PROTIST
Hindi pa man tumitilaok ang tandang ng kapit-bahay nila'y nakaalis na ng kanilang barung-barong si Ada.
Suot-suot ang nabiling uniporme ng kaniyang ina na pinaglumaan na ng anak ng kapit-bahay nila't tila ba'y hinahabol pa ng plantsa, at isang pares ng gomang sapatos na gamit pa niya pamula noong huling baitang niya sa elementarya.
Nagmamadali niyang binagtas ang kahabaan ng tulay para makarating sa pinakamalapit na terminal ng traysikel.
Kung pagbabasehan ang pisikal ay wala naman talagang makapapansin Kay Ada. Ordinaryong mag-aaral ng mataas na paaralan sa kabilang baryo.
Sumakay siya sa bakrayd ng traysikel.
Kita sa mata ng katabi niya ang panunuri nito. Mga matang nanunuya't nakakunot na noo. Hindi man sabihin ng katabi niya'y alam na niya ang nais ipahiwatig nito.
Mabilis ang kaniyang lakad, pilit nilalagpasan at inuungusan ang mga mababagal na nasa unahan.
Agad siyang nakarating sa kanilang silid. Tamang-tama at siya pa lamang ang nandito. Gaya ng nakagawian at nagsimula na siyang magpunas ng naputikang sapatos gamit ang basahang nabibili sa may terminal.
Plinantsa ni Ada ang suot, gamit ang sariling mga kamay. Kita niya ang kaniyang mga daliring litaw ang mga kulay itim na linya. Kinutkot niya ito isa-isa. Hindi ito maaaring makita ng guro nila sa Agham. Masyado itong istrikto pagdating sa kalinisan. Bagaman at mga dalagita't binatilyo na ang mga estudyante nito'y hilig pa rin ang pamamahiya.
At higit pa sa nanlilisik na mata ng kaniyang guro tuwing makikita siya, at ng mga kaklase niyang kinaiinggitan niya, ay ang lalaking nagugustuhan niya. Si Andoy.
Maya-maya pa'y nagsidatingan na ang kaniyang mga kamag-aral. Pare-pareho itong panay ang ngisi sa kaniya dahil panigurado, siyento porsiyentong mapapagalitan na naman siya ni Miss Tamayo.
Amoy pa lang, boses pa lang nito, kahit ilang klasrum pa ang layo ay alam na ni Ada kung sino ang paparating. Napapunta agad siya sa puwesto niya sa pinakagilid ng silid, sa tabi ng nag-iisang sirang bintana, sa may dulo.
Napasuklay pa siya ng buhok gamit ang mga daliri. Sandaling tumigil ang mundo niya. Namasdan niya na naman ang mga ngipin nitong pagkaputi-puti habang ngumingiti. Kasabay nito ang pag-init ng kaniyang mga pisngi at hindi mapigilang pagngiti.
Pinagmasdan niya ito habang pumapasok sa silid.
Tumulala siya at lumipad na papunta sa ibang dimension ang utak.
"Miss Hermoso! Last week, you're not in your proper uniform, and now this!" Bulyaw ng guro kay Ada na ngayon lang nakabalik sa ulirat. Asiwa ang mukha ng guro habang pinagmamasdan ang suot niya. Malakas ang tawanan ng kaniyang mga kaklase.
"Wala pa atang ligo iyan, Miss! Amoy laway!" alaska ng isa niyang kaklase na
binato pa siya ng kinuramos na papel.
"Amoy laway! Libagin!" gatong pa ng isa.
Sunod-sunod ang mga ibinabatong tukso sa nakayukong dalagita.
Itinaas ng guro ang kamao nito na dahilan ng pagtahimik ng buong klase.
Maliban sa pagpapahiya ng guro sa umpisa ng klase ay ginawa pa siya nitong halimbawa ng World of Protists. Pinupugaran na raw kasi siya ng mga germs, virus, at fungi. Kasabay noon ang hindi na naman matigil na panunukso.
Pero may isang bagay siyang napapansin, may isa siyang kaklase na hindi siya tinutukso, walang iba kung hindi ang binatilyong nagugustuhan niya.
Araw-araw siya nitong nginingitian. Paminsan-minsan ay nagpapaabot pa ito ng baon sa kaniyang katabi para may kainin siya.
Kapag nakikipag-usap naman ito sa iba nilang kaklase ay tinitingnan siya nito. Hindi niya maiwasan ang hindi kiligin sa mga kilos nito.
"Andoy, gusto kita. -Ada " malakas na Nasa ng kaklase niya habang kalukuyan silang nagre-recess.
Bigla siyang napatakip ng mukha.
Alam niyang ang maliit na pinunit na papel kung saan niya isinulat ang damdamin para kay Andoy ang hawak ng kaniyang kaklase.
"Ayeeeeeeee! Perpek kopol naman pala ito!" tukso ng isa. Na sinundan ng isa pa, at isa pa, at isa pa.
Sa kabilang banda ay nasilayan niya ang ngiti ni Andoy na agad nagpakalma sa kaniya.
Natapos ang klase. Naging tampulan na naman siya ng tukso na kinasanayan niya na. Totoo naman kasi na ganoon ang suot niya. Na marungis siya't para na siyang mikrobyo na tinubuan ng tao. Ngunit sa isang banda'y nais niya na lamang sisihin ang mahirap niyang mga magulang, at ang salat sa tubig at dukha niyang baryo.
Mabilis muli ang lakad niya, inuungusan pa rin ang mga mababagal na naglalakad sa unahan niya nang may humawak sa palapulsuhan niya. Si Andoy. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya.
"A-andoy, m-may kailangan ka ba?" utal niyang sabi.
Abnormal ito para sa kaniya. Tatlong buwan niya na kasi itong pinagmamasdan lang sa malayo.
Tinitigan siya nito bang ilang segundo. Ganoon din siya, at para bang nalulunod siya sa mga mata nitong nangugusap. Parang nakalimutan niya na lahat ng nangyari kanina. Pakiramdam niya ay sila lamang dalawa ng binatilyo ang tao sa mundo. Namula ang kaniyang mga pisngi, nang bigla na lamang humalakhak ang katitigan.
"Takte, mga bro! Mas pangit pala siya sa malapitan!" sabi nito sabay dumura ng nginuyang bubble gum sa medyo magulo niyang buhok.
Napatulala na lamang siya. Kunwari'y dedma sa mga pangyayari.
Pilit pinipigilan ang pagtulo ng mga luha, alam niya naman na ganito ang mangyayari. Minsan nakakamatay talaga ang sinasabing pag-asa.
Ngumiti ito sa kaniya.
"Try mo minsan maligo, baka sakaling kahit bumango ka man lang sa paningin ko. Pwe! Kasuka!" anito sabay tulak sa kaniya at saka lumakad papunta sa mga kaibigan. Binato pa siya ng mga ito ng plastik ng mga sitsiryang pinagkainan nila. At sa pag-alis ng mga ito kung nasaan siya ay nagsimula na ang kaniyang paghikbi.
Tanging ang mga tahimik niyang luha ang naging karamay niya sa pag-uwi sa sariling baryo.
Kinabukasan ay wala si Ada sa klase. Walang bubulyawan si Miss Tamayo at walang aasarin ang mga pasaway na estudyante.
Tahimik ang buong araw. Walang kahit anong tensyon o kung ano pa man.
Ilang araw ang dumaan ngunit wala pa rin si Ada. Ang iba'y napapaisip kung nasaan na ang marungis na kaklase at ang iba'y wala namang pakialam.
Nang sumunod na linggo ay nakita na ulit siya ng mga kaklase sa paaralan.
Bago na ang kaniyang uniporme't sapatos. Sa kauna-unahang pagkakataon ay mukhang bagong paligo si Ada.
Pero imbis na sa silid-aralan pumasok ay dumiretso siya sa kantina. May lungkot man sa mga mata ni Ada ay sinimulan niya na ang paglampaso ng mop sa sahig.
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams