ANG SANAYSAY PARA KAY AMA
"Kung magiging anak ulit ako, ikaw pa rin ang ama na pipiliin ko," pagbasa ko sa unang linya ng sanaysay na ipinasulat sa amin ng aming guro sa Filipino sa pagpupugay ng araw ng mga ama.
Sayang nga lang dahil hindi ko ito maibibigay sa tatay ko nang personal para mabasa niya. Hindi ko rin ito kayang basahin sa kaniya mula sa kabilang linya ng telepono na siyang tangi naming ginagamit upang makapag-usap.
Nahihiya kasi ako. Hindi dahil ikinahihiya ko siya bilang tatay ko. Hindi lang kasi talaga kami ganoon. Hindi katulad ng relasyon ng ibang mag-ama ang relasyon namin ni tatay. Hindi kami nagpapalitan ng mabulaklak na mga salita upang iparamdam ang pagmamahal namin sa isa't-isa. Minsan nasasabi niyang mahal niya ako bilang nag-iisang anak niya. Ikinatutuwa iyon ng puso ko tuwing maririnig ko iyon ngunit hindi ko iyon kayang gantihan. Nahihiya kasi ako.
Pero hindi ibig sabihin niyon, hindi ko mahal si tatay. Mahal ko siya. Sobra. Noong mamatay si nanay, siya na ang tumayong ina at ama ko. Siya 'yung gumigising sa akin tuwing umaga. Siya 'yung naghahanda ng almusal na kakainin ko. Siya 'yung nagbibigay sa akin ng baon ko sa eskwela at siya rin iyong naghahatid at sundo sa akin.
Ngunit nang tumuntong ako ng sekondarya, napagdesisyunan niya na pumunta at makipagsapalaran sa ibang bansa. Sapat naman ang kinikita niya para sa aming dalawa. Nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw. Iyon nga lang, hindi raw iyon sapat para sa kaniya. Gusto niya raw na kahit dalawa na lang kami ay magandang buhay ang maibigay niya sa akin at gusto niya ring makapag-aral ako sa isang pribadong paaralan kung saan kaya kong bilhin ang mga kailangan at gusto ko. Samakatwid, gusto niyang ibigay sa akin ang buhay na higit pa sa sapat. Marahil ay ganoon nga niya talaga ako kamahal.
Kaya kahit labag sa loob ko na umalis siya, sinubukan kong tanggapin na ginagawa niya lang iyon para sa akin, para sa kinabukasan ko.
Kaya ayun, iniwan niya ako sa ate niya-sa tiyahin ko, bago siya lumipad ng Qatar para magtrabaho bilang isang factory worker.
Akala ko lilipas din ang lungkot. Pero habang nagtatagal na wala siya, mas lalo kong naramdaman na mag-isa ako. Naging mabait naman ang tiyahin ko sa akin. Naging maayos naman ang relasyon naming magtiyahin. 'Yun nga lang ay may tatlo rin siyang anak na kailangang asikasuhin kaya wala akong ibang pagpipilian kundi asikasuhin ang sarili ko.
Tuwing magkakausap nga kami sa telepono ni tatay, lagi ko siyang pinapakiusapan na umuwi.
"Susubukan ko, Rose Marie," iyan ang palagi niyang sagot. Pero lumipas ang dalawang taon, hindi pa rin siya umuuwi.
Pinagbuti ko na lang ang pag-aaral ko. Baka sakaling kung makikita niyang matataas ang mga grado ko at pinagbubuti ko ang pag-aaral ko, baka sakaling makumbinsi ko siyang umuwi. Baka sakaling tuparin niya ang matagal ko nang hinihiling sa kaniya. At hindi iyon ang mga materyal na bagay na kaya niyang bilhin kundi siya mismo-ang pag-uwi niya.
Sa pangunguna ko sa klase, natuwa sa akin ang aming adviser-Si Sir Ben. Lagi niya akong kinakausap at kinakamusta. Madalas niya rin akong nililibre tuwing break. Masaya siyang kausap. Para siyang naging pangalawa kong ama.
Nanggagabay. Nag-aalaga. Nagmamahal.
Hanggang sa hindi ko namalayan, bigla ko na lang din naramdaman na mahal ko na siya. Hindi bilang ama kundi higit pa roon.
Malaki ang agwat ng edad namin. Labinlimang taon lang ako habang dalawampu't limang taon na siya. Hindi ko alam kung tama ang nararamdaman ko pero masaya ako.
Masaya ako sa kabila ng sampung taong agwat namin. Masaya ako kahit hindi magandang tingnan ang magiging relasyon namin. At isa lang ang malinaw sa akin noon, gusto ko siya. Mahal ko siya.
BINABASA MO ANG
VOLUME 1: TEENAGE DREAMS
Short StoryLITERARY OUTBREAK: SAVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 3) Volume 1: Teenage Dreams