HAPPY FATHER'S DAY
Lumapat sa aking balat ang isang mainit na linyang dulot ng mahabang sinturon. Pinipigilan ko ang pagpatak ng luha mula sa aking mga mata. Ayokong magmukhang mahina sa paningin niya. Ayokong magkaroon siya ng dahilan para makita ang sarili bilang mas angat sa akin.
"Sumasagot ka nang bata ha!" Malakas niya akong hinagupit ng kanyang dala. Pakiramdam ko, tinanggalan ako ng karapatang pakiramdaman ang likod ko. Masakit. Ngunit kahit ganoon, hindi ko mapigilang mapangiti. Kahit papaano nalaman kong hindi pa pala ako manhid sa pagdating sa kanya.
"Wala kang kwentang anak," sabi niya sa pagitan ng mga paghampas. Tinapak-tapakan niya ako at pinagsisisipa. Nahagip ng aking mga mata ang lumuluhang si Mama. Mas nadudurog ang puso kong nakikita siyang umiiyak kaysa sa mga hapdi na nararanasan ko. Alam kong gustong-gusto niyang pigilan ang taong ito pero hindi niya magawa.
Mas wala kang kwenta. Wala akong maisip na bagay na ginawa mo upang maging produktibo ka sa paningin ko. Maliban na lang siguro sa kontribusyon mo kaya ako nabuhay sa mundo, na isa sa pinakadapat pagsisihan mo.
"'Yan ang pinakapanget mong anak." Talagang hindi mo hinayaang marinig ko ang salitang "ko" dahil hindi mo ko tanggap. Hindi maarok ng aking murang isip noon ang posibleng lalim ng pinaghuhugutan mo kaya malaki ang naging galit mo sa 'kin.
Tatahimik lang ako sa gilid habang patuloy na tinatanggap ang mga masasamang sinasabi mo. Isa iyon sa mga naging rason kung bakit naging bahagi na ng pagkatao ko ang mawalan ng tiwala sa sarili.
"Putangina mong bata ka! Nakakagigil ka!" Halos mabali na ang buto ko sa likod. Tinadtad ako ng walanghiya. Sa tingin ko, wala na akong lakas pa para makaramdam ng sakit. Nilingon kita, at nasaksihan mong walang mga luhang gumagapang sa aking pisngi. Nagtagumpay ako, napigilan ko ang sarili. Tiningnan ko rin si Mama. Dapat ganito ang ginawa mo noong panahong ginagago ka ng taong 'to.
Malimit kong nakikita si Mama na umiiyak. Sigurado akong pilit lang niyang tinatago ang kanyang dinadamdam para hindi kami mag-alala. Alam kong kahit gaano man kalaki ang pagsisikap niya na itago iyon, minsan hindi pa rin niya kayang pigilan na huwag ilabas.
"'Wala ba talaga akong mapapala sa 'yo?" Minsan naitanong ng asawa niyang galing sa inuman at humihingi ng pambili ng alak.
"Wala ka namang binibigay na pera kaya wala akong maiaabot." Mahinahon pa rin ang pagsagot ni Mama. Siya ang pinakahinahangaan ko pagdating sa pagkakaroon ng mahabang pasensiya. Ngunit syempre, hindi lahat kayang apresyahin iyon.
Umalingawngaw sa aking pandinig ang malakas na sampal. Humigpit ang yakap ko sa aking mga kapatid. Umaakyat na rin ang takot sa kanila dahil magsisimula na naman ang pagmamalupit.Gusto ko mang takpan ang kanilang mga mata upang maialis ang tsansang mahawaan sila ng pagiging marahas ay hindi ko nagawa. Dahil kahit ako, hindi ako makakilos sa mga nangyayari. Umaagos lamang ang aking mga luhang tanda ng pagiging mahina ko at kagustuhang tulungan si Mama.
Sabi nila, kahit anong ingay ng dagat ay humuhupa rin. Kaya nga anoman ang naganap kagabi ay agad na binibigyan ng kapatawaran ni Mama. Inaasahan kong iniisip pa rin niya na may posibilidad na mabago ang takbo ng kanyang buhay sa pamamagitan ng taong nanakit sa kanya. Kumakapit pa rin siya sa pag-asa na nakikita niya, subalit para sa akin ay matagal nang nawala.
Ako na siguro ang pinakamasayang tao noong natauhan si Mama sa lahat ng naranasan niyang mali. Marahil ay hindi na kinaya ng sikmura niya ang pagiging bayolente ng asawa na sinamahan pa ng matinding kababuyan. Nagpapasalamat akong namulat ang kanyang mga mata sa katotohanang wala nang dapat asahan sa taong matagal nang walang saysay.
Lumaki ako na walang ibang kinikilalang magulang kundi si Mama. Para sa akin, siya ang aking ama't ina. Pinagsumikapan naming dalawa ang paglalabada at pagtitinda ng mga gulay para matustusan ang tatlong beses na pagkain naming pamilya. Hindi ko na ipinagpatuloy pa ang pag-aaral ng hayskul sapagkat napagtanto kong mahalaga ang kaalaman ngunit mas mahalaga ang mabuhay.
May pagkakataon talagang mawawala sa isip mo na hindi maaaring panghabambuhay ang kapayapaan. Na darating din sa puntong hihinto lahat ng bagay sa paligid mo dahil nakakita ka ng maaaring sumira sa matagal mo nang pinangalagaan. May balak balikan ang tronong sinusunod ng aking pamilya na parang simpleng bagay lang na madaling tanggapin.
"Happy father's day lang hindi mo pa masabi. Wala kang kwenta." Tumawa ako nang mapakla.
"Father? Kailan ka pa naging ama sa 'min? Kahit kalian hindi ko hihilingin na maging masaya ka." Nasaksihan kong muli ang pag-iinit ng kanyang mga mata at ang kamao niyang mahigpit na hinawakan ang sinturon.
Ikaw ang bumuo ng mga galit at hinanakit ko. Kaya bakit ko sasabihing ang mga salitang hindi naman karapat-dapat para sa 'yo? Alam kong darating ang panahong ikaw naman ang luluhod sa harapan ko upang magmakaawa at humingi ng tulong. Ipapangako ko na manlilimos ka ng pansin na minsang ipinagkait mo sa 'min. Sisiguraduhin kong malilimutan mo ang sarili mong pangalan kapag nakita mo kong nasa taas na ako at inaapak-apakan lang ang walang kwentang kagaya mo. 'Wag kang mag-alala, pagsusumikapan kong mangyari iyon.
Isa lamang akong posporo at palito, hindi aapoy kung walang sisindi. Walang nilalang ang kayang patayin ako kapag nagsimula na akong lumakas.
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams