Entry #4: Zone N'ya

241 7 9
                                    

ZONE N'YA


Mabagal na ipinaling ni Sonia ang kanyang ulo at isinandal sa katabing salamin na bintana. Pinagmasdan ang makulimlim na kalangitang nagbabadya ng pag-ulan.

Hanggang sa tumulo na nga ang pinakaunang patak. Galing sa kaulapan.

Kasabay no'n ay binuksan n'ya ang hawak na libro.

~~~

Walang ano-ano'y may biglang umagaw sa binabasa n'ya, na pinamagatang: "Lav op di Gengster". Napataas ang ulo ni Sonia pati maging ang kanang kilay n'ya at mapang-usig na tinignan ang pangahas na umagaw sa banal na libro.

"Stacey! Ibalik mo 'yan!" pakiusap ni Sonia. Tumayo s'ya at pilit na inabot ang libro. Kaso nabigo s'ya. 'Di hamak na mas matangkad si Stacey lalo pa at nakasuot ito ng high heels.

"Why would I? B*tch!" sagot nito. S'ya si Stacey, ang Campus Queen slash bully. Kapag nagsasalita s'ya ay laging magtatapos sa "b*tch".

Wala nang nagawa si Sonia. Lugi s'ya kay Stacey sa kahit na anong aspetong pisikal. Mula sa makinis na mukha, matangos na ilong, mahahabang pilik-mata, mapupulang labi, makurbang katawan- at higit sa lahat ay ang malulusog na pares ng... ng... katangian na hindi dapat ginagamit na deskripsyon para tukuyin ang isang babae.

Samakatuwid, s'ya ay kabaliktaran ni Stacey. Kabaliktaran ng pisikal na imaheng gusto n'ya. Buti na lang at hindi masama ang ugali n'ya, bulong ni Sonia sa sarili.

"Hey! Stop that, Stacey," isang makapal at mabigat na boses ang biglang sumabat. Napatingin si Sonia sa lalaking kadarating lang, naagaw na nito ang libro kay Stacey.

"B-brandon..." mahinang usal ni Sonia.

"Lav op di Gengster?" natatawang pahayag ni Brandon. "Seriously? Nagbabasa ka nito? E andito naman ako." Sinabayan n'ya iyon ng pagpapalatak ng dila pagkatapos ay ihinagis ang libro sa mesa ni Sonia. Nagtungo na s'ya sa upuan n'ya at ipinatong ang mga paa sa sariling mesa, like a cool guy.

Si Brandon ang kahulugan ng salitang "cool". Maraming tagahanga at tagasunod. Lahat ng gagawin, dapat cool tignan. Nagba-vandal s'ya sa likod ng classroom sa pamamagitan ng pagdura. Walang may alam kung ilang oras ang ginugugol n'ya kakadura, pero that is "Godlike coolness".

Napayuko na lang si Sonia sa mesa, pinipigil ang pagluha. Bakit ba hindi n'ya makuhang maging matapang gaya ni Brandon? Bakit ba hindi n'ya kayang ipagtanggol ang sarili? Ganito ang pumapasok sa isip ni Sonia at hindi n'ya n'ya namalayang nakaidlip na pala s'ya.

"Bes, gising." Naramdaman na lamang n'ya ang pares ng kamay na yumuyugyog sa kanya. Nang imulat n'ya ang kanyang mata ay nakita n'ya si Beth. Ang pinakamatalik n'yang kaibigan. Maasahan at laging nand'yan kung kailangan n'ya. Pwera kanina. Wala kanina si Beth nang binubully s'ya. Late kasi ito palagi. "Umiyak ka na naman ba?" dugtong nito.

"Nakakaiyak kasi 'yong binasa ko," palusot n'ya.

"Magpunas ka nga ng uhog mo, mamaya makita ka pa ni Cyrus na ganyan. Yak! Panget." Ganyan si Beth, concerned pero nang nang-aasar. Ultimate bestfriend. Nagpapalakas ng loob n'ya.

Hindi nga nagtagal ay dumating na rin si Cyrus. Ang kasintahan n'ya. Ang kasumpaan n'ya ng poreber. Ang balikat na pwede n'yang sandalan. Bisig na pwede n'yang kapitan. Likuran na pwedeng sundan. Katawan na pwedeng yakapin. Labi na pwedeng halikan. At leeg na pwedeng pagsubsuban ng kanyang mukha kapag naiiyak na s'ya.

"Malalim 'ata iniisip ng baby ko e," pagbati ni Cyrus.

"Bakit? Gaano ka ba kalalim? Ikaw lang nasa isip ko e," wala sa sariling sagot n'ya. Lutang pa rin s'ya sa kakaisip kung gaano s'ya kaswerte kay Cyrus. Na may Cyrus na dumating sa buhay n'ya.

Lumipas ang maghapon gaya ng isang tipikal na araw ng buhay estudyante. Alas kwatro ng hapon ay umiikot na ang pwetan nila kakahintay ng huling bell. Para sabay-sabay na silang mag-alisan. Ang mga katulad ni Stacey ay gi-gimmick. Ang mga katulad ni Brandon ay gagawa ng cool things gaya ng pag-ihi sa poste habang nakataas ang dalawang kamay at naka-rakenrol sign. Ang mga katulad ni Beth ay bubuntot sa besties nila at magpapaka-thirdwheel. Ang mga katulad ni Cyrus ay maghihintay sa dyowa nila sa rooftop, para romantic. At ang mga katulad ni Sonia ay masayang papanhik papunta sa rooftop.

Pero iba ang hapon na ito. Nang makaakyat si Sonia sa rooftop ay nakarinig s'ya ng bulungan, mabuti na lang at hindi pa n'ya nabubuksan ang pinto.

"Kailan mo ba s'ya iiwan?" bulong ni Beth.

"Hmm. Maghintay ka lang," pabulong na sagot ni Cyrus.

'Yon pa lang ang naririnig n'ya ay sapat na para madurog ang puso ni Sonia. Partida, hindi pa n'ya narinig ang malanding 'slurp' na tunog ng paghahalikan.

Hindi n'ya maintindihan kung bakit nagawa s'yang lokohin ng dalawang taong pinakapinagkakatiwalaan n'ya. Dahil ba mahina s'ya?

Marahil...

Marahil nga...

"P'wes." Napangiti ng mapait si Sonia. Panahon na para maging matapang s'ya. Binuksan n'ya ang pinto na ikinagulat naman ng dalawa. Lumapit s'ya at binigyan ng tig-isang sampal ang mga ito. Hindi s'ya nagsalita at basta naglakad na palayo. Hindi s'ya lumingon. Wala na s'yang dahilan para lumingon.

Nang makababa na s'ya ay nakasalubong naman n'ya si Stacey, nakataas pa rin ang isang kilay nito. Ni isang beses hindi pa n'ya nakitang kumalma ang kilay nito.

"Crying again?" reklamo nito. "So annoying, b*tch!" Akma na sana itong sasampal. Gan'yan kasi s'ya, mananampal na lang bigla. Ngunit nahawakan ni Sonia ang kamay ni Stacey, at ginamit ito para isampal sa sariling pagmumukha nito. "You b*tch!" nagulantang na sigaw ni Stacey.

"Wala akong panahon sa'yo," matalim na tugon ni Sonia. "Maglaho ka na," bulong n'ya.

At naglaho nga si Stacey.

Lumingon-lingon si Sonia sa paligid. Talaga ngang nawalang parang bula si Stacey. Si Stacey na sumasalamin sa kanyang insecurities. Sa mga katangian na hiniling n'yang mayroon s'ya. At kung bakit masama ang ugali nito ay para kahit papaano maiparamdam sa kanya na hindi pa rin basehan ang pisikal na anyo- mas mahalaga ang katauhan. Pero pambawi na lang 'yon. Para kahit kaunti ay maibsan ang insecurities n'ya.

Sa paglingon pa n'ya ulit ay nahagip ng kanyang paningin si Brandon. Sa isang kisap-mata, naglaho din ito. Si Brandon na sumisimbolo sa kagustuhan n'yang maging matapang. Malaya. May kakayahang tumayo sa sariling mga paa at kayang harapin ang kalalabasan ng mga pagpapasya.

"Babe! Wait!" sigaw ni Cyrus habang humahabol. Nakabuntot sa kanya si Beth. "Let me explain!"

Napasinghap si Sonia. Ikinuyom ang mga kamao at hinarap ang mga ito. Saglit na nagtagpo ang kanilang mga mata ngunit gaya ng inaasahan ay naglaho rin sila. Sila na simbolo ng nga taong gusto n'yang maging parte ng buhay n'ya. Dadamayan s'ya. Mamahalin s'ya.

Magtuturo sa kanya ng mahahalagang aral tulad ng pagtitiwala. Na kahit sino, kahit gaano kalapit sa iyo ay hindi palaging kakampi.

Si Stacey.

Si Brandon.

Si Beth.

Si Cyrus.

Bawat isa ay kapiraso ng katauhan na gustong makamit ni Sonia. Sa mundong 'to, isang iglap maaari s'yang maging matapang, may kasangga, may kaibigan. Sa isang iglap, maaari s'yang magpanggap.

Kung sa reyalidad ay kailangan n'yang maging totoo- sa piksyunal na mundo, malaya s'yang hindi maging s'ya.

~~~

Mabagal na ipinaling ni Sonia ang kanyang ulo at isinandal sa katabing salamin na bintana. Pinagmasdan ang makulimlim na kalangitang nagbabadya ng pag-ulan.

Hanggang sa tumulo na nga ang pinakaunang patak. Galing sa mga mata n'ya.

Kasabay no'n ay isinara n'ya ang hawak na libro.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon