Entry #8: Alaala

125 2 7
                                    

ALAALA


"Kate, congrats! Ikaw na naman ang best employee of the year. Ang galing mo talaga."

"Salamat, Kyrie. Para 'to sa mga taong minaliit at nagpahirap sa akin," turan ko sabay tawa ng pilit.

"Kate naman! Kalimutan mo na 'yon. Hindi pa ba sapat na marami sa kanila ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral? Meron pa ngang mga nabuntis kaagad, nakabuntis at nagtitinda lang sa palengke."

"Masaya naman ako sa buhay ko, pero gusto ko pa ring mas lalong umangat at ipamukha sa kanila na malayong-malayo na ang narating ko. Habang sila... nahihirapan."

"Oops, joke lang!" Pahabol ko pa.

"Hay naku, Kate! Maiwan na nga muna kita."

Masaya naman talaga ako. Kontento sa buhay ko. Gusto ko lang naman na umangat, a?

Pero sino ba ang niloloko ko? Alam kong malaking parte talaga ng buhay ko ang high school life ko. Dahil hanggang ngayon, ramdam ko pa rin ang sakit, rinig ko pa rin ang mga tawa nila at naaalala ko pa rin ang pait ng kahapon.

**

Paano nga ba nagsimula ang lahat? Sa pag-graduate ko ba sa elementarya? Sa pagpasok ko ba ng sekondarya o simula pa noong bata pa ako?

Tawagin sa kung ano-anong pangalan? Hindi isali sa laro? Pag-usapan?

Bata pa lang ako, tinutukso na ako pero matibay ako. Hindi ako umiiyak, hindi ako nagpapaapi hanggang sa nalipat ako ng paaralan at nagsimulang magdalaga.

"Mona-mona! Mukha kang Mona lisa!"

"Walang kilay!"

"Lapad ng noo. P'wedeng pag-landing-an ng eroplano!"

"Alien oh! Lumulutang!"

"Si Kakay 'yan! Kore-korekok!"

"Bagay kayo ni Kabalaw. Gagandang lahi!"

Tiniis ko 'yon. Nasubukan ko rin namang gumanti at lumaban pero mas lalo lang nila akong pinagdiskitahan.

"Oy 'wag n'yo ngang binu-bully si Kate. Hahaha!"

"Oy bakit nagbago ka na? Hindi ka naman namin inaano, a?"

"Nagkakatuwaan lang naman tayo. Kill joy nito."

"Ma'am, si Mona-mona, napaka-ingay."

Sabi ng kaibigan ko, habang pinapansin ko sila ay mas lalo lang nila akong pagdidiskitahan.

Pero hindi kalaunan ay pati gamit ko ay tinatago na. Tinatapunan ng kalat at kung ano-ano pa, kinukuhanan ng ballpen o kung anong wala sila.

Inuunahan din nila akong magsumbong sa aming guro na wala namang pakialam at may favoritism pa. Kahit naman magsumbong ako ay wala lang.

Minsan nga ay kahit guro ay 'di nirerespeto. Basta nakakabayad ka o higit pa sa paaralan ay wala kang problema.

Dumating din sa panahon na nakikipagpisikalan na ako. Lumaban ako at pinanood lang ng nakakarami. Hanggang sa napagod na lang ako dahil sa huli ay talo pa rin ako. Talunan pa rin ako at walang kakampi.

Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang paulit-ulit na kalbaryo sa aking pag-aaral.

Hindi ko alam kung ilang beses ko nang naririnig ang mga salita, kantyaw o pagkanta nila sa tawag nila sa akin.

Hindi ko alam kung bakit hindi ako p'wedeng maging masaya.

Hindi ko alam kung bakit kasali ako sa mga estudyanteng napagtitripan.

Dapat ba kapag pumapasok ka sa paaralan ay perpekto ka? Dapat ba ay lagi kang nakaayon sa gusto ng nakakarami? Dapat din bang mam-bully ka para maging masaya?

Alam kong sa bawat ngiti, tawa, iyak o kahit anong emosyon pa ay may natatagong damdamin. Iba-ibang karanasan sa paglabas ng paaralan pero dapat bang madamay ang iba sa problema o nararamdaman mo?

Simpleng estudyante lang ako. Nasa isang pribadong paaralan ngunit palaging kapos. Hindi nakakakumpleto ng libro, hindi nakakabayad ng tuition fee madalas, at kapos sa baon. Hindi rin ako pala-ayos. Sapat na sa aking nakakasuklay ng buhok isang beses matapos maligo. Pulbos lang ay okay na. Marunong din akong makipagkaibigan. Masipag akong mag-aral pero unti-unti nawala ang hilig ko sa pag-aaral. Nawalan ako ng gana na halos dalawang beses sa isang linggo ay lumiliban ako at palaging nag-iisip ng dahilan kung paano hindi makakapasok.

Ang hirap gumising sa araw-araw at pumasok ng walang natututunan.

Na walang pumapasok sa utak mo dahil may bumubulong sa gilid-gilid mo. Na alam mong pinag-uusapan at pinagtatawanan ka.

Na mabait lang sila sa 'yo kapag may kailangan sila.

Minsan ay naisip kong lumipat na lang ng paaralan o huminto na lang. Pero naisip ko ring wala akong patutunguhan.

Dumating ang araw na sobra na akong nahihipan. Napagod na ako sa pang-araw-araw na buhay. Maging sa aming tahanan ay magulo. Puro sigawan at bangayan. Bisyo at pera ang pinag-aawayan. Kaya Ninais ko na lang na wakasan ang buhay ko.

Sinubukan ko... ginawa ko... pero hindi ko tinapos. Nagdasal at humingi ng tawad. Nangarap akong muli at ninais na makamit ang pangarap na ngayo'y patuloy kong tinutupad.

Nagsikap ako at nagtiis dahil sabi ko noon, "Makakatapos din ako ng sekondarya at makakaalis sa lugar na 'to."

Pero malaking epekto sa aking pagkatao ang nakaraan ko.

Ang pakiramdam na mahina ka at walang kakayahan...

Ang pakiramdam na hindi mo kayang magsalita sa maraming tao.

Na bawat galaw mo ay pagtatawanan ka.

Na madali kang magkakamali at panghinaan na ng loob.

Sa bawat desisyon at sa mga taong nakakaharap ko ay may takot pa rin. Takot akong bumaba sa posisyong mayroon ako...

Sa buhay ko ngayon.

Natatakot akong dumating sa araw na maging magkalebel na naman kami ng mga taong minsang nagpahirap sa aking kabataan.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon