"Maligayang bati sa bagong kasal!" Napuno ng masigabong palakpakan ang reception area kasabay ng pagkanta at pagkalabit ko ng gitara.
Ngayong araw na ito, ang kaligayahan niya lang ang aking ninanais. Ang manatili ang ngiting matagal kong hindi nasilayan.
Napatingin ako sa babaeng una kong minahal. Napakaganda nya. Nagtama ang aming mga mata, matang matagal ko nang sinisinta. Matagal ko nang hinahangaan.
Kumaway sya sa akin. Naalala ko noon, gustong-gusto kong hawakan lagi ang kanyang kamay. Tila ba pinararamdam nitong ako'y protektado. Pati yakap nyang kumot ng nag-uumapaw na pagmamahal at lambing.
Ngumiti sya saakin ng pagkatamis-tamis na tila ba pinapagaan ang aking kalooban. Ngiting madalas nyang ibigay sa akin kung ako'y nalulungkot, masaya, natatakot at nahihirapan.
Ang labi nyang natural na mapula. Napangiti ako. Ilang ulit nga bang lumapat ang kanyang mga labi sa aking pisngi? Kahit sa aking pagtulog ay naroon pa rin ang kanyang mapagmahal na halik sa aking ulo.
Di mapigilang ang aking mga luha ay tumulo. Tinapos ko na ang aking kanta at nagsalita.
"Patawad mama. Gusto kong maging maligaya ka ngayon."
Lumapit sya sa akin. "Mabuti't umuwi ka na, anak." At naramdaman ko muli ang yakap nyang matagal ko nang inaasam.