BEAST AND BEAUTY
Unang araw ng pasukan kaya maingay ang silid-aralan. Abala ang lahat sa pakikipag-usap sa kapwa mag-aaral subalit tahimik lang sa tabi si Nelly. Mas gusto niya na magbasa na lang ng libro kaysa makipagdaldalan sa mga kaklase. Pero ang totoo, walang gustong makipag-usap sa kanya.
Ah, meron pala...
"Sa isang malayong bundok, may isang babaeng nakatira sa kanyang kaharian. Ngunit hindi siya kasing ganda ng isang prinsesa. Alam n'yo kung sino siya? Walang iba kundi si Nelly na aswang lang naman," parang makatang turan ni Edward sa harapan ng lahat. Nagtawanan naman ang mga kaklase maliban kay Nelly na siyang bida sa akda nito.
Kinse-anyos na si Nelly subalit hindi mo makikitaan noong tinatawag nilang, "When puberty hits you". Buhaghag ang kanyang kulot na buhok na sinabayan pa ng sandamakmak na pimples sa mukha. Idagdag pa ang kanyang bilad sa araw na balat. Halos pandirihan na siya ng kanyang mga kaklase. Walang gustong makipagkaibigan sa kanya. Ni tabihan siya sa kanyang upuan ay walang nagkukusa.
Natigil lang ang komosyun nang dumating ang kanilang guro na si Ms. Joy. Mabilis na nagsiupuan ang mga ito na parang walang anumang nangyari.
"Good morning, class. I'll group you into four para sa presentation ninyo bukas. Discuss with your groupmates today for I have a meeting to attend to. Behave then, okay?" Umupo ito at saka nagtawag ng mga pangalan na magkakagrupo.
Pagkalabas ng kanilang magandang guro ay balik naman sa dating maingay na classroom ito.
"Oy, Edward, saan ka pupunta? Pag-uusapan pa natin ang report para bukas, 'di ba?" mahinang tawag ni Nelly rito nang makita itong papalabas ng silid-aralan.
"Matalino ka naman. Ikaw na ang bahala roon. Saka, ayaw ko ng pangit na kagrupo," sagot nito at saka lumabas nang tuluyan. Sumunod naman dito ang dalawa pa nilang kagrupo.
Wala nang nagawa si Nelly kundi ang mapabuntong-hininga na lang. Sa isip niya, mas mabuti na rin iyon kaysa makarinig pa siya ng mga panlalait mula rito.
Matapos ang buong araw na klase, oras na rin ng uwian. Wala nang naiwan sa loob ng kanilang classroom maliban kay Nelly. Siya lang naman kasi mag-isa ang naatasan sa paglilinis dito. Maliban sa mga tamad ito, wala ring gustong samahan siya sa mga gawain.
Hindi na rin siya nagreklamo. Paisa-isa niyang inayos ang mga upuan nang mapansin ang isang bilog na salamin na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Wala siyang balak tingnan ito subalit nakuha ng atensyon niya ang nakasulat dito gamit ang pulang lipstick.
"Beast," bigkas niya sa nakasulat.
Hindi niya sadyang titigan ang sariling repleksyon dito. Siya kasi iyong tipong takot makita ang sarili sa salamin. Ayaw niya na pati siya ay katakutan ang sariling mukha.
Nagulat siya nang paunti-unting nawawala ang nakasulat dito. Kasabay nito ang pagpapalit din ng mukhang nasa harapan niya. Isang magandang babae. Isang babaeng kabaligtaran niya. Maayos ang pagkakulot ng buhok nito at higit sa lahat, ang kinis ng mukha nito dahilan ng biglaang paghaplos niya sa kanyang pisngi.
"Beauty," bigkas niya ulit sa bagong nakasulat sa salamin.
Natulala lang siya sa kanyang nakikita. Parang may kakaibang kasiyahan na gustong kumuwala sa kanyang katauhan.
"Oh, Iha, uwian na. Wala nang tao sa paaralan kaya umuwi ka na rin," sita ng isang guard sa kanya na nagpapukaw ng kanyang atensyon.
Dali-dali siyang nagligpit ng gamit. Hindi na rin siya nagdalawang-isip na ipasok sa kanyang bag ang mahiwagang salamin.
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams