CHAPTER 13

633 17 6
                                    

CHAPTER 13


"Ano ba, Ackdan!" Inis kong bulong nang makita kong narito siya sa aming bahay. Kagigising ko lamang at wala kaming pasok ngayong umaga dahil sa hapon pa ang klase namin sa isang subject.

Pagkatapos ng sinabi niya noong isang araw ay hindi na ako mapakali. Sineryoso nga niyang manliligaw siya sa akin! Ang akala ko ay biro niya lang iyon upang patigilin ako sa pag-iyak ko!


Pasimple kong tinapakan ang paa niya. Nakaharap kami ngayon kay Inay habang magkatabi naman kami ni Ackdan. "S-seryoso ka ba, Iho?" Hindi makapaniwalang saad ni Nanay. Ngumiti naman si Ackdan at tumango. "Opo, nais ko pong ligawan si Aiah, Tita!"


Pumikit ako ng mariin at pagkatapos ay matalim na titig ang ipinukaw ko kay Ackdan. Pinanlakihan ko siya ng mata ngunit tanging malawak na ngiti lamang ang naging sagot niya. "Gusto ko po kasing kayo ang unang makaalam, Tita," patuloy niya. "I-iho, m-matakaw itong si Aiah, naghihilik pa ito—"


Kaagad akong nagsalita at pinutol ang sasabihin ni Inay. "Ahh....Ackdan, ano ba kasing ginagawa mo dito? Ang aga mo naman pumasyal!" May irita kong anas. Mahina naman siyang natawa kaya pasimple ko siyang kinurot sa tagiliran. Napansin ko naman ang ngisi ni Inay.


"Ayos lang po kung siya ay humihilik sa higaan, kung siya din po ay matakaw, handa ko po siyang lutuan, Tita."


"Ano, Ackdan?! tumigil kana nga, nababaliw kana ba?!" Mariin kong bulong. "Tita, ang sweet po pala ni Batchoy, nag-aalala po siya sa akin na baka po masyado na akong nababaliw sa kaniya, oo nga po, baliw na baliw ako sa anak niyo, Tita!"


Nanlaki ang mata ko sa aking narinig. Ano bang sinasabi ng lalaking ito?! Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin, eh! Malakas tuloy na humalakhak si Inay kaya napatingin ako sa kaniya. Ngumuso ako at ipinag-krus ang aking kamay sabay sandal sa sopa.


"Bagay na bagay talaga kayo! Sabi ko na nga ba, eh! Ang tagal niyo ng magkaibigan, hinala ko na dati na kayo talaga ang magkakatuluyan!" Masayang saad ni Inay. "Pero siya nga pala, Iho, bakit nga pala ang aga mo naman 'atang manligaw? Naudlot tuloy ang hilik nitong si Aiah!" Malakas pang humalakhak si Inay, maging si Ackdan ay rinig ko ang mahina niyang tawa.


Mukhang pinagtutulungan 'ata ako ng dalawang ito.



"Ibibigay ko lamang po sana itong mga tulips na kinuha ko po sa hardin namin, alagang-alaga po iyan ni Manang," saad niya. Gulat akong napatingin sa mga ito. Limang kulay pink tulips na nakatali. Bale dalawa ito at hindi ko alam kung bakit. "Kanino naman ang isa?" Tanong ko.


Ngumiti ang lalaki at inabot kay Inay ang isa. "Para naman po sa inyo itong isa, Tita," Masayang wika ni Ackdan. "Hala, Iho, bakit naman kailangan mo pa akong bigyan ng ganito, ang anak ko lang naman ang iyong nililigawan."


"Liligawan ko rin po kayo, Tita, hindi lamang po ang inyong anak, nais ko pong mas gumaan pa po ang loob niyo sa akin."


Napangiti naman si Nanay. Tumango-tango pa ito at inamoy ang tulips. "At ito naman ay para sa pinaka special na tao sa buhay ko."


Bumilis ang tibok ng aking puso nang tumingin sa akin ang maamo niyang mukha. Napalunok ako ng mariin. Para bang may mga kabayo na naghahabulan sa puso ko sa lakas ng tibok nito na tila ba lalabas na.


"S-salamat..." nahihirapan kong anas at nag-iwas ng tingin.


"Nakakakilig naman kayo! Oh siya, Ackdan, nais ko lang sana na malaman mo na, dise-siyete pa lang itong si Aiah, kung ikaw ay makakapaghintay ay sana tska lamang magiging kayo kapag nag dise-otso na ang anak ko, ayos lang ba iyon sa'yo, Iho?"


Fearless (LUZVIMINDA SERIES 1) ONGOINGWhere stories live. Discover now