SIYA, NA MAPAGKUNWARI
"Una kitang nakita sa kiosk ng department. Napapaligiran ng mga masasaya at laging nakatawang achievers, sporty, at popular na mga kaibigan, na kabaliktaran ko - pasang-awa na nga ang grado, nangangamote pa sa discussions at lecture.
"Sa una, akala ko very extrovert ka lamang talaga pero nang makita kita sa dalampasigang mag-isa, nakayuko at halos matabunan na ng iyong buhok ang maamo mong mukha - nagtaka ako. Hindi mo alam ngunit agad mong nakuha ang atensiyon ko, na-curious ba?
"Kaya nang magkatabi tayo sa isang program ng department: Papakawalan ko pa ba ang pagkakataon? Bibihagin ko pa ba ang sarili sa kuryosidad?
"Ako ang unang nagpakilala na malugod mong sinagot ng iyong tunay na pangalan, kahit litong-lito ka sa biglaan kong pagbubukas ng usapan. Sino nga bang hindi magtataka kung ang katulad ko'y nakikipagkaibigan sa iyong may reputasyong goody-goody?
"Evangeline Ladera. Walang espesyal sa pangalan mo pero bagay na bagay sa iyo. Malaya at misteryosa, simple pero maganda.
"Nagsimula tayong kilalanin ang isa't isa dahil sa paulit-ulit kong pag-aayang pag-aabsent sa klase, paglalakwatsa at pag-uwi ng hatinggabi. Tinuruan kita ng mga bagay-bagay na nakakasama sa iyo kahit na napaka-good girl mo, dahilan upang tuluyang humiwalay sa iyo ang mga kaibigan mong mga pa-good shot.
"Wala, e, kung ikaw kinupkop sa edad na labintatlo, ako naman, lumayas at nanirahan sa aking abuela. Toxic family issues. Peste! Ikaw ang sumalo sa lahat ng galit at hinaing ko sa aking pamilyang pinabayaan ang anak para sa pansariling luho, tuwing nasa dalampasigan tayo. Gusto ko rin sanang tanungin kung may problema ka, kaso ayaw ko nang mas maraming dalahin.
"Napakasama ko, oo, dahil tinuring mo akong matalik na kaibigan samantalang trinato kitang instrumentong tapunan ng sama ng loob at kasama - kapag kinakailangan. Ni hindi ko masabi ang personal kong impormasyon dahil tanging unang pangalan ko ang iyong alam. Ni hindi ko maitanong ang mga dapat sanang malaman ng isang kaibigang tapat na masasandalan. Ni hindi ko napansin ang pagtamlay mo habang lumilipas ang araw. Napakasakim ko, oo, dahil sarili lamang ang aking laging iniisip.
"Isang beses, pumasok ka sa skul na naka-black hooded jacket kahit Pebrero iyon. Tinawanan kita nang malakas - nang-iinsulto. Kaso noong tumingin ka sa akin, bigla akong natigilan nang makita ang namamaga mong mga mata at ang sumisilip na pasa sa iyong leegan: walang bakas ng kasiyahan at nagging mother. Ngunit, nagkunwari akong walang nakitang paghihirap sa nangungusap mong maamong mukha.
"Lintik! Doon ako napatanong sa sarili kung karapat-dapat ba akong maipanganak at maging kaibigan, gayong napakaipokrita ko, dahil napagtanto kong sa una ay nahalina lamang ako sa sikreto't misteryong itinatago mo at hindi sa totoong ikaw. Na-curious at na-challenge kung kakaibiganin at kaya mo bang pagtitiisan ang tulad ko, o, siguro'y naiinggit ako sa mga masasayang ngiti mo kaya gusto kitang dalhin sa mundong kinabibilangan ko.
"Pasensiya na, Evangeline, alam kong hindi nito magagawang linisan ang tintadong nakaraan, ngunit patawad lahat ng aking mga pagkukulang. Takot at mahina ang kaibigan mong ito; walang kuwenta, laging umuurong sa responsibilidad, at tanging alam ay ang sariling kasiyahan dahil iniwan ka niyang nag-iisa, noong mga panahong kailangang-kailangan mo ng masasandalan. Tagapagtanggol, nang halos lahat ay sabihan ka nang masasakit at nakakayurak na mga salita sa rasong nakita ka ng isang kaeskwelang nakasuot ng maikling damit at nakakapit sa matanda. Noong sinasaktan, pinahihirapan at sinsamantala ng salot na umampon sa iyong mayamang negosyanteng intsik. Patawad.
"Hiniling kong panaginip lamang ang lahat, nang malamang nasa bingit ka na ng pagkawala. Ilang beses akong napamura at nawala sa katinuan, ngunit sa huli, ginawa ko ang matagal ko nang hindi nagagawa.
"Lumuhod ako sa harap ng operating room habang umiiyak at sa unang pagkakataon, nanalangin ako nang mataimtim na sana'y nasa mabuti kang kalagayan, Evangeline, kaso pumanaw ka pa rin, iniwan mo akong sugatan at nagsisisi.
"Sa labinwalong taong pamumuhay, sa wakas, nakita ko ang ilaw at gustong-gusto kitang pasalamatan ngayon - sa lahat-lahat. Sa paglisan mo marami akong na-realize, na sa huli mo lamang talaga malalaman ang importansiya ng isang tao kapag wala na sila at hinding-hindi na babalik. Sa huli, pipilitin mong i-rewind ang oras para masuklian nang tama ang ibinigay nilang pagmamahal.
"At para sa may sala ng iyong paglisan, nasa mabuti na siyang kalagayan - kulungan.
"Sumasainyo ang kaibigan niyang mapagkunwari't mahina, Ynomia Magsaysay Chua," garalgal niyang pagtatapos. Pilit ikinukubli ang mga luha at dalamhating naipon, pilit pinatatatag ang sariling huwag humagulgol nang malakas. Ngunit, kahit gaano mo man gawing manhid ang iyong puso sa sakit; sa kalaunan, iiyak at iiyak ka pa rin.
Nagbulungan ang mga nakidalong taong katulad niya'y takot ngunit hindi inaamin ang kasalanan: schoolmate, kapitbahay, usyosero't usyosera, kamag-anak, makikain. Mga nilalang na mapagkunwari dahil saka lamang iiyak at kaaawaan ang nasirang biktima kapag nakaratay at malamig na ang bangkay. Pare-pareho silang nagkulang. Takip-mata, buka-bibig.
Napakalupit ng mundong ginagalawan niya, oo, napakalupit: may kabataan pa bang hindi mapagkunwari? Siguro'y mayroon pa. Sana... Dahil kahit si Evangeline ay mas piniling itago ang luha sa pamamagitan ng ngiti.
"In loving memories of Evangeline Magsaysay Chua. Her true kindness and love shall forever remain as her monumental legacy. Rest in peace, this eighteenth day of June, in the year of our Lord Jesus Christ, two thousand and seventeen. Justice will prevail, vengeance will be in His hands."
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams