon. Hindi 'yon mukhang sinadya para maging disenyo. Mas mukhang napabayaan kaya tinubuan na ng mga halaman. Halatang luma at kupas na rin ang kulay ng tisang bubong ng mga bahay. Iyon lang ang nakikita ko mula sa tapat ng higante at kupas na rin ang kulay na gate kung saan kami nakatayo.
"Ganito ba talaga dito noon, mama?" tanong ko nang sulyapan ko siya.
Umiling si mama at mas mukhang mangha kaysa sa akin habang nakatitig sa gate. "Makulay at masigla ang lugar na ito sa pagkakatanda ko," bulong niya. May kumislap na nostalgia sa mga mata niya.
Hindi ko napigilan na medyo mapangiti. Nakikita ko sa mukha ni mama na gustong gusto niya bumalik pero napigilan lang niya sa nakaraang mga taon. Namamasa nga ang mga mata niya ngayon habang nakatitig sa gate ng Malyari compound. Siguro naaalala niya ang naging kabataan niya roon.
Maya-maya lang nakuha ang atensiyon namin nang dahan-dahang pagbubukas ng gate na 'yon. Lumapit si Cain na siyang nagtungo sa guard house para ipaalam ang pagdating namin. May kakaiba sa ekspresyon niya nang makalapit sa amin. Mukha siyang namamangha na nagtataka na hindi ko maintindihan.
"Bakit ganiyan ang hitsura mo?" tanong ko.
Tiningnan niya ako. "Ang sabi nila, inaasahan daw nila ang pagdating natin."
Kumurap ako. "Wala naman tayong pinagsabihan na pupunta tayo dito ngayon, hindi ba?"
Tumango si Cain. Si sir Angus naman napasipol sa pagkamangha at nagsalita, "Well, hindi nakakapagtaka. Hindi man katulad ng mga Alpuerto, hindi rin pangkaraniwang mga tao ang mga Malyari."
Huminga ng malalim si mama, inabot ang kamay ko at mariin 'yong pinisil. "Pumasok na tayo."
Iyon nga ang ginawa namin.
Maluwag ang bakuran sa loob. Makaluma ang mga bahay. Nakatayo ang mga 'yon paikot kaya may malawak na espasyong pa-oval sa gitna. Dahil compound 'yon at malawak na lupain akala ko maraming bahay sa loob pero habang naglalakad kami napansin kong nasa sampu lang yata ang mga bahay doon. Sa pinakamalaking bahay na matatagpuan sa dulo ng compound daw kami pupunta sabi ni mama. Iyon daw kasi ang ancestral house ng mga Malyari. Noong si mama daw ang moon bride, doon siya nakatira kasama ang mga magulang niya.
"Sino ang nakatira diyan ngayon?" tanong ko nang makita ko na ang ancestral house. Ilang metro na lang ang layo namin doon. Dalawang palapag lang 'yon pero malawak. Halos sakop ang haba ng pader na nakapalibot sa compound. Pinakaluma rin 'yong tingnan sa lahat ng mga bahay doon. Ang tahimik sa loob. Parang walang tao.
"Ang pamilya ng Forseer ang nakatira ngayon diyan," sagot ni Cain.
"Oh, si tiya Lira?" tanong ni mama, nakangiti at mukhang nasabik.
Natigilan si Cain at sinulyapan si mama. "No. Pumanaw ang dating Forseer labin limang taon na ang nakararaan."
Nawala ang ngiti sa mga labi ni mama. Natulala. "I-iba na ang Forseer?"
Biglang bumukas ang front door ng ancestral house. Napalingon kami lahat doon.
Isang babae na mukhang teenager ang nakatayo sa pintuan. Puti ang bestida niya na hanggang sakong. Hanggang baywang ang mahaba, tuwid at itim niyang buhok. Maganda ang babae pero ang mga mata niya, walang buhay. Nakatingin sa amin pero may palagay akong hindi talaga kami nakikita. Bulag siya.
"Siya ang bagong Forseer," sabi ni Cain.
Tumango si sir Angus. "Nagpunta ang buong pamilya ng Alpuerto para makiisa sa selebrasyon nang ipanganak siya. Siya si Luna."
BINABASA MO ANG
MOON BRIDE [2017 PHR NOVEL OF THE YEAR]
FantasíaA MYSTERIOUS AND ANCIENT FAMILY... MULA pa sa simula ng panahon, nag-e-exist na ang angkan ng mga Alpuerto. Throughout centuries they gained immense wealth, influence and power. Simula noon hanggang ngayon, sila ang nagpapatakbo sa buong bansa s...