KAALAMAN TUNGKOL SA VARICOSE VEINS O MGA NAKALITAW NA UGAT

401 9 3
                                    



             Varicose veins ang tawag sa mga nakalitaw, nakaumbok, at kulay asul o berde na ugat na kalimitang nakikita sa mga hita at binti. Minsan, ang mga ugat ay nakapilipit at litaw na litaw sa hita kahit pa nakatayo o nakaupo ang isang indibidwal. Wala namang seryosong kondisyon ang maaaring mag-ugat sa pagkakaroon nito, ngunit maaari pa ring makaranas ng sumusunod na sintomas kung sakaling magkaroon ng mga nakalitaw na ugat:

* Pangangawit o pananakit ng mga hita. 

*Namamanas na paa at hita.

* Mabilis na pamumulikat ng paa. 

*Pagbabago sa kulay ng balat sa binti at paa. 

*Mabilis na pagpapasa sa hita.


ANO ANG SANHI NG PAGKAKAROON NG MGA VARICOSE VEIN?


Ang mga nakalitaw na ugat o varicose vein ay nabubuo kapag ang isa o ilang mga valves sa mga ugat ay pumalya sa paggana. Ang mga valves ang nagsisilbing harang na pumipigil sa pag-agos pabalik ng dugo sa mga ugat. Sa pagpalya ng paggana ng valve, maaaring mapigilan ang tuloy-tuloy na pag-agos ng dugo at maipon ito sa isang bahagi lang ng ugat, at ang resulta, nakaumbok at kulay asul na mga ugat o varicose veins.


SINO ANG MAAARING MAGKAROON NG VARICOSE VEIN?


Ang posibilidad ng pagkakaroon ng varicose vein ay mas mataas kung sakaling dumadanas ng sumusunod na kondisyon:

Pagbubuntis. Mas tumataas ang posibilidad ng pagkakaroo ng varicose vein sa mga babaeng nagbubuntis. Ito'y sapagkat mas dumadami ang dugo sa pagbubuntis, habang nagbabago naman ang sirkulasyon ng dugo partikular sa mga hita.

Katandaan. Ang katandaan ay nagdudulot din ng mas mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng varicose vein. Sa panahong ito, nababawasan ang elastisidad ng mga ugat kung kaya't maaaring lumuwag at maipon ang dugo dito.

Sobrang timbang (overweight). Hindi rin malayong magkaroon ng varicose vein ang mga taong obese o overweight sapagkat mas nadadagdagan ng presyon sa pag-agos ng dugo at mas madaling masira ng mga valve ng ugat.


PAANO MAGAGAMOT O MAAALIS ANG VARICOSE VEIN?


            Dahil ang pagkakaroon ng varicose vein ay kadalasang wala namang seryosong epekto sa kalusugan, madalas ay binabalewala na lang ito at hindi na pinapagamot pa. Ngunit sa ilang pagkakataon, maaaring ito ay gustohin o kailanganing tanggalin. Kaugnay nito, may ilang medikal na pamamaraan na maaaring isagawa upang maalis ang mga nakalitaw na ugat gaya ng sumusunod:

Pagsusuot ng compression stockings. Ang pangunahing paraan na inirerekomenda ng mga doktor ay ang paggamit ng compression stockings upang maitama ang pag-agos ng dugo sa mga ugat sa hita.

Endothermal ablation. Ginagamit ang pamamaraan na ito upang painitan at masara ang mga napinsalang ugat.

Sclerotherapy. Tinuturukan ng espesyal na likido ang mga ugat na nakalitaw upang ito ay mawala.

Ligation and stripping. Nagsasagawa ng operasyon sa bahagi ng katawan upang alisin ang mga apektadong ugat.


PAANO MAIIWASAN ANG PAGKAKAROON NG VARICOSE VEINS?

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga nakalitaw na ugat, maaaring sunding ang mga sumusunod:

Iwasan ang pagtayo ng matagal na panahon. Hanggat maaari, kumilos matapos ang 30 minuto na pagkakatayo. Pagbibigay sa sarili ng sapat na oras ng pahinga. Maaaring ipatong at itaas ang paa upang mas mapadali ang pag-agos ng dugo. Regular na pag-eehersisyo. Matutulungan din ng regular na pag-eehersisyo ang kabuuang kalusugan ng puso at mga ugat na daluyan ng dugo.

Health Tips ResearchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon