NANG DAHIL SA NANAY KO
Sa isang baryo sa probinsya ng Laguna, nakatira ang labing apat na taong gulang na babae na nagngangalang Brina kasama ang kaniyang tatay. Silang dalawa na lamang ang magkasama dahil pumanaw na ang ilaw ng tahanan ng kanilang pamilya. Namatay ito noong limang taong gulang pa lamang si Brina dahil nasunog ang kanilang bahay at ang nanay niya lamang ang nasa loob nito noong tinupok ito ng apoy.
Isang araw, habang pauwi na si Brina mula sa kaniyang paaralan, hinarang siya ng kaniyang mga kaklase na sina Genefe, Romeo, at Tess sa isang kanto na wala masyadong tao. Hindi nagsalita si Brina at hinintay na lang ang mga ito na sabihin ang pakay nila.
"Hoy Brina walang nanay," pagtawag sa kaniya ni Genefe.
Naramdaman ni Brina na bumilis ang pagtibok ng kaniyang puso. Hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Genefe. Gayunpaman, pinilit niyang kumalma.
"Kung wala akong nanay, bakit ako nandito ngayon?" giit ni Brina.
"Pero nasaan siya ngayon? Kahit kailan ay hindi ko siya nakitang pumunta sa paaralan natin. Patay na siya, 'no?" pangangasar ni Tess.
Sabay-sabay na humagikhik ang tatlo. Yumukom ang mga kamay ni Brina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang galit.
"Bawiin mo ang sinabi mo."
"At bakit ko naman babawiin? Totoo naman 'di ba?" nakangising sabi ni Tess.
Dahil sa sobrang inis, kinuha ni Brina ang kaniyang bag at ibinato ito kay Tess subalit sinalo lamang ito ni Romeo at ibinato pabalik kay Brina. Tumama ito kay Brina kaya napaupo siya sa sahig.
"Kawawa ka naman."
"Patay na ang nanay."
"Naiiba ka sa amin. Mas mababa ka sa amin. Alam mo kung bakit? Wala ka kasing nanay."
Dinuruan ni Romeo ang bag ni Brina. Pagkatapos ay naglakad na palayo ang tatlo.
Mabilis namang pumatak ang mga luha ni Brina mula sa kaniyang mga mata. Napayuko siya. Nagagalit siya dahil wala siyang magawa para protektahan ang sarili niya. Hindi siya makapalag. Bakit? Dahil patay na nga naman talaga ang kaniyag nanay. Alam niyang mali pero gusto niyang sisihin ang nanay niya. Kung hindi ito pumanaw nang maaga, hindi sana ito mangyayari sa kaniya.
"Brina?"
Inangat ni Brina ang kaniyang ulo. Sumalubong sa kaniya ang mukha ng isang pamilyar na lalaki. Kaklase niya ito.
"Anong ginagawa mo rito, Isaac?"
Si Isaac ang pinakamatalino sa kanilang klase. Wala nga lang itong kaibigan. Hindi kasi ito mahilig makihalubilo sa iba.
"Malapit lang dito ang bahay ko. Teka, umiiyak ka ba? Hulaan ko, may umaway sa 'yo, 'no?"
Nakaramdam naman ng pagkailang si Brina. Hindi niya kasi ito madalas nakakausap.
"Oo na lang," sagot ni Brina.
Inilahad ni Isaac ang kanang kamay niya para tulungang tumayo si Brina.
"Anong nangyari kanina?" pag-usisa ni Isaac.
Hindi man sigurado si Brina kung sasagot siya at ikinwento niya pa rin ito sa kaklase. Ang kailangan niya ngayon ay mapaglalabasan ng saloobin. Ibinahagi niya rin kay Isaac ang dahilan ng pagkamatay ng nanay niya.
"Alam mo, Brina? Matagal ko naman ng alam ang ginagawa ng iba nating mga kaklase. Hindi ko lang kayo pinapansin kasi wala naman akong karapatang mangielam. Laban mo 'yan e," sabi ni Isaac.
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams