NAPANGANGA siya nang makarating sila sa tapat ng malawak na lupain. Wala siyang ideya kung nasaan sila pero napakaganda ng paligid. Puro puno at mga nagkalat na iba't-ibang bulaklak ang naroroon. Payapa rin dahil tanging silang dalawa lang ni Thiago ang naroroon. Nilingon niya si Thiago. Tahimik lang itong nakapamulsa habang nakatanaw sa malawak na lupain sa harapan nila. Walang emosyong makikinita sa mukha nito. Mukhang nasa ibang dimensyon ang utak nito.
Kanina habang papunta rin sila dito ay hindi man lang bumuka ang bibig nito. Hindi man magsalita ito ay alam niyang may bumabagabag dito. Minsan din ay bigla na lang itong natutulala kahit katabi niya ito at may kinukwento siya rito.
"Anong ginagawa natin dito?" mahinang tanong niya rito.
Ilang sandaling katahimikan ang namayani. Nakangiting humarap ito sa kanya. "Magde-date tayo."
Kumunot ang noo niya. "Date? Dito? Saan?" takang tanong niya. Medyo madilim na kasi at tanging ang naririnig nila ay ang maliliit na mga insektong nag-iingay.
Masuyong hinaplos nito ang mukha niya. "Second date natin to.. so I want to make it extra special." Iniharap siya nito sa isang malaking puno. "This is my surprise for you, sugar."
Tiningala niya ito. "Sugar talaga?" natatawang tanong niya rito.
He crinkled his nose. "Cute naman ah? Matamis pa. Teka! Yung surprise muna!"
May pinindot ito at nagulat siya at biglang lumiwanag ang paligid. Nilingon niya ang malaking puno sa harapan nila. Napapalibutan iyon ng kumukutikutitap na kulay dilaw na christmas lights. Sa paanan naman ng puno ay may nakalatag na banig at comforter. Naka-set up din ang maliit na table na naglalaman ng sari-saring pagkain.
"Ikaw ba ang gumawa lahat nito?" di makapaniwalang binalingan niya ito.
Tumango ito. "Pati ang pagkabit ng christmas lights sa puno ako ang gumawa. Malakas ka sa akin eh." nakangiting niyakap siya nito.
Mahigpit na niyakap niya ito pabalik. "Salamat."
Naramdaman niyang dumampi ang mga labi nito sa sentido niya. "Thank you din. Teka-- ayoko maging madrama to. Kumain na muna tayo. May isa pa akong surprise sa'yo."
"Ano yun?"
"Eat first. Atsaka ko sasabihin sa'yo." iginiya siya nito sa comforter at masuyong inalalayan para makaupo siya nang maayos.
Hindi na siya nagulat nang halos subuan na rin siya nito sa sobrang pag-aasikaso nito. Kailan kaya niya masusuklian ang mga kabaitang ipinapakita nito?
"Masarap ba?" kabadong tanong nito sa kanya.
Nakangiting tumango siya at iniumang rito ang pasta na alam niyang ito ang nagluto. Spaghetti with meatballs kasi. Once a week ay ito ang baon niya. Pero parang mas sumarap yata iyon nang makasabay niya itong kumain. Sana lagi na lang ganoon. Sabay silang kumakain at nagkukwentuhan sa ilalim ng mga nagkikislapang bituin.
Atubili nitong tinanggap ang nakaumang na spaghetti. "N-Ngayon lang yata ako sinubuan ng isang babae." tumikhim ito matapos uminom ng tubig.
Natawa siya. "Gusto mo araw-arawin ko pa eh."
Ewan ba niya kung imahinasyon ba pero nakitaan niya ng lungkot ang mga mata nito. May kakaibang lungkot ang mga iyon.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Sana hindi na ako mahihiwalay sa'yo."
Hinawakan niya ang kamay nito at ngumiti. "Hindi pwede yun. Ang buhay mo ay sa Maynila. Ang akin naman ay dito." masuyong hinaplos niya ang buhok nito. "Pero kahit anong mangyari lagi kang nasa isip ko.." kinuha niya ang kamay nito at ipinatong sa dibdib niya. ".. at ikaw lang ang nag-iisang tinitibok ng puso ko."
BINABASA MO ANG
You Are My Destiny (Thiago Jacques Fernandez & Venus Moira Gonzales)
RomanceThiago Jacques Fernandez, nasa kanya na ang lahat. Gwapo, matipuno, matalino, matangkad at mayaman. Isa na lang ang kulang.. ang babaeng makakasama habambuhay. Isang araw kinausap siya ng Lolo niya para ipahanap ang babaeng nagngangalang Venus Moira...