XX - Multo ng Nakaraan

4 1 0
                                    

"Multo ng Nakaraan"

Hanggang kailan ako mumultuhin ng ating nakaraan?
Hanggang kailan ko dadalhin 'tong sugat na iyong iniwan?
Hanggang kailan ako luluha sa tuwing sasagi ka sa aking isipan?
Hanggang kailan papasanin ang bigat ng mga alaala mong iniwan?

Ilang taon na ang nakalipas,
Sa panaginip ko'y nandiyan ka pa rin.
Ilang tao na ang nakilala,
Sakit na dulot mo'y dama pa rin.

Sa tuwing nakikita ko ang larawan mo,
Bumabalik sa akin ang mga alaala nating dalawa.
'Yung mga panahong bumibilis ang tibok ng puso ko,
Hindi dahil sa hingal o pagod,
Kundi dahil nasilayan na naman ang mga kumikinang mong mga mata.

'Yung mga sandaling nakatulala lang ako sa kawalan,
Iniisip ang bawat segundong kausap ka.
Hindi mo man napansin,
Bugso ng damdamin ay ikaw ang dahilan at wala ng iba.

Nakakatuwa't nakakalungkot sa tuwing sumasagi sa isipan ang mga alaalang 'yun.
Bagama't ang mga puso man nati'y hindi nagsalubong,
Masasabi kong minsan akong naging masaya na iniibig ka.
Na kahit sa paglipas na halos isang dekada,
Sa panaginip ay paulit-ulit ka pa ring nakikita.

Kung nasaan ka man ngayon,
Batid kong ikaw ay masaya.
Hindi man sa akin,
Pero sa piling ng iba.

Ang multo ng nakaraa'y hindi maalis-alis,
Ayaw magpatahimik.
Siguro para ipaalala,
Na minsan akong umibig ng tunay at lubos kahit hindi naibalik.

Iba't-ibang Eksena sa Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon