Prologue

7.7K 241 14
                                    

WALANG humpay sa pagtulo ang mga luha ni Hanna. Napakalungkot niya. Nawala ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay niya. At kasalanan niya.

Paulit-ulit niyang sinisisi ang kanyang sarili sa pagkamatay ng Ate Hazel niya. Galit siya sa sarili. Kung sinunod lamang niya ito, kung hindi siya naging pasaway, kapiling pa rin sana nila ngayon ang nakakatandang kapatid.

"I-I'm sorry, Ate Hazel. K-kasalanan ko kung bakit ka n-namatay. H-hindi kasi ako nakinig sa 'yo. S-sorry, Ate. M-mahal na mahal po kita..." humihikbing sambit ni Hanna. Punong-puno na ng luha ang kanyang mukha subalit hindi niya iyon pinagkaabalahang punasan.

Gusto niyang mapag-isa. Hindi siya nagpaalam sa mga magulang na pupunta sa parke. Kapag sinabi niya, tiyak na pipigilan siya ng mga ito.

Isang linggo na ang nakalipas mula nang ilibing ang Ate Hazel niya. Subalit pakiramdam ni Hanna ay kahapon lang iyon nangyari. Sariwa pa rin sa kanyang alaala ang trahedyang kumitil sa buhay ng ate niya. Bagaman hindi siya sinisisi ng mga magulang at aksidente lang ang nangyari, hindi pa rin maiwasan ni Hanna ang ma-guilty. Nahihiya siya sa Mama at Papa niya. Dahil sa kanya, nawalan ang mga ito ng isang anak.

Close na close sila ng Ate Hazel niya. Katulad niya, masayahin, madaldal, at palakaibigan ito. Marami siyang natutunan sa kapatid katulad ng magandang asal. She was her super best friend. For her, she was the best sister in the world. Tuwang-tuwa naman ang ate niya kapag sinasabi niya iyon dito. Hahalikan at yayakapin pa siya nito. Malambing din kasi ito.

Pero ngayon, hindi na niya iyon masasabi dito. Hindi na niya ito mayayakap at mahahalikan. Wala na siyang kalaro. Wala nang mag-aalo sa kanya kapag natatakot siya sa kulog at kidlat. Wala na siyang kakuwentuhan tungkol sa school at sa mga paborito nilang palabas sa TV. Kung maibabalik lang sana ni Hanna ang buhay ni Ate Hazel niya, gagawin niya. Ang bata-bata pa nito. She was only sixteen years old. Marami pa sana itong magagawa. Nang dahil sa kanya, hindi na nito maaabot ang mga pangarap. Pangarap pa naman nitong maging isang magaling na painter. Mariing kinuyom ni Hanna ang mga kamay.

"Ate... Bumalik ka na... Miss na miss na kita, Ate..." pakiusap niya, subalit dinala lamang iyon ng hangin.

"Heto, o. Gamitin mo."

Natigilan si Hanna. Sa nanlalabong paningin ay tiningala niya ang pinanggalingan ng boses. Pinahid niya ang kanyang mga luha. Nakita niya ang puting panyo na nakalahad sa kanyang harapan, sunod ay binalingan niya ang nagmamay-ari ng tinig. Isang nakangiting batang lalaki ang natunghayan niya. Sa tingin niya ay magkasing-edad lang sila nito. Ten years old.

"Sige na. Gamitin mo na. Basang-basa na ang mukha mo, eh. Sige ka. Matutunaw 'yan," biro ng batang lalaki.

Tinanggap ni Hanna ang panyo at pinunasan ang buong mukha niya.

"Bakit ka umiiyak? May umaway ba sa 'yo?" tanong nito.

Umiling siya. "W-wala. Nami-miss ko ang ate ko."

"Bakit? Nasaan ba ang ate mo?"

"W-wala na si Ate. Patay na siya." Napahikbi siya.

Sumeryoso ang anyo ng batang lalaki. "Ano'ng nangyari?" tila nakikisimpatyang tanong nito.

"N-niligtas ako ni Ate. Habang namamasyal kami, nakasalubong namin iyong kaibigan niya. Excited na akong makarating sa pupuntahan namin pero p-pinigilan ako ni Ate na huwag munang tatawid sa kalsada na hindi siya kasama. Hindi ako nakinig sa kanya. Tumawid pa rin ako. Hindi ko napansin ang paparating na kotse. Nagulat na lang ako nang may tumulak sa akin. Iyon pala ay si Ate. Siya ang nabangga ng kotse imbes na ako. A-ako ang may kasalanan kung bakit siya namatay. Ako ang pumatay sa kanya." Muli na namang umagos ang mga luha ni Hanna. Napahagulgol siya. Tandang-tanda pa niya ang hitsura ng kanyang ate pagkatapos mabangga. Walang malay, duguan ang mukha.

MUSIC BOX AND THE BAD BOY ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon