Entry #6: Papeymus (Syn)drom(e)

246 6 6
                                    

PAPEYMUS (SYN)DROM(E)


Duguan ang malungkot niyang mukha at katawan. May mga luha ring humalik sa kanyang pisngi at may punit sa gilid ng labi. Sa kanyang dibdib naman ay may nakatarak na punyal. Nakatakip ang mga kamay niya sa kanyang walang saplot na katawan. Iyon ang larawan ng isang babae sa pabalat ng isang libro na nakuha mo kamakailan lang sa isang bakanteng classroom. At ang pamagat nito ay, "Kaparusahan".

Kahit napangiwi ka dahil sa librong iyon, nangibabaw pa rin ang koryusidad mo kung ano nga ba'ng kwentong nilalaman niyon. Nabaling ang iyong tingin sa pangalan ng may akda na si Venz Matta. Hindi mo maunawaan pero may kakaiba kang naramdaman.

Itinago mo iyon at hinarap ang iyong kinakain. Matapos ang ilang subo ng fries ay uminom ka ng malamig na softdrinks.

Naagaw naman ang iyong pansin nang magsigawan ang ilang kabataan sa activity area ng mall na kinaroroonan mo. Kasalukuyan kasing nagaganap ang isang pamusong book fair na inaabangan ng mga mambabasa at manunulat, taon-taon. Ang mga sikat at magagaling na published author mula sa iba't ibang publishing house ang mga bituin sa event na 'yon. Ilan sa kanila ay nadiskubre sa wattpad kung saan tinatayang mas malaki ang bilang ng mga kabataang babae na aktibo sa larangan ng pagsusulat kaysa lalaki. At isa sa kanila si Julia-ang manunulat na iyong kinaiinisan.

Dati, ang mga dalaga na kasing gulang mo ay eskwelahan at bahay lang ang ruta. Mahihinhin pa't mukhang 'di makabasag ng pinggan. Samantalang ngayon, nakikipagsabayan na sa mga binata, aktibo sa mga event, at gumagawa ng sariling pangalan. Nakikipagtunggali para sa pangarap. Ang karamihan ay nilamon na rin ng sistema ng mga social media at internet. Ang iba ay gustong magpasikat para mapansin ng mga kalalakihan.

Napasimangot ka.

Nagpunta ka, hindi para sa kanila. Hindi ka fangirl nino man. Nagpunta ka para bumili ng libro ni Julia at hanapan ito ng butas dahil naniniwala kang mas magaling ka, mas karapatdapat sa paghanga at kasikatang tinatamasa niya. Lalo na sa pagtingin ng binatang gustung-gusto mo-si Thristan. Naiinggit ka, kasi isa siya sa mga nando'n para sa dalaga.

Noong una, ang gusto mo lang naman ay atensyon ng iyong mga magulang. Atensyong nabaling sa iyong nakababatang kapatid na si Javier. Higit daw na may kakayahan itong mamahala sa inyong kompanya balang araw, kaysa sa 'yo. Kaya gusto mo nang patunayan sa kanila sa iyong murang edad, na hindi hadlang ang pagiging isang babae para sa tagumpay. Ngayon, isa ka na rin sa mga dalagang gustong sumikat sa minamahal mong larangan at gagawin ang lahat para mapansin ng lalaking iyong hinahangaan. At higit sa lahat, ang maging angat sa iba.

"Uy, Kylie! Sorry, I'm late. Grabe ang traffic!" bungad ni Macy sa 'yo na humahangos at pawisan. Kaagad siyang naupo sa kabilang bahagi ng mesa at ngumiti sa 'yo.

"Hindi ka kasi gumayak ng maaga," pagsusungit mo.

"Sorry naman! Naglaba pa kasi ako ng uniform ko. May pasok tayo bukas." Pinandilatan ka nito ng mata. "Purket may katulong, e," pabulong pa niyang dugtong.

Tinaasan mo siya ng kilay at muling ibinaling ang tingin mo sa kumpulan ng mga kabataan. Iritang-irita ka sa mga dalagang nagtilian at halos lumuwa ang mga mata nang lapitan sila ni Julia.

"Inggit na naman 'to! Cool ka lang, darating din ang oras mo."

"She doesn't deserve it! Mas malaki naman ang potensyal ng mga kwento ko kaysa sa kanya. What a crap?!" Napakunot ang iyong noo.

"Ay, ang bitter mo, best! Oh, kain pa more! Gutom lang 'yan!" Iniusog niya palapit sa 'yo ang kinakain mo na halos 'di pa nangangalahati.

"Kilala mo ba si Venz Matta?" urirat mo kay Macy.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon