Coninuation of Flashbacks
Gerald's POV
Sobrang saya ng nararamdaman ko ngayon. Parang gusto kong magtatatalon sa tuwa. Mabuti at pumayag si Dianne na ako ang sumama sa kanya sa paghanap ng bahay at dito pa mismo sa subdivision namin. Mukhang umaayon talaga sa akin ang tadhana. Kapag nagkataon, makakasama ko pa sa iisang subdivision si Dianne. Should I consider tomorrow as a date? Parang ang panget naman ng first date namin. Ipinilig ko naman ang ulo. Ano ba itong mga naiisip ko? Hindi yun date, sasamahan ko lang siyang maghanap ng bahay.
Nasa may pinto na ako ng apartment na inuupahan namin. Alam kong nasa loob na ng bahay ang mga kaboardmate at kapwa ko mga engineers dahil may nanonood na ng tv at may kumakalansing na mga kutsara. Matagal na kami nina Alvin at Celso sa bahay na ito. Magtatatlong taon na kaming magkakasama sa bahay na ito. Parepareho kaming galing sa Cagayan de Oro at sabay sabay na nahire ng isang company. Maituturing ko na silang mga kaibigan dahil sa tagal naming magkakasama. Pero hindi ko muna ikukuwento sa kanila ang tungkol kay Dianne dahil tiyak na aalaskahin ako ng mga ito.
Pagpasok ko ay tinanguan ako agad ni Alvin, si Celso naman ay nakikipagusap sa cellphone sa girlfriend na nasa Canada.
"Kain na pre. May tira kami ni Celso na adobo dyan." Alok sakin ni Alvin habang namumuwalan sa kinakaing tsitsirya.
"Sige pre. Katatapos ko lang sa office kanina." Wika ko sabay upo sa stool sa may lamesa. Inabutan ako ni Alvin ng coke in can.
"Kinakamusta ka ni Geraldine, pare." Muntik akong masamid sa sinabi ni Alvin. Bakit bigla naman akong kinumusta ni Geraldine? Kakilala din ito nila Alvin dahil nadala ko na ito one time sa apartment.
"A-anong sabi mo?" Nauubong tanong ko kay Alvin.
"Sabi ko okay ka lang and you're getting married. Sinabi ko din na ikaw na lang ang imessage niya." Balewalang sabi ni Alvin.
"Bakit sinabi mong magpapakasal na ako eh wala naman akong girlfriend?" Natatawang tanong ko. Loko-loko talaga ang kaibigan kong ito.
"Para tigilan na ako ng kamemessage tungkol sayo. Kakaiba yung babaeng yun. Walang kakuntentuhan sa buhay." Naiiling na sabi ni Alvin.
"Maggirlfriend ka na kasi pare para may maipost ka sa facebook mo at makita niyang okay ka na." Sabat ni Celso na tapos ng makipagusap sa nobya.
"Kahit naman anong gawin niya, hindi na kami magkakabalikan. May boyfriend na siya at ayaw ko na talaga." Wika ko sa dalawa kong kaibigan.
"Oo naman pre. Aba siya na ngang nanloko, may gana pa siyang imessage si Alvin. Mga babae talaga." Napapapalatak pa na sabi ni Celso.
"Bakit ba kasi ayaw mo pang maggirlfriend? Andami namang bebot sa department nyo. May maganda dun eh, yung matangkad na maputi, yung Annie ang pangalan." Sabi ni Alvin.
"Hindi pare. Maganda yung maliit na morena. Yung pinakabata. Yung parang inutusan lang ng nanay niya na bumili ng suka." Natatawang sabi ni Celso.
Mukhang si Dianne ang tinutukoy nito. Medyo pareho pala kami ng taste sa babae. Ayaw ko sa matatangkad. Gusto ko yung mga petite, yung mga tipong alagain. Nakakaexcite ang lakad namin bukas. Alam kong sooner or later, may maipapakilala na akong girlfriend kina Celso at Alvin.
----------
Dianne's POV
Ui ano ba? Bakit di ako makatulog? Bakit ko naiisip yung lakad namin ni Ser Gerald bukas? Nagsisimula na naman akong mag-assumed eh. Alas dose pasado na sa cellphone ko. Maaga pa akong gigising bukas pero ayaw man lang akong papikitin ng utak ko. Dilat na dilat pa ang mga mata ko. Nagulat pa ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Nagtext si Ser Gerald.