CHAPTER 39

15.5K 819 266
                                        


-

Sa kalagitnaan ng malalim na gabi, tumatakbo si Rhea, pilit tinatakasan ang mga taong humahabol sa kanya. Hindi niya matanggap ang kasalanang nagawa-at ngayon, nalaman pa niyang ang tunay niyang ina ay ang kinikilalang ina ni Fleur.

Hindi siya makapaniwala. Hindi niya matanggap. Ang katotohanan na matagal na itinago sa kanya ay ngayon lang ibinunyag, at parang sasabog ang kanyang isipan sa gulo ng lahat. Ngunit sa kabila ng lahat, isa lang ang nasa isip niya, makarating sa ospital at masigurong ligtas ang kanyang asawa.

"Red! Sa oras na may nangyaring masama kay Ines, pinapangako ko-mamamatay tayong dalawa." Punong-puno ng poot ang boses ni Rhea habang patuloy siyang tumatakbo, hindi alintana ang pagod at takot.

"Para sa akin?! Alam mo ang tungkol kay Ines! Pero bakit pati siya binalak mong patayin?!" Nanginginig ang kanyang katawan sa galit. "Mas mabuti pang tayong dalawa na lang ang mamatay! Kung ganyan ka magmahal sa akin, mas nanaisin ko na lang mawala habang buhay." Nanggigigil siyang sumigaw, tila nakikipag-usap sa isang multong hindi niya maalis sa kanyang isipan-si Red.

Nakahanap ng paraan si Rhea upang matakasan ang mga tauhan ni Fleur. Gusto niyang isuko ang sarili sa mga pulis, pero pilit itong tinututulan-balak siyang ikulong sa mansion upang hindi na makaalis.

Hindi siya pumayag. Nanlaban siya, hindi hinayaang makulong sa kasalanang hindi niya kayang takasan. Sa gitna ng kaguluhan, nakahanap siya ng oportunidad upang makatakas. Ngunit bago niya isuko ang sarili. Dadaan muna siya sa ospital. Gusto niyang makita ang kanyang asawa sa huling pagkakataon.

Pasado alas dos ng madaling araw, pumuslit si Rhea sa ospital. Hinanap niya ang kwarto ni Ines at agad napansin ang mga bantay na pulis sa labas. Gusto niyang pumasok, pero hindi niya alam kung paano. Kaya naghanap siya ng ibang paraan. Naglibot siya sa ospital hanggang sa makahanap ng isang scrubsuit ng nurse. Mabilis niya itong isinuot at naglagay ng mask upang maitago ang kanyang mukha.

Matapos ayusin ang sarili, nagtungo siya sa kwarto ni Ines. Kinakabahan siya-ang lakas ng tibok ng kanyang puso habang papalapit sa pintuan. Pero nakahinga siya ng maluwag nang hindi siya makilala ng mga bantay, kaya mabilis siyang pumasok.

Pagkarating pa lang niya sa loob, agad niyang narinig ang tunog ng makina na sumusuporta sa buhay ni Ines. Hindi siya nakagalaw. Parang may mabigat na pumipigil sa kanyang mga paa. Biglang dumaloy ang luha sa kanyang mga mata. Hindi kaya ni Rhea tingnan ang asawa pagkatapos ng ginawa niya.

Pero nilakasan niya ang loob. Dahan-dahan siyang lumapit kay Ines, na mahimbing na natutulog. Tinakpan niya ang kanyang labi, pilit kinagat ito upang hindi makalikha ng tunog habang umiiyak.

Nanginginig niyang hinawakan ang kamay ni Ines, hinaplos ito nang buong ingat, na parang natatakot siyang baka tuluyan itong mawala sa kanya. Muli niyang dinala ang kamay nito sa kanyang labi, mariing hinalikan habang pumapatak ang kanyang mga luha. Dahan-dahan siyang lumuhod sa tabi ng kama, hinigpitan ang hawak sa kamay ng asawa habang patuloy na umiiyak.

"S-Salamat... Salamat at ligtas ka..." Bulong niya, halos hindi marinig sa pagitan ng kanyang paghikbi.

Hindi niya na napigilan ang lahat ng sakit, lahat ng bigat na matagal niyang kinikimkim. Tuluyan siyang humagulgol, hindi na alintana kung may makarinig sa kanya.

Ito ang unang beses na nakaranas siya ng ganito katinding sakit. Mas masakit pa kaysa sa lahat ng sugat na natamo niya noon. Mas masakit pa kaysa sa bawat suntok, sipa, at palo na naranasan niya sa kamay ng kanyang sariling ama. Mas masakit pa sa bawat bugbog na tinanggap niya sa arena. Pero ang sakit na nararamdaman niya ngayon? Parang pinupunit ang kaluluwa niya nang buhay.

𝙿𝙾𝙻𝚈𝙰𝙼𝙾𝚁𝚈 (𝚂𝚂) : 𝙵𝙾𝚄𝚁 𝚆𝙸𝚅𝙴𝚂 | 𝚁𝙷𝙴𝙰 (𝙸𝙽𝚃𝙴𝚁𝚂𝙴𝚇)Where stories live. Discover now