Sallie's POV
Hindi yata ako makahinga habang pasakay kaming dalawa sa elevator. Kinakabahan ako kasi baka may makakilala sa akin na kasamahan ko sa hotel. Halos mangalog ang tuhod ko ng huminto ang elevator at may sumakay na staff ng hotel. Nakahinga ako ng maluwag ng makilala kong si Yasmin iyon. Siguro naramdaman ng kaibigan ko na kailangan ko ng tulong.
"Bakit ito ang ginamit mong elevator? Sa likod ang service elevator 'di ba?" Parang nakakakaba manita sa staff si Mr. Fernandez. Seryoso ang mukha niya habang nakatingin kay Yas.
"Pasensiya na po, sir. Ginagawa po kasi ang service elevator ngayon kaya napilitan po akong gumamit dito. Hindi na po mauulit," nakayuko ang ulong sagot ni Yas.
Nakita kong yumuko si Mr. Fernandez at bumulong sa akin.
"We own this hotel," mahina niyang sabi sa akin.
Pakiramdam ko ay libong boltahe ng kuryente ang gumapang sa buong katawan ko ng maramdaman ko ang hininga niya sa tenga ko. Wala sa loob na napaurong ako sa kanya.
Pagdating namin sa lobby ay nagpaalam akong magbabanyo muna. Kailangan kong ayusin ang sarili ko. Hindi yata ako makahinga kapag kasama siya. Nang makita kong tumalikod na si Mr. Fernandez ay mabilis kong hinila papasok sa banyo si Yas.
"Ano ba itong pinasok natin?" Gusto ko ng umiyak sa sobrang kaba. Wala na talaga akong pag-asang makapag-backout.
"Panindigan mo na ito, Sallie. Isang gabi lang naman. Isipin mong mawawalan tayo ng trabaho kapag hindi mo ito ginawa," sabi ni Yas sa akin at inaayos ang suot kong damit.
"Paano kung may makakilala sa akin? Saka paano kung makita ako ng may–ari ng damit na suot ko?" Naiiyak na talaga ako.
"Walang makakakilala sa iyo," biglang hinatak ni Yas ang pantali ng buhok ko at lumugay mula sa pagkakapusod ang mahaba at wavy kong buhok. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin at nagmukha lang akong lalong seductive sa itsura ko.
"Sige na. Bilisan mo lang at baka bigla kang hanapin ni kalbo," paalala niya. "Iko–cover kita hangga't makakaya ko," itinutulak pa ako palabas ng banyo ni Yas.
Ilang beses akong napabuga ng hangin bago ako tuluyang lumabas ng banyo. Hindi ko mabilang kung ilang guests at staff ng hotel ang nag-second look sa akin habang papalabas ako ng hotel. Mabibilis ang mga hakbang ko dahil ayokong may makakita sa akin na kasamahan ko sa trabaho. Pagtayo ko pa lang sa harap ng hotel ay may pumaradang itim na BMW sa harap ko at agad akong pinagbuksan ng pinto ng isang staff. Nakita kong si Mr. Fernandez ang nagmamaneho ng sasakyan kaya mabilis akong sumakay paloob.
Nagtataka ako kung bakit hindi kami agad na umandar. Tumingin ako kay Mr. Fernandez at nakita kong nakatitig lang siya sa akin, nakangiti at iiling-iling.
"B-bakit? May problema ba?" Parang maiihi na ako sa kaba. Baka nakilala na niya akong maid sa hotel nila.
"I just can't believe how beautiful you are. Bakit ngayon lang kita nakita?" Halos pabulong ang pagkakasabi niya noon. Kahit kinakabahan ay hindi ko napigil na hindi mapangiti. Hindi ko maipaliwanag ang kaba at kilig na nararamdaman ko ngayon.
Sa isang coffee house sa Malate kami humantong ni Mr. Fernandez. Para talaga akong robot at hindi makagalaw ng pumarada siya sa harap ng coffee shop. Bumaba siya at pinagbuksan ako ng pinto pero hindi agad ako makababa. Baka kasi maraming tao at may makakilala sa akin.
"Let's go?" Nakangiting sabi niya.
Parang nakakahimatay naman ang ngiti ng lalaking ito. Ang ganda-ganda ng mga ngipin. Ang pula ng mga labi. Ang ganda niya ngumiti.
BINABASA MO ANG
Maid for you (COMPLETE)
RomanceDahil sa pag-ako ng responsibilidad, naging single mother si Sallie sa murang edad. Ang mundo niya ay umiikot lang sa kanyang anak - anakan at kung paano pa magiging maayos ang kanyang trabaho. Pero sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nagtagpo...