Entry #7: Bahaghari

132 2 7
                                    

BAHAGHARI


NAPABUNTONG-HININGA ako nang marating ko ang gate ng bahay namin. Maingay na sa loob. Dumadagundong na ang tunog ng sound system na malamang inarkila ni papa. Nasa loob na rin marahil ang mga inimbitang bisita ni mama kaya nagsimula na ang party. Kumpleto na nga siguro dahil nandoon na rin ang sasakyan ni Andrew-ang nakababata kong kapatid na may isang taon na ring inhenyero sa isang pribadong kumpanya. Napakasuwerte niya dahil nabigyan agad siya ng sasakyan ng kumpanyang pinapasukan. Ang ate Annika ko naman ay may tatlong taon na ring nurse sa London at malaki na naitulong kina mama at papa. Nabanggit n mama na siya rin ang nagpadala ng perang ginamit sa party.

Napakibit-balikat na lamang ako.

Pumasok na ako sa loob at sa kusina agad ako pumunta. Tama nga ang hinala ko dahil nadatnan ko doon si mama na abala sa kung ano-ano at pagmamando sa kinuhang kasama nila sa bahay. Niyakap ko siya agad sa likod. Hindi ko mapigilang hindi maglambing dahil ilang araw ko rin siyang hindi nakita. Na-miss ko ang yakap niya. Para akong bata na ayaw nang pakawalan ang mama ko sa pagkakakulong sa mga braso ko. Gusto ko na ganoon lang. Kahit saglit lang.

"Annie?" Kumalas siya sa pagkakayakap ko saka humarap sa akin. Hinawakan niya pa ang magkabila kong kamay.

"Sorry na, 'Ma. Alam mo naman sa Manila-traffic," sabi ko.

Hinaplos niya ang maganda kong mukha saka siya ngumiti. "Akala ko nga, hindi ka na darating. Nag-aalala pa ako baka kako napano ka na."

"Hala si mama!" Inakbayan ko siya. "Ano namang mangyayari sa akin? Astig kaya 'tong anak mong 'to!"

"Ikaw talaga." Hinila niya ang kamay ko at iginiya ako sa mesa. "Gutom ka na siguro. Halika nga't ipaghahain kita." Sumunod naman ako. Medyo kumakalam na rin kasi ang sikmura ko.

Habang nakatalikod si mama, kinuha ko sa bag ko ang maliit na regalo. Ilang araw ko ring tiniis na huwag gumastos ng malaki para lang mabili iyon. Kung tutuusin, kulang pa iyon para sa lahat ng sakripisyo, suporta at pang-unawa niya sa akin. Gusto ko lang talaga na kahit sa ganitong paraan, maramdaman niyang sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kanya. "Mama..."

Natigilan siya nang makita niya ang hawak kong maliit na kahon.

"Happy birthday, 'Ma!" bati ko. Nilapitan ko na siya bago pa niya ako maunahan. Sa paglapit kong iyon, nakita ko ang pagguhit ng matamis na ngiti sa kanyang mga labi.

"Salamat, 'nak." Isang mahigpit na yakap ang binigay niya sa akin. Ang sarap-ang sarap makita na napasaya ko si mama kahit sa ganitong paraan lang. Para tuloy akong bumalik sa pagkabata dahil may halong panggigigil ang mga yakap niyang iyon gaya noong maliit pa lamang ako.

Sabik niyang binuksan ang regalo. Sabik din akong makita ang reaksyon niya kaya tinulungan ko na siya sa pagbubukas niyon. Namilog ang mga mata niya nang makita ang laman ng maliit na kahon. "Ang...ang ganda..." bulalas niya.

"Ikaw agad ang naalala ko nang makita ko ang relong 'to."

"Binawasan mo na naman ang ipon mo."

"Ano ka ba, 'ma? Huwag mo nang isipin 'yon." Kahit ang totoo niyan, ubos talaga ang ipon ko. Pero ayos lang, basta para kay mama. Kinuha ko ang relo at isinuot sa kanya. "There...bagay nga."

"Annie..."

"Ma naman. Pinag-ipunan ko talaga 'yan para sa 'yo." Tumalikod ako, hindi para baliwalain ang sinasabi ng mama ko, hinanap ko lang ang isa pang regalo ko sa kanya. Sigurado akong mas matutuwa siya sa ipakikita ko.

"Ikaw lang naman ang iniisip ko. Kung sana-"

"P-para sa 'yo, 'ma."

Ipinakita ko sa kanya ang ginto kong medalya na napanalunan sa triathlon sa katatapos lang na SEA Games. Naluha si mama, pero hindi pa rin nawawala ang matamis niyang ngiti. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang medalya ko. Tinitigan niya iyon. Bawat letra 'ata na nakatatak doon, inisa-isa niya. Nakakatuwa. Gusto kong magtatalon sa tuwa. Napayakap na lang ako sa kanya.

VOLUME 1: TEENAGE DREAMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon