Entry #3: Takipsilim

126 2 8
                                    

TAKIPSILIM


Sa puntong iminulat ko ang aking mga mata nalaman ko na nasa ibang lugar ako. Wala ako sa silid na pinagkulungan ng aking kaklase na binata na tanging galit ang alam na binibigay sa akin. Ang huling naalala ko'y kaharap ko ang salamin, pinagmamasdan ang namumutla kong mukha. 'Di ko alam kung panaginip nga ba ang lahat o isang nabuong reyalidad na para sa akin lamang.

Ang kisame sa aking taas ay nababalot sa dumi. Samantalang dahil sa aking pagkahiga ang lamig ng sahig ay nanunuot sa aking likuran. Ako'y napabangon ng upo para lang magtaka sa aking kabuuang itsura. Suot ko parin ang uniporme ngunit may bahid ito ng dugo sa harapan. Kiniskis ko ang aking mga palad sa aking braso upang kahit kaunti ay matanggal ang lamig na aking nararamdaman.

Pader ang nasa aking kaliwa, kanan at likod. Natutuklap ang pinturang namilog sa katagalan ng panahon. Wala akong madadaanan palabas kundi ang mahabang pasilyo sa aking harapan. Sa aking pagtayo ay isinangga ko ang aking kamay sa aking mukha sa pag-aakalang puputok ang umiindap-indap na fluorescent bulb sa bandang uluhan ko. Nakahinga ako ng malalim nang tumigil sa pag-indap ang naturang ilaw.

Pinagmasdan kong maigi ang hallway. Hindi abot ng aking mata ang dulo nito. Naisip ko kung paano ako makakalabas sa lugar na iyon. Hindi ko rin alam kung paano ako napunta roon. Sa kabila ng pagkabagabag nagsimula akong humakbang. Kahit isang pinto ay wala ang pasilyo kaya lalo kong binilisan ang aking paglalakad. Unti-unti akong nababalutan ng takot lalo pa nang makarinig ako ng ungol na tila nagbabadya ng kapahamakan.

Nang hindi ako makuntento sa paglalakad,tumakbo na ako. Nakalayo na ako sa dulong pinanggalingan ko pero hindi ko parin nararating ang katapusan ng pasilyo. Tumigil lang ako sa pagtakbo nang makaramdam ako ng hingal. Habang namamahinga'y nakakita ako ng nabubulok na pintuan sa gilid ng pasilyo na hindi abot ng ilaw. Wala ilaw kung saan naroon ang pintuan. Nagbalik ang pag-asa sa akin na makakalabas ako kung kaya't agad akong lumapit dito.

Huminga ako ng malalim bago ko binuksan ang pinto kasi naisip ko rin na baka kung ano ang nag-aantay sa akin sa kabila. Pagkahawak ko sa kinakalawang na doorknob nanlamig ang buo kong katawan. Ngunit nakuha ko paring buksan pinto. Pagkabukas ko'y agad din akong lumabas sa pag-aakalang makakabalik na ako sa silid na pinagdalhan sa akin. Ang pag-aakalang iyon ay napalitan ng pagtataka sa aking paghakbang. Nakatapak ako ng kung anong matigas kung kaya't tiningnan ko ito. Nalaman ko na lang ng kalansay ng tao ang natapakan ko na nababalot ng pulang likido.

Sa pananatili kong nakatayo ay unti-unting lumulubog ang aking mga paa sa dagat ng mga kalansay ng tao na nahaluan ng dugo. Lumingon ako sa aking likuran para muling pumasok sa pinto. Tanging pinto lang ang naroon, walang pader o ano pa mang dingding na kinakabitan ng pinto. Nakatayo lang talaga ang pintuan. Sa kasamaang palad kusang nagsara ang pinto at naglaho ito katulad ng nasusunog na papel.

Lumingon ako sa aking paligid para malaman kung may lugar akong matatakbuhan upang makatakas sa paglamon ng dagat ng kalansay sa akin. Wala akong nakitang mataas na lugar maliban sa isang burol sa hindi kalayuan. May nakatayong mayabong na puno sa gitna ng tuktok ng burol. Ang mga dahon pa nito'y tila umiilaw sa liwanag ng buwan na nagmumula sa kalangitan. Sinimulan kong baktasin ang dagat ng kalansay. Ang mga tala sa gabing langit ay naging saksi sa aking pagbuno sa mga kalansay. Sa aking paghakbang naman ay hindi gaanong lumulubog ang aking mga paa kaya't nakakausad ako.

Hindi rin nagtagal ay nakarating ako sa paanan ng burol. Maganda ang pagkatubo ng damo sa burol, pinong-pino at pantay . Tumayo ako ng maayos at pinagmasdan ko ang sarili ko na tila pinintahan ng dugo. Kung iisipin ay nakasuot ako ng pulang damit ngunit purong dugo iyon. Ang hindi lang gaanong natalsikan ay ang aking mukha. Natigil ako sa pagsusuri sa aking sarili nang mapansin kong may nakatayong lalake sa ilalim ng mayabong na puno.

Lumapit ako rito para malaman ko kung sino siya at para narin matulungan akong makaalis sa lugar na iyon. Sa paglapit ko rito'y kumabog ang aking dibdib. Paano ba naman kasi'y may nakikita akong pakpak sa kanyang likuran katulad sa isang paniki. Nakatiklop ang pakpak kaya hindi ko makita kung gaano kalapad. Huminto ako nang winasiwas niya sa ere ang kanyang buntot. Hindi ko naman mamukhaan ang lalake sapagkat nakatago siya lilim.

"Lumapit ka. Wala akong gagawin sa'yong masama," sabi nito na nagpanginig sa aking tuhod. Ang boses niya'y nakakatakot, malalim at buong-buo. Kasing katunog ng tinig ng lalake ang binatang kinamumunghian ko. Napalunok ako ng laway lalo pa ng titigan ako ng kanyang matang namumula. Oo, pulang-pula ang kanyang mata.

"Hindi. Dito lang ako. 'Di kita kilala," sabi ko rito na ikinangisi nito kaya kita ang mapuputi niyang ngipin.

"Kaya nga dapat lumapit ka sa akin para makilala mo ako," wika niya na tila nang-aakit.

Inisip ko kung dapat ba akong lumapit sa kanya. Sa huli ang desisyon ko ay 'wag na dahil ang sabi ng aking isipan ay mas delikado ang madikit sa kanya. "Aalis na ako," ang sabi ko na lang kahit hindi ko alam kung saan pupunta sapagkat wala namang ibang lugar na matatakbuhan sa paligid.

"Dito ka lang," ang mariin niyang saad na tila nagsasabing huwag ko siyang suwayin.

Hindi ko na siya sinagot at siya'y aking tinalikuran para balikan ang pinto na nilabasan ko. Baka magbalik ang pinto kaya papasok ako ulit kung sakali. Ngunit hindi ako nakatuloy nang may pumulupot sa aking beywang. Ang buntot ng lalake ang kumapit sa aking katawan.

Napasigaw na lamang ako ng hilahin niya ako sa pamamagitan ng kanyang buntot. Para lang akong papel na nadala ng hangin. Idinikit niya ako sa kanyang katawan kaya ramdam ko ang init na nagmumula sa kanya. Pantay lang ang taas naming dalawa.

"Bitiwan mo ako. Pakawalan mo ako. Kailangan kong umuwi," protesta ko rito. Sinalubong ko ang mga pula niyang mata na nasa mga oras na iyon ay hindi naman nakakatakot sa akin.

"Sandali lang tayo rito. Makakauwi ka rin." Dahil malapit na ako sa kanya pati hininga niya'y naamoy ko. Hindi naman mabaho ngunit hindi rin mabango. Mainit pa ang kanyang hininga katulad ng kanyang katawan na para bagang may tinatago siyang baga ng apoy sa lalamunan.

Dahil sinabi niya'y nagkaroon ako ng pag-asang makauwi na naglaho rin naman na parang bula. "Ikaw ba ang nagdala sa akin dito?" ang tanong ko sa kanya. Pinatong ko ang aking kamay sa matigas niyang dibdib. Sinubukan ko siyang itulak ngunit nawawala ang lakas ko sa taglay niyang lakas. Magaspang ang dibdib niya katulad ng kanyang mga kamay na ngayon ay pinulupot niya sa aking beywang.

Sa pagihip ng hangin sa mga dahon ng puno'y tumama ang sinag ng buwan sa kabuuan ng kaniyang mukha. Dahil dito'y nakilala ko siya, ang mukha niya'y ang mukha ng taong pinakakatakutan ko. Ang taong walang magawa kundi pagtripan ako sa bawat araw na dumaan. Ang binatang sa kabila ng pananakit sa akin ay napiling nagustuhan ng pihikan kong puso. Ito ang naging dahilan kung bakit nagagalit ako sa sarili ko.

Pinilit kong kumawala pero lalo lamang humigpit ang kapit niya sa akin. Tumawa pa siya ng malakas na nagpangatog sa aking tuhod.

Sa unti-unting pagkawala ng tawa mula sa kaniyang lalamunan, ang paligid ay nagbabago at nabalot ng kadiliman. Ang mga kamay at buntot ng binatang pumipigil sa akin ay naglaho. Matapos nito'y wala akong nakikitang ano mang kaunting liwanag.

Tumakas ang malakas na sigaw sa akin nang may humila sa aking mga paa dahilan upang ako'y mahulog sa kadiliman. Inantay kong tumama ang aking likod sa lupa ngunti hindi naman nangyari. Pakiramdam ko'y habang buhay akong nahuhulog. Nasabi ko tuloy sa aking sarili na mas mabuting ganoon kaysa naman pasakit lang ang nakukuha ko. Sa huli'y pinikit ko ang aking mata't tinanggap ang kalagayan.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon