Sallie's POV
Isang linggo na akong nakaburo lang dito sa bahay. Isang lingo na akong walang trabaho matapos ang nangyari sa hotel. Okay lang naman sa akin mawalan ng trabaho. Madali namang maghanap at alam ko sa sarili na madali din akong makakakuha ng kapalit. Alam ko ang kapasidad ko bilang isang empleyado. Lahat ng trabahong pinasok ko ay kinaya kong gawin. Pero hindi ko magawang maghanap agad. Mas matindi pala sa sakit ng katawan ang nararamdamang sakit ng puso ko. Pakiramdam ko ay literal na binibiyak iyon dahil sa nangyari sa amin ni Armel.
Lukaret! Bakit ka magsisintemyento? Hindi mo naman naging boyfriend ang lalaking iyon.
Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ng isip ko. Wala naman ngang namagitan sa amin ni Armel para umarte ako ng ganito pero ramdam ko naman ang connection naming dalawa. Napahinga ako ng malalim. Ako na rin ang sumaway sa isip ko. Gusto ako ni Armel bilang si Rosey. Si Rosey na maganda, si Rosey na mayaman, si Rosey na sosyal. Iyon ang gusto niya. Pero nang makilala niya si Sallie na katulong, hindi nga' ba't ipinagtabuyan pa niya ako.
Ang sakit – sakit noon. Noon ko lang naranasan na manliit ng ganoon.
Tumingin ako sa telepono ko ng tumunog iyon. Napangiti ako ng mapakla ng makita kong si Yasmin ang tumatawag sa akin. Matapos ang nangyari sa amin, umiwas na muna ako sa kanya. Sariwa pa sa hotel ang mga pangyayari. Alam kong puputok din naman doon ang kagagahang ginawa namin.
"Yas," agad kong bati sa kanya ng sagutin ko ang telepono.
"Sallie, buti naman sinagot mo na ang tawag ko. Galit ka pa ba sa akin?" ramdam ko ang lungkot sa boses ng kaibigan.
Napatawa ako. "Bakit naman ako magagalit sa iyo? Okay lang ako. Huwag mo akong intinidihin."
"Nahihiya ako sa iyo ng sobra. Dahil sa kagagahan ko. Dahil sa pagpipilit ko sa iyo na gawin iyon, nawalan ka ng trabaho. Tapos ako nandito at na – promote pa," narinig kong umiiyak na si Yas sa kabilang linya.
"Yas, ano ka ba? Walang problema doon. Natutuwa nga ako at na – promote ka. Kumusta ang pagiging supervisor mo?" pinilit ko na lang na maging masaya ang boses ko para naman hindi na ma-guilty ang kaibigan.
Suminghot-singhot pa ito bago sumagot.
"Mabuti naman. Kakatapos ko lang ng seminar ngayon. Mababait naman sila sa akin. Kinausap pala ako ni Mr. Fernandez," sagot niya.
Pakiramdam ko ay tumalon ang puso ko nang marinig iyon.
"O? Bago ka mag-assume, makinig ka muna. Si Mr. Rufus. 'Yung matandang Fernandez. Tinanong niya kung ano daw ba talaga ang nangyari sa atin at kay Sir Armel. Sinabi ko naman lahat. Sinabi ko ang totoo. Hindi naman siya nagalit. Hindi rin siya nag – react. Ang nagwawala, 'yung si Estelle. Galit na galit siya. Hinahanap ka pa nga. Sobrang kapal daw ng mukha mo at isinuot mo pa ang damit niya," pagkukuwento pa ni Yasmin.
Napahinga na lang siya ng malalim. Nakaramdam ako ng pagka-dismaya. Talagang wala na sigurong pakielam si Armel sa akin. Abot hanggang langit ang galit niya. Sabagay, sino nga ba ako? Kayang – kaya akong palitan ni Armel.
"Si Sir Armel, hindi nagagawi dito. Isang linggo nang hindi pumupunta. Narinig ko lang sa mga chismis na nagbakasyon daw yata. Hindi ko lang alam kung saan," pagkukuwento pa ni Yas. Parang nabasa yata niya ang nasa utak ko.
"Sige na Yas, baka marami ka pang gagawin. Huwag kang mag – alala, okay lang ako talaga," gusto ko nang putulin ang pag-uusap naming kasi baki hindi ko na mapigil ang sarili ko at bigla na lang bumunghalit ng iyak.
BINABASA MO ANG
Maid for you (COMPLETE)
RomanceDahil sa pag-ako ng responsibilidad, naging single mother si Sallie sa murang edad. Ang mundo niya ay umiikot lang sa kanyang anak - anakan at kung paano pa magiging maayos ang kanyang trabaho. Pero sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nagtagpo...