Sallie's POV
"Kuya sa Malate tayo, ha?"
Pakiramdam ko ay may tinik na natanggal sa dibdib ko ng umandar na kami paalis doon. Ilang beses akong bumuga ng hangin dahil hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko kapag kasama ko ang Armel na iyon. Kung bakit naman kasi ipinanganak siyang guwapo. Napangiti at napakagat-labi nang maalala ko ang ginawa niyang paghalik sa akin. Nangingiti ako at kinikilig.
Ramdam ko naman na nagpapa-cute sa akin ang lalaking iyon. Pero siyempre, ayoko din naman na mag-assume. Mahirap na at baka kapag nakakita siya ng butas na madali pala akong mapaikot ay samantalahin na niya. Alam ko naman kung saan ako lulugar. Kahit nabihisan ako at umangat ng konti ang estado ng trabaho, alam ko pa rin ang nakatatak sa utak ni Armel. Katulong lang ako at kahit kailan, ang katulong ay hindi nababagay at hindi kailanman nababagay sa amo.
Mabuti na lang din at hindi traffic kaya wala pang kalahating oras ay pumaparada na ang sinasakyan ko sa tapat ng inuupahan naming bahay. Sigurado akong magugulat sila nanay at Enzo sa pagdalaw ko. Wala kasi silang kaalam-alam na pupunta ako ngayon.
Pagbaba ko sa taxi ay napakunot ang noo ko nang makita ang isang kotseng pumarada sa likuran ng taxi. Napasimangot ako nang makilala kong kotse ni Armel iyon. Sinundan niya kami! Lumapit ako sa kotse niya at malakas kong kinatok ang tinted na bintana. Maya-maya lang bumukas iyon at nakangiting mukha ni Armel ang bumungad sa akin.
"Ang kulit mo talaga 'no? Anong ginagawa mo dito?" Bahagya pa akong umusod dahil binuksan na niya ang pinto para makababa.
"Bakit ba? May pupuntahan ako dito," sagot niya at tumingin – tingin sa paligid. "Dito ka ba nakatira?"
Hindi ako sumagot at tinalikuran ko na lang siya. Kumatok ako sa bahay namin at nawala ang inis na nararamdaman ko nang mabungaran si Enzo na nagbukas ng pinto.
"Mama!" bulalas nito at mahigpit na yumakap sa akin.
"Anak, miss na miss ka ni mama," gumanti din ako ng yakap sa kanya. Pero naramdaman kongn kumalas siya mula sa pagkakayakap sa akin tapos ay nakatingin sa likuran ko.
"Kasama mo ang boyfriend mo, 'ma?" taka nito tapos ay biglang sumigaw. "Nanay! Kasama po ni mama ang boyfriend niya!" at bago ko pa masaway ang bata ay nagtatakbo na ito paloob sa bahay.
Inis na tiningnan ko si Armel na nasa likod ko at nakangiti pa rin sa akin.
"Kung bakit kasi pumunta ka pa dito? Umalis ka na nga," pagtataboy ko sa kanya pero mabilis ko ding binago ang mood ko dahil nakita kong papalapit na si nanay.
"'Nay," nagmano ako at humalik sa pisngi ng matanda.
"Kumusta Sallie?" tanong nito at napatingin kay Armel. "Sino ba itong kasama mo at nagsisisigaw si Enzo na may kasama ka daw boyfriend?" tanong ni nanay. "Si Patrick ang boyfriend mo 'di ba?"
"'Nay, matagal na ho kaming hiwalay ni Patrick. Saka hindi ko ho boyfriend 'yan. Anak ho iyan ng boss ko," pumasok na ako sa bahay. Kahit hindi ko naman iniimbita ay nakasunod lang sa akin si Armel. Kung puwede ko lang talaga siyang itaboy kaso hindi ko magagawa dahil siguradong kagagalitan ako ni nanay. Sasabihin niya na nambabastos ako ng bisita.
"Kumusta ho kayo?" Magalang na bati ni Armel. Nagmano rin siya sa nanay ko. Napataas ang kilay ko. May itinatago naman palang galang ang lalaking ito.
BINABASA MO ANG
Maid for you (COMPLETE)
RomanceDahil sa pag-ako ng responsibilidad, naging single mother si Sallie sa murang edad. Ang mundo niya ay umiikot lang sa kanyang anak - anakan at kung paano pa magiging maayos ang kanyang trabaho. Pero sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nagtagpo...