“Ah! Nasaan ako? Bakit ako nandito? Ugh!” kaunti na lang at masisiraan na ako ng bait ngunit unti-unti’y sumilay ang ngiti sa mga labi ko, “okay na po, gag show ba 'to? May camera? 'Di man lang ako nakapaghanda! Sosyal ang fog effect, ha? Lumabas na po kayo, yuhoo!” inilibot ko ang paningin sa paligid. Ni isang tao ay wala akong makita. Puting-puti ang paligid. Pati nga suot ko ay puti rin at sa sobrang haba ng tabas ay hindi ko na mahanap ang kurba ng katawan ko. Nagsimula akong maglakad, baka sakaling may dumaang tricycle at puwede akong makisakay, tatanungin ko na rin kung nasaan ako.
“Ay, oo nga, eh, grabe ang pagkamatay ni Michael Jackson, 'no? Nakapasok na ba siya? 'Di man lang natin nakadaupang palad bago siya pumasok! 'Di man lang natin nasilayan!”
“Pati nga si Whitney Houston, eh, nakita ko siya pero hindi man lang ako nakapagpa-autograph! Ang dami kasing nakiusyoso noon, eh!”
Nakahinga ako ng maluwag nang sa hinaba-haba ng paglalakad ko ay may narinig na rin akong mga tinig na nag-uusap sa hindi kalayuan. Sinundan ko iyon hanggang sa makita ko ang dalawang babaeng nag-uusap. Nangunot na lang ang noo ko nang makitang magkakapareho ang mga suot naming damit.
Tumikhim ako para kunin ang atensyon nila. “Excuse me po.”
“Bakit?” sabay pa nilang tanong at salitan sa pagtingin sa akin mula ulo hanggang paa. Habang ginagawa nila iyon ay pinag-aralan ko na rin sila. Ang isa ay matangkad at payat habang ang isa nama’y maliit na mataba.
“Bago na naman, pang-ilan na ba siya?” sabi ng matabang babae.
“Aba’y ewan, ang dami na kasi, ilan na kaya ang nakapasok, 'no?” sagot naman ng payat na babae sa tanong ng kasama.
Tumikhim ulit ako dahil mukhang magchi-chismisan na naman sila, “nasaan po ako? Nasaan po tayo?” tanong ko.
“Nasa langit ka na, hija, pero hindi pa mismo sa kaharian, nasa boundary ka pa lamang ng buhay sa lupa at buhay sa langit,” paliwanag ng matabang babae na sinang-ayunan naman agad ng kasama niya.
Ngali-ngaling tanungin ko sila kung nag-i-intake ba sila ng ipinagbabawal na gamot. Nagkaroon tuloy ako ng ideya na maaaring nasa mental kami at ang damit namin ay uniform.
“Mare, hindi yata naniniwala, eh,” sabi ng payat na babae, “hija, dumiretso ka na lang kung hindi ka naniniwala. Si Peter na lang kausapin mo sa bagay na yan kung hindi ka naniniwala sa amin. Oh, mare, ano na, maganda ba si Whitney?”
Tinalikuran ko na sila. Nasa mental nga siguro ako at ang ‘Peter’ na sinasabi nila ay isang nurse. Kailangan kong ipaliwanag sa ‘Peter’ na iyon na hindi ako baliw. Hirap niyan at wala akong matandaan kung bakit ako naroon at kung ano ang ginagawa ko doon.
Dumiretso nga ako at nakakita ako ng pagkarami-raming pila sa harap ng napakataas na kulay gintong gate na may nakasulat na ‘Welcome to Heaven.’ “Nasa mental na nga ako,” nasapo ko ang noo ko. Ang mga pila ay pinaghihiwalay ng mga iba’t-ibang kulay ng tali at sa bawat tali ay may mga nakakabit na placards. Binasa ko iyon isa-isa, “line number 1: ‘Registration booth,’ line number 2: ‘Doorway to Heaven Express,’ line number 3: ‘Doorway to Hell Express,’ line number 4: ‘You Will Live,’ line number 5: ‘For Confirmation.’” Pakiramdam ko ay nahilo ako sa mga nabasa ko. “Bahala na,” nag-eenie-meenie-mini-mo ako kung anong kulay ng tali ang susundan ko at napagdesisyunan kong sa line number one ako pupunta.
“Miss, bawal ang sumingit,” ani ng isa lalaking linagpasan ko. “Doon ang dulo ng line number one,” itinuro pa niya ang tinutukoy niyang dulo ng pila.
Hindi na ako umangal. Baka bigla pa nila akong dambahin kapag nagsalita pa ako. Nakipila na lang ako.
“Heito Mayamanako, 35, dalawa ang asawa, anim ang anak sa una, tatlo sa pangalawa, businessman, Japanese,” narinig kong salaysay ng isang lalaki na nasa harapan nang malapit-lapit na ako, “anong dala mo?”
BINABASA MO ANG
Give Me a Reason to Live
Fantasy☛ℕℴ ℑℴ ℊℛaℳℳaℛ ℕaℨi☚ Jessie's body is in comma while her soul is searching for a reason for her to have her life back. Kailangan niyang gawin iyon bago ang unang patak ng ulan sa taong iyon. Ang unang taong makakakita sa kanya ang dapat magbigay sa...