FROSTY
PATULOY ang paglagaslas ng tubig sa buo kong katawan. Kasabay nito ay ang unti-unting pagpatak ng mumunting luha sa aking mga mata. Ang kanina'y dahan-dahan kong paghaplos sa aking balat ay napalitan nang marahas at mabilis na paghagod dito; naghahangad na sumabay sa agos ng tubig ang lahat ng dumi na bumabalot sa aking pagkatao.
"Oy, Ineng! 'Di ka pa ba tapos diyan?" Napapitlag ako dahil sa isang malaking boses ng matandang lalaki. Sinabayan pa ito ng ilang mahihinang mga katok na nagmumula sa labas.
Hindi ako mapakali, hindi ko alam ang dapat kong gawin. Takot at pandidiri ang namayani sa aking kalooban. "P-patapos na po ako. S-sandali lang."
Mabilis kong kinuha ang isang puting tuwalya na nakasabit sa seradura ng pinto. Ginamit ko itong pamunas sa basa't mahaba kong buhok pati na rin sa iba't ibang parte ng aking katawan. Pagkatapos ay saka ko ito itinapis sa aking kahubdan.
Nang lumabas ako mula sa banyo ay nakita ko siyang nakaupo sa ibabaw ng kama. Malagkit ang tingin nito, nakakikilabot. Tila isang demonyong handang gumawa ng masama.
"Ang sarap mo, Iha. Hindi ako nagsisisi na ikaw ang napili ko. Mabango at batang-bata. Ngayon lang ulit ako nakatikim ng kagaya mo. Sa tingin ko, magiging magkaibigan tayo," sambit nito at saka ngumisi. Hindi ko lubos maisip na nagpaggamit ako sa isang katulad niya.
Ayoko na. Hindi ko na kaya.
Kabado akong sumagot sa kaniya. "W-wala na. Tapos na. Uuwi na rin ako pagkatapos na p-pagkatapos kong magbihis."
Nag-iba ang timpla ng mukha nito. Bigla na lamang itong naglabas ng pera sa loob ng kaniyang pitaka at walang pakundangan niya itong inihagis sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksyon. Nanatili lamang akong nakatayo roon.
Sa huli, yumuko ako't pilit na kinuha ang dalawang limang daan sa sahig na bunga ng isang milagrong nagawa ko kasama siya. Wala naman akong ibang pagpipilian kundi ang mag-astang kaawa-awa sa harapan niya----- nila.
Gustuhin ko mang kumawala sa hawla, ngunit hindi pa nararapat.
Dahil ito ang totoo, isa lamang akong hamak na ibon na mababa ang lipad.
***
"PAGBILAN naman po ng frosty. Iyong palagi ko pong binibiling kulay ah," magiliw kong sambit kay Aling Sita; may-ari ng isang tindahan sa harap ng aming paaralan.
Pailing-iling itong lumapit sa pridyider, binuksan ito, at kumuha ng isang dilaw na frosty na tatlong piso lamang ang halaga."Pagsumakit na naman ang tiyan mo d'yan wala na akong magagawa ah? Pinagsasabihan naman kita na kumain ka muna ng tanghalian pero ito ang binibili mo. Hay naku, bata ka."
"Aling Sita, alam niyo namang hindi ako nakatitiis na hindi bumibili ng frosty. Isa pa---."
"Naku, nagpapalusot pa 'tong si Monina. Ba't 'di mo na lang agad sabihin na wala kang pera? Hahaha." Napalingon ako sa aking likuran dahil sa biglaang pagsabat ng kaklase ko na si Jenna. Kasama niya ang kaniyang mga kaibigan na animo'y naghihintay sa magiging tugon ko. Hindi na bago sa 'kin 'to dahil sa tuwing papasok ako ay puro pambubuska nila ang naririnig ko.
Nagsalita pa ang isa sa kanila. "Kawawa ka naman. Hayskul ka na pero ni pambili ng lunch ay wala ka. Buti pa 'ko, binibigyan ako ng pera ng mga magulang ko. Eh, ikaw? May tatlong piso na napulot lang sa kanal? Hahaha," tatawa-tawang wika nito na sinabayan pa ng mga kasama niya. Gano'n ba talaga 'yon? Masaya naman ako kahit minsan ay wala akong baon.
"Huminto ka na lang kasi sa pag-aaral at saka ka magtrabaho. Ang mahalaga, makatutulong ka na sa pamilya mo, hindi ka pa magiging pabigat sa kanila."
"Oo nga. 'Wag puro sarili mo ang isipin mo, Monina. Makasarili ka masyado."
Hindi ako sumagot. Sa halip, mabilis kong iniabot ang hawak kong barya kay Aling Sita at saka ko kinuha ang frosty na binili ko sa kaniya. Narinig ko pang pinangaralan ni Aling Sita ang mga ito bago ako tuluyang makaalis.
"ATE! Kanina ka pa hinahanap sa 'kin ni Nanay! 'Di ba sabi niya kanina ay samahan mo siyang maglaba kina Tiyo Lucas nang mabilis siyang makatapos? Parating na 'yon, ate. Baka mapagalitan ka na naman," nababahalang sambit ng aking kapatid pagkauwi ko galing sa eskwela. Bukod sa gusto ni Nanay na mapabilis ang kaniyang trabaho, gusto rin niya na makapaglaba kami ulit sa iba pang kabahayan pandagdag sa pambili ng gamot ni Tatay. Hindi na kasi ito makapagtrabaho dahil sa nai-stroke ito dalawang taon na ang nakalilipas. Dahil sa kapos kami sa pera, hindi namin nagawang ipa-theraphy si Tatay na naging bunga ng pagiging baldado niya hanggang sa ngayon. Tulong-tulong na lamang kami sa araw-araw na pag-aasikaso sa kaniya.
Napahawak ako sa aking sentido. "Patay na naman ako nito."
Walang ano-ano'y biglang dumating si Nanay. May kasama itong magandang babae na ngayon ko lamang nakita. Puno ng kolorete ang mukha nito at nakasuot ng isang pulang bestida na halatang may kamahalan ang halaga. Sa 'di ko malamang dahilan, nakangiti kaming sinalubong ni Nanay. Napakunot ang aking noo.
"Mga anak, may ipakikilala nga pala ako sa inyo. Si Tanya. Siya 'yong nagpadala ng isang kabang bigas no'ng nakaraang buwan. Isang mabuting kaibigan," anito.
"Ito naman pala ang mga anak ko, sina Monina at Lira. Itong panganay ang nai-kwento ko sa iyo," dugtong pa nito sabay hawak sa aking buhok.
Mataman itong tumingin na wari'y ako'y sinusuri. Tumango-tango ito at saka pasimpleng bumulong kay Nanay.
"Mga anak, uuwi na muna si Tanya sa kanila. Baka abutan pa siya ng gabi kung magtatagal pa siya dito. Lira, ihain mo naman itong dala-dala kong pagkain sa mesa para sa hapunan at ihahatid ko pa itong si Tanya sa sakayan."
MALALIM na ang gabi nang maramdaman kong may kumakalabit sa aking likuran. Pupungas-pungas akong lumingon at napansin kong gising pa si Nanay.
"O-oh 'Nay? Bakit? Ano pong kailangan ninyo?"
"Monina, may sasabihin ako sa iyo," sandali itong huminto.
"Kaya pumunta dito kanina si Tanya ay para makita ka. N-nakipag kasundo ako s-sa kaniya na isama ka sa Maynila dahil kulang sila ng katulong n-ngayon doon. Naisipan ko na malaking oportunidad ito para maipagamot natin ang tatay mo." Nagtataka akong tumingin sa kaniya. Butil-butil ang tulo ng pawis nito na umaabot hanggang sa kaniyang mukha.
"Pero 'Nay, paano na ang pag-aaral ko? Paano na kayo rito? Ayokong huminto sa pag-aaral, 'Nay. Ayoko."
"Anak, wala na 'kong magagawa. Buo na ang desisyon ko. Sa isang linggo, babalik si Tanya rito para sunduin ka. Sasamahan ka niya papunta sa amo ninyo."
Sa liwanag ng buwan na nanggagaling sa bukas na bintana ay naaninag ko ang luhang unti-unting tumutulo sa mga mata ni Nanay. Hindi ko rin napigilan ang sarili kong emosyon at bigla na lamang akong napayakap sa kaniya.
"Isipin mo na gagawin mo ang bagay na 'to para sa tatay mo. Walang mali sa taong walang salapi, Monina."
***
KINUHA ng lalaki ang sarili niyang tuwalya na nasa kaniyang tabi at saka ito pumasok sa loob ng banyo. Nag-iwan pa ito ng ilang nakatatakot na tingin at padabog na isinara ang pinto. Agad ko namang dinampot ang nakakalat kong saplot sa sahig saka ko ito mabilis na isinuot. Hindi ko na tiningnan pa ang itsura ko sa salamin bagkus ay lumabas na ako sa mala-impyernong lugar na iyon.
Paglabas ko ay naabutan kong naglalakad papunta sa gawi ko si Tanya. Nang makalapit ito, walang pag-aatubili kong iniabot sa kaniya ang isang limang daang piso at saka ko siya dali-daling tinalikuran.
Paalis na sana ako nang magsalita ito at humawak sa aking braso. "Monina, ayusin mo ang sarili mo. May panibago kang kostumer na naghihintay sa labas."
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams