SA PAGITAN NG AKO AT SILA
Sa pagitan ng ako at sila
sana may makakita't makadama
na sa kabila ng tapang at sigla
may damdamin at katawang nagdurusa
- 6/23/2017, huling sulat sa Filipino notebook ni Jella
---
GRADE 12. Pagkatapos ng taong 'to tapos na 'ko sa sekundarya. Hindi na 'ko miembro ng PAL, hindi na basta aasa kahit kanino. Makakapagtrabaho na 'ko para sa sarili ko at 'pag nagkatrabaho na 'ko, makakaalis na 'ko sa impyernong bahay na 'to at hindi ko na makakasama ang mga kamag-anak ni nanay, ang tiyahin ko't pamilya niyang araw-araw pinamumukha sa 'king isa 'kong pabigat, loser. Dahil lang 'yong magaling kong tatay, matapos mabuntis ang nanay ko, nawalang parang bula. At si nanay?
"Hah! 'Kala niya 'di s'ya mapupuruhan. O 'di natuluyan s'ya," sabi ni Tiya. Sinegundahan naman iyon ng asawa niya.
"E wala naman talaga 'yang pakelam mapuruhan man siya o hindi. At kundi ba naman anak ng katanga-tangahang tanga, magpapakamatay lang dahil pa sa tomboy. At ang akala ko pa naman tomboy ang kapit-tuko sa babae. Hoy ikaw, Jella! 'Wag kang gagaya sa ina mo, ha. Tangna, ganda-ganda mo. Maganda ka pa sa nanay mo, baka magpakatanga ka rin. Utak, utak," dutdot ni Tiyo sa tabi ng aking ulo. "Hindi 'yang tangang puso ang paiiralin. Kung lalandi ka siguruhin mong payayamanin ka. At simulan mo na. Para may pakinabang naman kami sa'yo."
BANG!
Isang tama muli ng bala sa gitna ng sentido ng tiyohin ko sa 'king isip. Ilang beses ko na siyang pinatay sa isip ko pero hindi pa rin siya mamatay-matay. Maysa demonyo talaga at hindi tablan ng matimtimang sumpa.
Muli akong humarap sa kabaong ng aking ina. Siya naman ang kinausap ko sa 'king isip. Alam kong nakikinig ang kaluluwa niya.
"'Nay, ano bang pakiramdam? Ano bang pakiramdam na magmahal at mahalin? Ang pagsawaang mahalin? Anong pakiramdam ng masaktan? Tapos tatawaging tanga na parang wala kang karapatang masaktan. Kung walang kwenta 'yong nakasakit sa'yo, bakit ka umabot sa ganyan? Masaya ka na ba ngayon? Masaya ka na ba ha? Tst."
Tinalikuran ko si nanay at umakyat na ko sa aming silid. Kahit kailan, ang hirap sikmuraing tignan ni nanay. Wala kasi siyang alam. Kaya siya na-ano lang at iniwan ng Papa. Sabi ni Tiya, abogado raw ang tatay ko. Siguradong sa kanya 'ko nagmana kaya kahit pahirap ang lugar na 'to sa buhay ko, lagi pa rin akong kabilang sa top sa klase. Kailangan e. Passes ko 'yon paalis. Kaso nakakasawa rin. Lalo ngayon, 'yong gusto kong pag-alayan ng tagumpay ko, sumuko na sa buhay.
Sa 'king silid, muli kong nakita si nanay. Si nanay na paulit-ulit na tumatangis sa tabi ng aming kama, isa na lang mapait na alaala. Mapait no'ng buhay. Mapait pa rin no'ng namatay. Malas. Pero buti na lang wala na siya. Kahit papa'no tahimik na. Isa pa, ayokong mahawa sa kanya. Paulit-ulit na naloko ng lalaki kaya sa tomboy na bumaling. Para raw sa 'min 'yon. Para mabuhay kaming maalwan. Eh bakit siya patay ngayon?
Pumasok ako sa banyo, binuksan ang cabinet, kinuha ang leg shaver. Binali ko ang kamay ko upang maging prominente ang palapulsuhan. Itinutok ko ro'n ang blade.
Biglang bumukas ang pinto. Naabutan ako ni Tiya sa ganoong posisyon. Mabilis niyang inagaw sa akin ang blade at malakas akong sinampal sa mukha. Naalog yata ang utak ko sa lakas. Ilang neurons ko na naman kaya ang namatay sa hataw niya?
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams