Entry #5: Ang Babaeng May Iba't Ibang Mukha at Ang Peklat sa Kaniyang Tuhod

297 8 6
                                    

ANG BABAENG MAY IBA'T IBANG MUKHA AT ANG PEKLAT SA KANIYANG TUHOD


Mapagpanggap ako. Ito ang isang bagay na hindi ko maitatanggi sa aking sarili, sapagkat iyon ang katotohanan na bumubuo sa aking pagkatao. Hindi rin ako kagaya ng ibang kabataang babae na mahilig manood ng K-Drama at adik sa K-Pop. Mas gugustuhin ko pa na ulit-uliting panoorin ang Sherlock o Black Mirror at makinig sa Bohemian Rhapsody buong araw. Hindi rin ako mahilig sa mga librong tungkol sa gangster-at-simpleng-babae-na-sa-una-ay-laging-magkaaway-pero-magkakatuluyan-pa-rin-sa-huli. Pinalaki ako ng aking magulang sa Panitikang Pilipino, kaya naman mula sa Mga Kuko ng Liwanag, Agos sa Disyerto, Ligo na U, Lapit na Me, Walong Diwata ng Pagkahulog, at napakarami pang iba, ay akin nang nabása. At ang mga akdang ito rin ang nagmulat sa akin upang maging mapagpanggap, upang maging isang manunulat.

Isa na siguro sa mga kasinungalingan na sinabi sa akin ng aking magulang ay mawawala raw ang peklat na dulot ng isang sugat.

"Huwag ka nang umiyak, Mae, mawawala rin 'yan. Babalik ulit sa dati 'yang tuhod mo," naalala ko pang sinabi sa akin ni Mama noong nagkasugat ako dahil sa pagtulak sa akin ng aking kaklase no'ng Grade 1. Dahil sa sinabi niya, tumigil na ang aking pag-iyak. Pero, habang tumatanda ako, napagtanto ko na hindi totoo ang kaniyang sinabi. Naroon pa rin ang peklat sa aking tuhod. At sa tuwing tinitingnan ko ito, nararamdaman ko pa rin ang sakit na dulot ng sugat, nakikita ko pa rin ang paglabas ng dugo rito, ang pagtahi nang limang beses ng buwisit na nurse.

Ang bagay na iyon ang nag-udyok sa akin upang maisulat ko ang aking unang kuwento. Sa sandaling iyon, doon ko nalaman na kaya ko palang maging kahit sino, kaya kong magkaroon ng iba't ibang mukha.

Sa kuwentong iyon, ang sugat sa puso ng bidang babae ay hindi mawala-wala dahil sa pang-iiwan ng lalaking minahal niya nang sampung taon. Hindi ko alam kung paano ko naisulat ang bagay na iyon. Ang alam ko lang, humugot ako sa peklat na nasa aking tuhod. Simula no'n, lahat ng kuwentong aking isinusulat, tungkol sa mga babaeng sinaktan, tungkol sa mga babaeng mayroong sugat na hindi kayang maghilom. Hindi tuloy maiwasan ng mga nakababása ng aking mga akda na magtanong.

"Peminista ka ba?" tanong sa akin kanina ni Ma'am Guinucod, ang adviser namin sa literary folio ng aming pamantasan.

Umiling ako. "Bakit po?"

"Paulit-ulit na lang kasi ang tema ng kuwento mo, Mae."

"Pero, maganda naman po 'yong ipinasa ko, 'di ba?"

Kinuha niya ang papel na nasa kaniyang lamesa. "Ito bang Si Mariposa?" tanong niya. "Maganda nga. Pero, ilang isyu na ng folio natin ang mayroong kuwento na tungkol sa babaeng puta. Nilagyan mo nga ng romance, tragic pa rin naman ang ending. Iniwan pa rin siya ng lalaking mahal niya." Tumingin siya sa akin. "Mae, sorry, hindi ko 'to papayagan na i-publish."

Nagulat ako. "Ma'am, hindi po puwede. Inaabangan ng Mama at Papa ko ang kuwentong 'yan."

"Then, baguhin mo. Kailangan ko ng bago. Lumabas ka sa comfort zone mo. Writer ka, 'di ba? Kaya mong maging kahit sino."

Ito ang dahilan kung bakit nakatulala pa rin ako ngayon sa gitna ng madaling-araw. Kinuha ko ang kape na nasa aking lamesa. Kahit umuusok pa ito, kaagad ko itong hinigop. Mayroong tensiyon na bumabalot sa aking buong katawan. Hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman ang bagay na ito habang hawak ko ang aking panulat at ang isang blangkong papel. Napapikit ako nang mariin.

Ano pa ba ang hindi ko naisusulat? Ano ba ang sinasabi ni Ma'am Guinucod na bago?

Ilang sandali pa'y nakita ko na lámang ang aking sarili na isinusulat ang isang bagay na malayo sa aking kinagisnan─sa unang pagkakataon, isinulat ko ang isang bidang lalaki. Tuloy-tuloy ang aking naging pagsusulat habang iniisip ko siya sa aking imahinasyon.

"Carwyn," bulong ko sa kaniyang pangalan.

Nagulat ako nang biglang lumitaw ang isang lalaki mula sa sulok ng aking kuwarto. Suot niya ang damit na nasa deskripsyon ng aking ginagawang kuwento; ang kaniyang mukha, kagayang-kagaya ng nasa aking imahinasyon.

"Sino ka?" tanong ko.

Ngumiti siya. "Alam mo kung sino ako, Mae."

"Carwyn."

"Purong pag-ibig," saad niya.

"Ano?"

"Ang kahulugan ng Carwyn. Purong pag-ibig."

Hindi ko alam kung ano ang aking nararamdaman. Para akong lumulutang. Sa unang pagkakataon, nakita ko ang aking inspirasyon. Ang kaniyang salita ay tila bulaklak na nakapagpasaya sa akin. Gusto kong maging kami habambuhay. Itatali ng Diyos, sa harap ng altar. Magkakasáma sa panahon ng hirap, luha, at kasiyahan na magiging bato sa isang moog, magpapatibay ng pananalig, magpaparupok ng mga alinlangan. Biglang pumasok sa aking isip ang aming hinarap. Ang pagsílang ng isang bunga; unos ng buhay; munting ligaya; pamumukadkad ng pananalig. Pag-ibig.

Dali-dali ko siyang niyakap. Ngunit, tumagos ako sa kaniya. Doon, napagtanto ko, hindi ko siya kayang ibigin. Hindi namin kayang magsáma, sapagkat karakter lámang siya sa aking kuwento; mga salita sa papel─tinta sa aking panulat. Tiningnan ko ang peklat sa aking tuhod. Nakita kong muli sa aking isip ang pagdurugo nito. Naramdaman kong muli ang sakit.

"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Carwyn.

"Nalulungkot ka ba, Carwyn?"

Tumango siya.

"Nararamdaman mo ba ang pag-iisa?

Muli siyang tumango.

Sa sandaling iyon, pinahid ko ang aking luha at isinulat ang isang tauhang babae.

Bigla siyang lumitaw, kagaya ng paglitaw ni Carwyn sa sulok ng aking kuwarto.

"Sino ka?" tanong ko.

"Alam mo kung sino ako, Mae."

"Lea."

Ngumiti siya.

"Ikaw ang magsasabi ng pagmamahal ko para kay Carwyn."

Para kay Carwyn, ibibigay ko ang aking buong pag-ibig. Isusulat ko siya, gamit ang aking puso. Magtatapós ang kaniyang kuwento nang masaya, nang walang sakit. Magkakatagpo sila ni Lea sa isang museo. Doon nila mararanasan ang unang halik, ang unang pag-ibig, sa likod ng pagiging inosente.

Itinuloy kong muli ang pagsusulat.

"Mahal kita, Carwyn," bulong ko.

Lumapit si Lea kay Carwyn. Hinawakan niya ang mukha nito. At dahan-dahang bumulong, "Mahal kita, Carwyn."

"Mahal din kita, Lea."

WAKAS

Kinabukasan, ibinigay ko kay Ma'am Guinucod ang kuwento. Masaya raw siya dahil sa aking isinulat. Maililimbag daw ito sa bagong isyu ng aming folio.

"Naramdaman ko ang pagmamahal dito, Mae. Halatang mayroon kang inspirasyon," sabi niya.

Ngumiti na lámang ako at lumabas na sa kaniyang opisina. Napaupo ako sa ilalim ng puno na nasa field ng aming pamantasan. Paano naramdaman ni Ma'am Guinucod ang pagmahal sa akdang iyon sa likod ng sakit na aking pinagdaanan? Tunay nga talaga akong mapagpanggap.

Muli kong tiningnan ang peklat sa aking tuhod. Dumurugo na naman ito sa aking isip. At nasasaktan pa rin ako nang paulit-ulit.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon