Ang uterus o matris ay isang organong hugis peras na nasa bandang puson, sa pagitan ng pantog at rectum. Kasama nito ang puwerta, mga obaryo, at lagusan ng itlog na bumubuo sa sistemang reproduktibo ng mga kababaihan. Ito ay tinatawag ring sinapupunan o bahay-bata.
Sa magkabilang itaas na bahagi nito, nakabukas ang fallopian tube para makatanggap ng mga itlog. Ang pinaka-ibabang bahagi naman ay bumubuka papuntang puwerta. Gawa ang katawan ng matris sa dalawang patong ng tisyu: ang endometrium na nasa looban ng matris, at ang myometrium na siya naming nakabalot dito.
Sa kababaihang nasa edad ng pagbubuntis, ang endometrium ay sumasailalim sa mga pagbabago buwan-buwan. Lumalaki at kumakapal ito sa impluwensiya ng estrogen mula sa obaryo bilang paghahanda sa pagtanggap ng punlay at posibleng pagbubuntis. Nagaganap ang buwanang regla kung hindi magamit ang tisyu, at natutunaw at lumalabas ito sa puwerta. Ang myometrium naman ay tisyung kalamnan na nauunat at lumalaki kapag nagbubuntis. Ito ang humihilab para mailabas ang sanggol.
Pangunahing tungkulin ng matris ang pangangalaga sa kalusugan ng sanggol at maayos na pagsulong ng pagbubuntis. Ang myoma sa matris o uterine fibroid ay mga non-cancerous growths o mga bukol-bukol na lumilitaw sa matris ng babae, partikular na habang nasa panahon ng mga taon na maaari silang magdalangtao.
Ang mga myoma ay hindi naman nauugnay sa mataas na tsansang magka-uterine cancerat napakabihira lamang na maging kanser. Hindi matukoy ang tunay na kadahilanan ng myoma. Maraming kababaihan na may myoma ang walang dinaranas na sintomas. Subalit ito ay maaaring magdulot ng mga sintomas depende sa laki, lokasyon sa matris (submucosal, subserosal at intramural), at kung gaano sila kalapit sa iba pang organs na nasa pelvic area.
Natutukoy ang uterine fibroids sa pamamagitan ng pelvic exam kung saan ang matris ay kinakapa kung malaki o mali ang hugis; at ultrasound kung saan makikita kung gaano kalaki ang fibroids. Itinatayang 3 sa 4 na kababaihan ang nagkakaroon ng myoma minsan sa kanilang buong buhay ngunit ang karamihan ay walang dinaramdam na sintomas.
Hindi pa matukoy ng mga doctor kung ano ang sanhi ng myoma, subalit ayon sa pagsasaliksik at karanasan ay narito ang mga dahilan:
i) Genetic changes o pag-iiba-iba sa namamana nating mga katangian mula sa ating ninuno. Marami sa mga myoma ay naglalaman ng genes na naiiba sa normal na uterine muscle cells. Mayroon ring mga ebidensiya na ito ay nananalaytay sa dugo ng mga magkakapamilya at sinasabing ang mga kambal na identical ay mas mataas ang tsansang makakuha nito kumpara sa mga non-identical twins.
ii) Hormones. Ito ay mga kemikal sa katawan na may epekto sa mga parte nito. Ang estrogen at progesterone, ang 2 hormone na konektado sa pagde-develop ng uterine lining kada buwanang-daloy na preparasyon para sa pagdadalang-tao, ay nagpapakitang siyang tumutulong sa pagtubo ng myoma. Ang mga myoma ay naglalaman ng mas maraming estrogen at progesterone receptors kumpara sa normal na muscle cells ng puson. Ang myoma ay sinasabing lumiliit matapos mag-menopause dahil sa pagbaba ng antas ng paggawa ng hormones.
iii) Iba pang mga growth factors tulad ng insulin-growth factor na tumutulong sa pagpapanatili sa pagpapagana sa katawan, ay maaaring makaapekto sa pagtubo ng myoma.
Ang mga pinaka-karaniwang sintomas ng myoma ay:
Malakas na buwanang-daloy, mas mahabang buwanang-daloy (mga 7 o higit pang araw ng pagdurugo), pananakit o makirot na pakiramdam sa bandang puson o pantog, paulit-ulit na pagkalaglag ng dinadala, madalas na pag-ihi, mahapding pag-ihi, mahirap ilabas ang ihi o parang binabalisawsaw, mga pagbabago sa pagdumi partikular ang pagtitibi, pananakit ng likod, balakang, hita o mga paa, at makirot o masakit na pakikipagtalik. Alinman sa mga nabanggit na nakakasagabal sa iyo at hindi nawawala ay maaaring ipatingin sa doctor. Bigyang-pansin at kaagad ipatingin sa doctor kung nakakaranas ng pagdurugo bukod sa monthly period at hirap na dumumi o umihi. Madalang lamang na mangyari, ang myoma ay nagsasanhi ng kirot habang ito ay lumalaki at nakukulangan sa pinagkukunan ng dugo. Dahil kulang na ang nutrisyon na pumupunta dito, ang myoma ay nagsisimulang mamatay.
Walang tiyak at natatanging lunas sa myoma, subalit maraming pagpipiliang mga gamot. Makipag-usap sa inyong doctor para sa lunas ng mga sintomas.
*Gonadotrophin-releasing hormone (GnRH) agonists. Ang mga gamot na ito ay linulunasan ang myoma sa pamamagitan ng pagpigil sa paggawa ng katawan ng estrogen at progesterone, at nilalagay ka sa pansamantalang postmenopausal na estado. Dahil dito, titigil muna ang iyong buwanang-daloy, lumiliit ang myoma at nag-iimprove ang anemia.
*Progestin-releasing Intrauterine Device (IUD). Ito ay nakakapigil sa malalakas na buwanang-daloy dulot ng myoma. Nababawasan ng IUD ang sintomas ngunit hindi nito napapaliit o napapawala ang myoma.
*Ibang mga medikasyon. Ang iyong doctor ay maaaring magrekomenda ng ibang medikasyon tulad ng oral contraceptives (OCPs) o progestins na tumutulong magkontrol sa napakalakas na pagdurugo ngunit hindi nila pinapaliit ang myoma. Maaari ring ibigay ang non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDS) tulad ng Ibuprofen na epektibo sa pagbawas ng sakit. Ang pag-inom ng Bitamina at Iron ay maaari ring irekomenda sa iyo kapag meron kang anemia at napakalakas na pagdurugo.
*Operasyon. Ang Hysterectomy ay ang pagtanggal ng buong matris kasama na rito ang mga tubo at obaryo. Kung wala ka nang planong magkaroon ng anak, ito ay epektibo; at dahil tanggalin na ang buong matris, hindi ka na makakaranas ng pagreregla o pagdurugo. Subalit dahil gumagawa ng mga hormone ang obaryo na tumutulong protektahan ka laban sa sakit sa puso at mahinang buto, pinakamahusay na hangga't maaari, huwag ito tanggalin. Makipag-usap sa doctor tungkol dito. Ang Myomectomy ay ang pagtanggal ng myoma. Ang bentahe ay naroon pa rin ang matris at maaari pa ring subukang magdalangtao. Subalit may maaari pa ring bumalik ang mga myoma. Bukod sa dalawang ito, may mga makabagong technique rin gaya ng Uterine Artery Embolization, Endometrial ablation, at iba pa.
Dahil hindi tumitigil ang pagsasaliksik ukol sa sanhi ng myoma, may maliit pa lamang na sayantipikong ebidensiya sa kung paano sila maiiwasan. Ang pag-iwas sa myoma ay maaaring mahirap, subalit maliit lamang na porsyento ng tumor na gawa nito ang nangangailangan ng lunas.
Importante sa kalusugan ng matris ang magandang sirkulasyon ng dugo, maayos na paggana ng mga nerbyo, kulani at tamang balanse ng mga nutrients at minerals. Kumain ng masustansiyang pagkain tulad ng isda, mani, gulay at prutas na mataas sa Omega-3, mabuting Kolesterol, Bitamina at Mineral. Regular na sumailalim sa mga karaniwang pagsusuri para sa kalusugan ng kababaihan tulad ng Pap Smear. Magpabakuna laban sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan.
BINABASA MO ANG
Health Tips Research
RandomAng Health Tips Resarch po ay makakatulong po sa inyo para karagdagang kaalaman tungkol sa ating kalusugan. Ito po ay tungkol sa mga dapat nating iwasan, gawin, o lunas nang ating karamdaman. Tiyak po na may matututunan kayo. Ni-research ko po ito...