Bakit nga ba nasusunog ang mga kawali? Ah! Minsan kasi'y may kulang na sangkap at umaalis ang nagluluto. Madalas nama'y nakakaligtaan, naaliw sa tsismisan o di kaya'y sa pinapanood.
Si mama, lagi siyang nagluluto para sa amin. Lagi niyang gamit ang kawaling regalo ko sa kanya. Pinakaiingatan niya ito kaya naman iniiwasan niyang masunog.
Lahat ng luto niya roon ay masasarap. Naalala ko noong huling umuwi ako, nakaubos ako ng ilang tasang kanin. Busog na busog ako hindi lang sa pagkain kung hindi sa pag-aalaga niya. Sa pagmamahal.
Bisperas ng pasko ng ako'y umuwi. Kakaiba ang aking pakiramdam. Sobrang dilim ng lugar namin. Agad kong tinungo ang bahay namin para lamang manlumo. Sunog ang bahay namin. Nasunog ang bahay namin!
Isang parte ng bahay ang gumuho bigla. Naalala ko sila mama. Nasaan sila?! Wala sa katinuang tumakbo ako papasok doon. Naghahanap kahit walang hinahanap kahit wala nang pag-asa.
Nanghihinang lumabas ako. Hinihingal pa sa sobrang emosyon nang iangat ko ang aking paningin. Nakatayo si mama, ang mga kapatid ko sa aking harap. Umiiyak sila ngunit nakangiti. Yakap-yakap ni mama ang kawali. Imbes na maiyak ay natawa ako. Oo nga pala, hindi maaaring masunog ang pinakamamahal niyang kawali.